CM-6
Wala akong naisagot kay Kanyue. Hindi ko alam na ganito pala katindi ang pagnanasa niya sa akin. Hindi ko alam kung tama bang magpasalamat ako dahil sa pagiging tapat nito.
Gumapang naman ang kamay nito sa aking baywang at pinaharap ako sa kanya.
"Huwag kang lalayo sa akin mamaya Hollian," bilin pa niya.
Tanging tango lamang ang nasagot ko. Hindi ko mawari sa aking sarili kung nalunok ko ba o naputol ko ang aking dila sa aking biglaang pananahimik. Wala akong masabi!
Kinayag naman niya ako hanggang sa tuluyan kaming makalabas ng bahay. Isang Volkswagen na sasakyan ang bumungad sa akin. Agad akong napalapit dito. Ito ang unang beses na makasasakay ako sa isang luma ngunit hindi ito basta lang isang pipitsuging sasakyan. Dahil ang ganitong sasakyan ay nagmamahal ng presyo kapag dinaanan na ng ilang taon.
Pinagbuksan naman niya ako ng pinto at inalalayang makapasok sa loob.
"Kaninong sasakyan ito?" tanong ko kay Kanyue nang maupo ito sa aking tabi.
"Sa akin at hindi lang ito ang mayroon ako Hollian, higit pa sa inaakala mo."
Napanganga man ngunit nag-iwas na lamang ako ng aking tingin at huminga ng malalim.
~
Nang huminto ang kotse ay nasapo ko ang aking dibdib. Kinakabahan ako ng husto dahil hindi ko naman alam kung anong klaseng kasiyahan ba itong dadaluhan ko. Wala rin naman kasing nabanggit si Kanyue kung para saan ang okasyong ito at isa pa'y kanina pa ito tahimik. Panisan ng laway yata ang labanan naming dalawa! Kanina pa nasa labas ng sasakyan ang atensyon nito. Gusto kong magtanong ngunit lagi akong nag-aalangan. Diyos ko! Masyado na yata akong praning at kung anu-ano na itong tumatakbo sa aking isipan.
Muling tumakbo ang kotse at umikot ng isang beses bago tuluyang huminto sa mismong entrada ng gusali na may apat na palapag. Agad namang kumilos si Kanyue na nasa aking tabi at lumabas ng sasakyan. Bigla itong sumulpot sa kabila at pinagbuksan ako. Napakurap ako. Namamalik-mata na naman yata ako. Kaya lang ay nakuha nito ang aking atensyon.
"Maginoo," bulong ko sa aking sarili.
Kinuha naman niya ang aking kanang kamay at inalalayan ako. Nakaiilang man ngunit mahigpit akong napakapit sa kanyang braso at mahigpit na humawak ang aking kaliwang kamay sa kanang kamay nito.
Nang bumukas ang pinto ng bulwagan at bahagyang naningkit ang aking mga mata dahil sa dami ng ilaw at halos malula ako sa dami ng bisita. Ang mga suot nila'y kasing gara rin ng kasuotan naming dalawa ni Kanyue.
"Ginoong Zoldic, mabuti at nakadalo ka," wika pa ng isang babae nang makalapit ito sa amin.
Tanging tango lamang ang tugon ni Kanyue sa babaeng kaharap namin.
"At sino naman itong kasama mo?" baling pa nito sa akin.
Sa tono niya'y parang hindi niya ako gusto, mas lalo na ako.
"Asawa ko," sagot naman ni Kanyue. Lihim akong napangiti sa aking sarili nang makita ko ang biglaang pag-asim ng mukha ng babae.
"Binabati kita Kanyue. Naroon si ama at kanina ka pa no'n hinahanap," anito.
Nagpatiuna ito sa paglakad habang kaming dalawa ni Kanyue at nakasunod lamang sa kanyang likuran. Hinapit ni Kanyue ang aking baywang at bahagya akong nginitian. Nalulusaw ang puso ko sa mga ngiti mo Kanyue. Kung alam mo lang!
"Huwag kang kakain o iinom ng kahit ano Hollian. May ipinahanda na ako para sa iyo sa isang pribadong silid," bulong niya sa akin.
Nagtataka man ngunit tumango ako. Sakto naman na paglingon no'ng babaeng kausap namin kanina ay siya ring paghalik ni Kanyue sa aking noo. Hindi nakaligtas sa mga mata ko ang kanyang pag-irap at kasabay niyon ay ang matalim niyang pagtitig sa akin. Naismid ako. Pasensyahan tayo pero sa akin nahumaling si Kanyue! Kahangalan man ngunit gusto ko itong nangyayari sa akin ngayon.
"Kanyue!" masiglang bati pa ng may edad na lalaki. Ito marahil ang ama ng babaeng 'yon.
"Don Gregorio," simpleng tugon lamang din ni Kanyue. Nakipagkamay si Kanyue sa matanda.
"Lorry? Maari bang asikasuhin mo muna ang kasama ni Kanyue," anang matanda.
"Hollian po," maagap ko namang wika.
"Masusunod ama," sagot naman ni Lorry.Parang gusto kong magprotesta. Umiling sa akin si Kanyue at lumakad na kasama ang Don. Marahas akong napabuga ng hangin.
"Hollian, tama ba?" baling sa akin ni Lorry.
Napatango ako.
"Di-diretsahin na kita Hollian. Hindi kita gusto at mas lalong hindi kita gusto para kay Kanyue. Alam mo bang matagal ko siyang binabakuran pero lintik! Naunahan mo ako ng ganoon kabilis! Ang balita ko'y nabibilang ka sa pamilya ng mga hindi masyadong mayaman. Naghihirap ka pa nga raw ngayon. Alam mo bang lahat nang narito ay mas mayaman pa sa iyo, lalong-lalo na si Kanyue. Isa siyang Zoldic. Isa sa mga nagmamay-ari ng isla Bakunawa at isla Herodes. Sa kanya ka nagbabayad ng buwis. Nagtataka nga ako kung bakit ikaw pa ang pinatulan niya. Ginayuma mo ba siya Hollian? Dahil kung hindi, aba'y bilib na ako sa tindi ng apog mo. Ngayon pa lang ay hiwalayan mo na si Kanyue. Hindi mo siya kilala ng lubusan. Halimaw si Kanyue sa lahat ng bagay. Kung mahal mo siyang talaga ay dapat sigurado ka na tanggap mo kung ano talaga siya. Binabalaan kita Hollian, layuan mo si Kanyue!"
Binangga pa nito ako at muntikan pa akong matumba. Naninikip ang dibdib ko at hindi ako makahinga. Dahil sa mga narinig ko'y parang winasak ang puso ko. Tuloy-tuloy din sa pag-agos ang aking mga luha. Ang sakit! Pakiramdam ko'y napakababa ko! Pakiramdam ko'y napakarumi kong babae!
~~~~~
Inagahan ko na, nagloloko kasi app ko! Huhu! Next Week po ulit! :)