CM-7.1
NANG makauwi kami ng bahay ay karga niya pa rin ako. Dinala niya ako sa sulok ng hardin kung saan may maliit na talon. Ibinaba niya ako sa malapad na bato habang ako'y nakatapat sa malinaw na tubig na umaagos sa aking harapan. Tinanggal niya ang aking tsaketang suot at hinayaan ko siyang tanggalin ang huling mga saplot ko sa katawan. Marahan niya akong hinila upang tumapat sa akin ang tubig. Napapikit ako ng mariin. Nakahihiya man ngunit wala ako sa aking sarili. Ninamnam ko ang bawat tubig na dumadaloy sa aking buong katawan at 'di man lang inalintana ang matinding lamig ng tubig. Napasinghap ako ng marahan nang yumapos ang dalawang palad nito sa aking baywang. Agad kong nadama ang malapad at matipuno nitong dibdib sa aking likuran. Sumabay siya sa akin sa pagligo. Niyakap niya lang ako mula sa aking likuran habang ang kanyang mukha ay nakasiksik sa aking leeg. Mabibigat ang mga binibitawan nitong hininga. Wari'y naiintindihan nito ang aking nararamdaman kung kaya't hanggang ngayon ay wala pa rin itong kibo. Napatingala ako at sinalubong ang malakas na agos ng tubig. Aminado akong ang matinding lamig ng tubig ay nakatulong sa akin upang guminhawa ang aking pakiramdam.
NANG matapos kami sa pagbababad sa tubig ay heto kaming dalawa sa kama. Nakaupo ito sa kama habang ako naman ay nakaupo sa pagitan ng kanyang mga hita. Nakayakap ito sa akin at para bang ayaw na niyang lumubay sa akin. Habang ako naman ay nakatitig lamang sa kawalan.
"Hollian," mahina niyang tawag sa akin. Hindi ako kumibo.
"Sabihin mo sa akin lahat ng bagay na gusto mong sabihin," aniya. Agad na nanubig ang aking mga mata.
"Napagtanto ko, kung hindi ka dumating kanina, marahil ay wala na ako sa mundong ito. Ngunit, agad na sumagi sa aking isipan. Kung hindi nangyari iyon ay 'di ko maiintindihan ang mga binitiwang salita ni Lorry sa akin." Napasinghot ako at pinunasan ang aking mga luha sa magkabilang pisngi.
"Masakit para sa akin na parang lumalabas pa na ginagamit kita. Alam mong hindi totoo 'yon. Alam mong napilitan lang ako. Alam mo kung ano ang totoo pero bakit iba ang kanilang nakikita. Nakatatawa." Bahagya akong nailing.
"Hindi ko rin maintindihan kung bakit nasabi ni Lorry sa akin ang mga bagay na iyon..." Bahagya akong natawa.
"...halimaw ka sa lahat ng bagay? Gusto kong isipin na nagbibiro lang siya pero sa aking nakita at nasaksihan kanina'y para akong sinampal ng sampung beses dahil sa katotohanang 'yon. Ni ayaw pa tanggapin ng utak ko. Lagi nitong sinasabing, guni-guni ko lamang ang mga iyon. Pero hindi e! Iyon mismo ang nakita ng aking dalawang mata. Baliw na ba ako Kanyue? Kasi kung oo'y magpapagamot na ako." Pinahiran ko ang aking mga basang pisngi. Gumalaw naman ang mga bisig nito upang yakapin ako ng husto.
"Kapag sinabi ko ba ang totoo Hollian, tatatanggapin mo ba ako?" anito. Mariin akong napapikit. "Hindi ko alam at hangga't maari ay ayaw ko munang alamin. Ang alam ko lang? Kakaiba ka at 'yan na muna siguro ang panghahawakan ko." Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan nito. Kumalas ito sa pagkakayapos sa akin.
"Bumalik ka muna sa bahay mo," aniya bago tuluyang napaurong at tuluyang lumabas sa kanyang bahay na hardin. Hindi ako agad nakasagot sa kanyang sinabi. Pinapaalis na ba niya ako? Nakagat ko ang aking labi at inakyat ang aking mga tuhod para yakapin. Tulala lamang ako sa kawalan hanggang sa tuluyan na akong hatakin ng aking antok.
KINAUMAGAHAN ay maaga akong nagising.
"Senyorita Hollian, magandang umaga po!" masiglang bati pa sa akin ni Des habang inaayos ang mga bulaklak sa plorera. Agad na kumunot ang aking noo.
"Paano ako nakarating dito?"
Malapad naman na napangiti sa akin si Des at tila kinikilig pa ito.
"Nako senyorita Hollian, hinatid ka po rito ng senyorito Kanyue. Ang aga nga po nambulabog e. Mabuti na lang talaga at 'di kayo nagising. Napasigaw pa naman si Manang Bebeng kaninang madaling araw. Ang akala niya po kasi ay kung na pa'no kayo." Napaawang ang aking mga labi at laglag ang aking balikat. Tinutoo niya ang pagpapauwi sa akin. Napababa ako agad sa aking kama at itinirintas ang aking buhok.
"May kasunduan kami Des! Hindi puwedeng masira 'yon!" Nagkukumahog ako sa paghagilap ng aking tuwalya.
"Pero senyorita Hollian, umalis na po ang senyorito Kanyue pagkatapos niya kayong ihatid. Tatawid po muna raw siya sa kabilang isla kaya matatagalan iyon sa pagbalik."
"Ano!?" gulat kong sambit. "Opo. Isinama pa nga po niya si Kaloy," segunda pa ni Des.
"Hindi p'wede 'yon Des! Hindi siya puwedeng umalis!" Agad akong lumabas ng aking silid.
"Senyorita Hollian, saan kayo pupunta?" salubong agad ni Manang Bebeng.
"Kay Kanyue po," sagot ko at nagmadali sa pagpanaog sa hagdan.
"Pero anak, kanina pa umalis ang senyorito Kanyue!" habol sa akin ni Manang Bebeng.
"Hindi po! May kasunduan kami!" Tinakbo ko agad si Mang Karyo nang makita kong may hila-hila itong puting kabayo.
"Magandang umaga po senyorita Hollian," bati pa nito sa akin nang makalapit ako sa kanya.
"Pahiram po ng kabayo," sagot ko imbes na batiin ito pabalik. Agad ko itong sinakyan.
"Sandali lang po senyorita Hollian! Kukunin na po iyan no'ng may-ari!" Narinig ko pang sigaw nito nang makalayo ako ng tuluyan, pero hindi ako tumigil. Hindi magagawa sa akin ni Kanyue 'yon! Nagbibiro lang siya! Mas binilisan ko pa ang aking pagpapatakbo sa kabayo hanggang sa tuluyan kong narating ang asyenda ni Kanyue. Agad akong bumaba sa kabayo at tinakbo ang bahay na hardin ni Kanyue. Nang matapat ako sa pinto ay pinilit kong buksan ito ngunit nakakandado ito.
"Senyorita Hollian?" Napalingon ako sa aking likuran. Si Mang Domeng, ang isa sa mga tauhan kong lumipat kay Kanyue. Agad siyang lumapit sa matanda.
"Mang Domeng, si Kanyue po? Nasaan siya?"
"Kanina pa po umalis senyorita. Nasabi rin po nito na hindi siya sigurado kung kailan ito babalik. Hindi niyo po ba alam?" Umiling ako at agad na tumulo ang aking mga luha.
"May nasabi po ba akong masama senyorita Hollian?" tarantang tanong nito sa akin. Agad naman akong umiling.
"Pero baka maabutan niyo pa sa pantalan. Madalas din po kasing maatraso ang biyahe sa barko kapag maraming biyahero." Nabuhayan ako ng loob at agad na tinakbo ang aking kabayo. Mabilis kong tinungo ang pantalan.
****
Gusto niyong manalo at magka-chance na mapasakamay niyo ang THE KNIGHT IN THE DARK book version? Join in my game. Search Maikitamahome Wp facebook page. This is my way of saying how thankful I am. Game ends April 10, 2017. Winner will be posted on April 15, 2017. Thank you po!