CM-3.1

7.1K 259 21
                                    

CM-3.1

~

Nang makarating ako sa kubo ay agad din naman akong pumasok sa loob. Sinindihan ko ang lampara at inilagay ito sa mesa. Pumuwesto ako sa bintana at napasandal sa dingding. Sobrang laki ng buwan at kay liwanag nito.

"Emil," sambit ko sa kawalan at agad na nag-unahan sa pagbagsak ang aking mga luha sa mata.

"Kung bakit naman kasi nawala ka pa, 'di sana'y may karamay ako ngayon," wika kong muli sa kawalan.

Bumuntong-hininga ako at napayuko. Masakit pa rin sa akin na wala na si Emil. Napapikit ako at inalala ang mga nangyari.

Noong nakaraang tatlong taon ay biglang nagkaroon ng sakit na malubha si Emil. Tutulungan ko sana siya na magpagamot pero ayaw niya. Pinilit ko siya na magpatingin sa mga manggagamot sa ibang bayan pero tumanggi pa rin siya. Ang sabi pa niya sa akin ay alam niyang hindi na magtatagal pa ang kanyang buhay. Halos madurog ang puso ko noong mga oras na iyon. Sino ba ang hindi masasaktan kapag nasa piligro na ang buhay ng taong minamahal mo. Ngunit may prinsipyo siyang pinaninindigan at wala akong nagawa para ro'n. Ni hindi ko nga alam kung anong sakit ba ang dumapo sa kanya. Hanggang sa isang araw, nalaman ko na lang na wala na ito at nailibing agad ang katawan nito. Isang nagngangalang Ishmael ang nagpakilala sa akin noong mga panahong iyon. Siya kasi ang nag-asikaso sa pagpapalibing kay Emil sa sementeryo. Noong mga oras na iyon ay ayaw ko pang maniwala na wala na ito. Hindi ko matanggap na iniwan niya ako ng ganoon lang. Dalawang taon ko rin itong naging kaibigan dito sa isla Herodes. At isa pa sa hindi ko nagawa bago man lang ito pumanaw ay ang masabi sa kanya na iniibig ko siya ng lubusan. Kahit na alam ko na kahit minsan ay hindi naman ito nagpakita ng motibo sa akin. Alam kong kaibigan lang ang turing nito sa akin at nirerespeto ko iyon.

"Emil," muling sambit ko sa kawalan.

"Umiibig ka ng lubusan kay Emil kaya ayaw mong tanggapin ang alok ko," biglang wika ni Kanyue sa aking likuran.

"Anong ginagawa mo rito!? matabang kong tanong dito.

"Pagmamay-ari ko ang lupang tinitirikan ng kubong ito Hollian kaya hindi na nakapagtataka kung bakit narito ako. At isa pa, magandang pagmasdan ang buwan sa puwestong ito."

Hindi ako kumibo at umalis sa may bintana. Nilagpasan ko ito pero maagap nitong nahawakan ang aking kanang braso.

"Bitawan mo ako!" mariin kong utos dito.

"Sa santong dasalan ba o sa santong paspasan," aniya.

Napakunot ako ng aking noo.

"Hindi kita maintindihan kaya bitiwan mo ako!"

Pilit kong binabawi sa kanya ang aking kanang braso pero ayaw nitong matinag.

"Alam mo bang sa lahi ng mga Zoldic ay mainipin kami Hollian. Ayaw namin ng paliguy-ligoy sa lahat ng bagay, lalo na sa mga bagay na gustong-gusto naming makuha."

Nanatili sa pagkunot ang aking noo. Tila yata ay nagbabanta pa ito sa akin.

"Hindi ako natatakot sa iyo," mariing utas ko.

Pino naman itong napatawa.

"Mabuti na lang pala at wala akong ritwal na sasambitin sa bawat pagniniig na magaganap sa pagitan nating dalawa. Pinagbigyan ako ni Luna sa aking kahilingan. Nakaiinip na maghintay pa sa iyong pasya Hollian. Inuubos mo ang aking pasensya kaya bakit pa kita idadaan sa sagala kung puwede naman pala kitang iduyan ng mas maaga."

Napanganga ako sa aking mga narinig. Bago pa man ako makapagsalita ay bigla na lamang nito akong kinabig. At nang kumurap ako'y bumagsak na ang aking katawan sa isang malambot na kama. Pamilyar pa ang lugar na binagsakan ko dahil narito kami sa bahay na hardin niya at kama niya ito!

Kinubabawan nito ako na agad namang ikinabilog ng aking mga mata.

"Anong gagawin mo!?" gulat at kabado ko pang tanong sa kanya.

"Gusto kitang makasama Hollian," anito.

"Ano ba! Umalis ka sa ibabaw ko!" singhal ko rito.

"Bakit ko naman gagawin iyon?"

Kumunot pa ang noo nito habang mataman pa akong pinagmamasdan.

"Dahil hindi magandang biro ang gagawin mong 'to!"

"Alam mo bang gusto na ng pinsan kong si Steffano na magkaroon na ng pamangkin sa akin. Parang magandang ideya 'yon."

Napalunok ako sa sinabi niyang 'yon.

Namilog pa lalo ang aking mga mata nang dumagan ito ng todo sa akin. Iyong parang yakap na niya ako dahil halos magkadikit na ang aming mga katawan. Isiniksik pa nito ang kanyang mukha sa aking leeg dahilan para ako ay mapasinghap.

"Ngunit kahit ganoon pa man Hollian ay malaki pa rin ang respeto ko sa iyo. Gusto ko lang na makasama ka. Makita kang mahimbing na natutulog sa aking mga bisig," anito dahilan para tuluyan akong mapaluha.

Umayos ito sa pagkakahiga sa kama at iniunan ang kanyang kaliwang bisig sa aking ulo. Gumapang pa ang kanyang kamay rito sa aking manipis na baywang.

"Hindi kita sasakyan Hollian," anito at hinalikan pa ang aking noo.

Natulala ako saglit at mariing napapikit. Nagtataka ako sa aking sarili. Ginaganito na niya ako ngunit wala akong makapa na sama ng loob dito sa aking dibdib. Hindi ko alam kung bakit pero nararamdaman ko si Emil sa kanya.

"Paano ako nakarating dito?" sa wakas ay utas ko.

"Malalaman mo rin kung paano pero hindi pa ngayon Hollian," dagdag nito.

"Pero..." protesta ko bago tuluyang bumagsak ang aking mga talukap sa mata.

CARITAS MEATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon