CM-11

5.8K 191 22
                                    


CM-11

NANG makauwi ako sa sarili kong asyenda ay agad akong sinalubong ni Manang Bebeng. Puno nang pag-aalala ang kanyang mukha na para bang may malaki itong problema. 

"Ayos ka lang ba 'nay? May problema ba?" 

Huminga muna ito ng malalim bago ako sinagot.

"Mabuti at umuwi ka. Kanina ko pa inaawat ang ina mo na huwag kang puntahan sa kabilang bakod."

Namilog ang aking mga mata at nakuyom ang aking mga kamao. 

"Ang babaeng iyon!" inis kong wika. 

Agad akong lumakad papasok sa loob ng bahay. Isang mahigpit na yakap ang agad na sumalubong sa akin. 

"Anak, kumusta ka na?" 

Agad akong kumalas. 

"Sa nakikita mo naman ay maayos ako. Maari ka nang umalis."

Igting naman ang kanyang panga. 

"Ipinagtatabuyan mo ba ako?"

"Hindi naman. Abala lang ako." 

Tinalikuran ko siya ngunit nahila naman niya ang aking kanang braso.

"Huwag kang bastos!" singhal niya.

Tinabig ko ang kanyang kamay.

"Hindi ako bastos. Hindi mo ba makuha? Ayaw kitang makita kaya kung puwede lang? Bukas ang pinto. Malaya kang makakaalis." Muli ko siyang tinalikuran ngunit mabilis niya akong nahila dahilan para mapaharap akong muli sa kanya. Isang malakas na sampal ang dumapo sa aking pisngi. Sa lakas ng sampal niya tumilapon ako at tumama sa mesa ang aking balakang. 

"Ugh!" ungol ko.

"Shaurine!" Narinig kong sigaw ni Manang Bebeng at agad na lumapit sa akin upang ako'y tuluyang makabangon. 

"Nahihibang ka na ba! Sarili mong anak ay sasaktan mo!" dagdag ni Manang Bebeng.

Napakapit ako sa balikat ni inay. 

"Anak? Ganyan ba ang isang anak na kung tratuhin ang magulang ay walang galang!" Tiim-bagang akong tumitig sa kanya at bumitiw kay inay. Puno ng sarkasmo ang aking pagtawa ng biglaan.

"Anak? Kailan mo ba ako itinuring na anak! Ilang taon ka bang nawala? Sampung taon, 'di ba? Ngayon uuwi ka na para bang walang nangyari at ngayon aasta ka bilang ina ko? Tama si ama, baliw ka na nga talaga!"

Nanlilisik ang kanyang mga mata na lumapit sa akin ngunit agad akong itinago ni inay sa kanyang likuran. 

"Ang galing! May kakampi ka na pala ngayon Hollian!"

Nakuyom ko ang aking mga kamao.

"Bakit bumalik ka pa? Itinuring na kitang patay!"

Umalis ako sa aking puwesto at umakyat ng hagdan ngunit muli niya akong hinila. 

"Huwag na huwag mo akong tatalikuran! Hindi pa ako tapos sa iyo!"

"Bitiwan mo ako!" Itinulak ko siya ngunit ayaw niya pa ring matinag. Hindi na ako nagtataka. Dati na nang ipaliwanag sa akin ni ama kung ano ang aking ina. Hindi siya normal na tao. Hindi siya tumatanda at mas lalong may angking lakas siya na kagaya kay Kanyue. Hindi ko lang masabi kung isa rin ba siyang bampira o kung ano man dahil hindi ko naman siya nakitang uminom ng dugo. 

"Hindi kita hahayaang maging masaya!" aniya na ikinakunot naman ng aking noo.

"Oh? Nagulat ka ba? Hindi ka puwedeng makipagrelasyon kay Kanyue!"

Buong puwersa ko siyang itinulak. 

"Wala kang karapatang pagbawalan ako! Bitiwan mo ako!" 

Nagulat at namilog ang aking mga mata nang maitulak ko siya nang pagkalakas. Tumilapon siya at tumama sa pader. Nakuyom ko ang aking mga kamay. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maging reaksyon. Hindi ko alam kung paano ko nagawa iyon. Kung paano ako nagkaroon ng ganoon katinding lakas. 

"'N-nay?" nanginginig kong sambit.

Gulat ang kanyang reakyon ngunit kita ko sa kanyang mga mata na parang may alam siya na hindi ko alam. Bigla namang tumayo si ina na para bang wala lang sa kanya ang ginawa ko.

"Mana ka talaga sa akin," mapanuya niyang wika. 

"Hinding-hindi ako magmamana sa pagiging walang kuwenta mong ina! Iniwan mo kami ni ama na para bang isang bula lang kami sa iyong paningin. Kitang-kita ko kung paano nagmakaawa si ama sa iyo. Ngunit binalewala mo kaming dalawa! Kaya huwag na huwag mo akong pakikialaman, lalo na ang relasyon ko sa aking nobyo! Hindi mo siya kilala!"

Nakakaloko naman siyang tumawa. 

"Hindi ko kilala? Kilalang-kilala ko siya Hollian. Mula ulo hanggang paa! Isa siyang Zoldic. Bakit hindi ko siya makikilala gayong may nakaraan kaming dalawa." 

Namilog ang aking mga mata.

"Hindi ako maniniwala sa mga kuwento mo!"

"Bakit hindi mo siya tanungin? Para malaman mo ang totoo. At isa pa mahal ko, hindi mo puwedeng maging kabiyak si Kanyue dahil siya ang tunay mong ama!"

Napasinghap ako at nahigit ang aking hininga. Agad na nag-unahan sa pagtulo ang mga luha ko sa mata. 

"Hindi totoo iyan!"

Muli siyang napahalakhak. 

"Bakit naman ako magsisinungaling anak ko? Dati kong naging nobyo si Kanyue bago ko nakilala ang ama mo. Sa tingin mo ba'y mag-iimbento ako para lang sirain kayo? Hmm, sabagay, iyon naman talaga ang plano ko. Ang pigilan ang kabaliwan mo sa pagmamahal sa kanya." 

Tinakpan ko ang aking mga tainga.

"Sinungaling ka! Hindi totoo iyan! Hindi!" 

Itinulak ko siyang muli at tumakbo palabas ng bahay. Sa bawat hakbang ng mga paa ko ay siya ring pagbagsak ng mga luha ko sa mata. Naninikip ang dibdib ko. Masakit! Sobrang sakit! Hindi siya ang ama ko, hindi si Kanyue. Hindi ang mahal ko. Hindi ito totoo! Hindi!

"Ah!" hiyaw ko sa kawalan at napaluhod. 

"Hindi 'to totoo!" hiyaw kong muli at napasabunot sa aking sarili. 

Paulit-ulit na umaalingangaw sa utak ko ang mga salitang 'ama ko si Kanyue'! 

CARITAS MEATahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon