Pilas

3.6K 59 1
                                    

PILAS


Ni: Christine Bael



Sapat na ang isang pilas upang maiparating sa'yo kung gaano kita kagusto.



Sapat na 'to para masabi kung ano talaga ang nararamdaman nitong puso ko.



Kung paanong ikaw na dati lang naikuwento ng kaibigan ko ay nagustuhan ko nang ganito.



Sa isang pilas na ito ko isusulat lahat ng gusto kong sabihin sa'yo.



Lahat ng mga bagay na hindi ko masabi nang harapan sapagkat nakararamdam ng panginginig ang buong katawan ko sa tuwing nagkakalapit tayo.



Na kung paanong ikaw ay nagsilbi kong inspirasyon para mas lalo pa akong sipagin sa aking pagpasok.



Kung paanong ikaw ang hinahanap ng aking paningin sa tuwing naglalakad ako sa kung saan man, kahit na alam kong imposibleng makita kita sa lugar na 'yon.



Magiging saksi ang isang pilas na ito sa kung paanong sumasaya ako sa tuwing nagkakasalubong tayo.



Kung paanong tila ba ika'y may kapangyarihang makapagpabilis ng tibok ng puso kong hibang na hibang sa'yo.



Na kung paanong ang isang makulit na tulad mo ay kinababaliwan ng isang ako.



Ako na isa lamang sa madaming tagahanga mo.



Ako na kilala mo lang sa pangalan ngunit hindi sinubukang kilalanin ang buong pagkatao.



Subalit mayroon pa akong nais sabihin sa 'yo,



Na sa likuran ng isang pilas na ito mo malalaman na paminsan minsa'y nasasaktan mo rin ako.



Na may nararamdaman akong kirot sa tuwing maaalala kong kailanman, hindi ka magkakagusto sa isang ordinaryong ako.



Na ang ikaw at ako ay isa lamang imahinasyong pilit kong binuo sa isipan ko.



Na kailanman, ang tipo mo'y hindi ang babaeng ako.



Dito ko isusulat kung paano ko sinusubukang limutin ang isang lalaking tulad mo.



Kung paano ko ninanais na maibalik ang aking sarili sa araw na wala pa akong nararamdaman sa 'yo.



Kasi nasasaktan ako, nasasaktan kahit na hindi naman dapat.



Hindi naman dapat kasi hindi naman tayo.



Hindi tayo kasi hindi mo 'ko gusto.



Na kung paanong sa aking paggising sa umaga'y hiling ko na malimutan ko na 'tong nararamdaman ko para sa 'yo hindi sa kung sino ka bilang tao.



Kasi hindi mo naman kasalanan na naging perpekto ka para sa mga mata at pusong 'to.



Nagsisisi ako.



Hindi dahil sa nagkagusto ako sayo kundi dahil hindi ko pinigilan ang sarili ko na gustuhin ka.



Na kahit nasasaktan ako sa tuwing tinatalikuran mo ko'y heto ang kakulitan ko't pilit ka paring nililingon habang papaalis ka.



Kaya, dapat magdesisyon na 'ko.



Nakapagdesisyon na 'ko.



Lilimutin na kita.



Tama! Lilimutin na kita.



Pangako, hindi na ako aasa.



Hinding hindi na ako magpapakatanga.



Kasi, lilimutin na kita.



Itong isang pilas na 'to, lulukutin ko na!



Sobrang lulukutin tapos pupunitin pa.



Itatapon ko sa hangin hanggang sa magkalat sa paligid.



Dahil simula sa oras na 'to, ang mga damdamin kong isinulat ko para sa'yo ay susubukin na ring pagpira-pirasohin hanggang sa wala nang makabasa.



Hanggang sa hindi mo na mabasa. At hindi na din nila mabasa.



Para wala nang sinoman ang makaalala na minsan sa buhay ko ginusto kita.



Na minsan sa buhay ko, naging inspirasyon kita.



Na minsan sa buhay ko, nakilala kita.



Kasi, ayoko na.



Ayoko nang maipamahagi sa 'yo yung pagmamahal na hindi mo man lang sinubukang pahalagahan.



Hindi mo man lang sinubukan, kahit na minsan.



Kasi busying-busy ka kahihintay sa taong hindi ka rin naman mahal, na hindi ka rin naman kailanman matututunang mahalin.



Kasi sawang sawa na 'kong intindihin na pareho tayong tanga na nagmamahal sa taong may gustong iba.



Kasi sawang sawa na rin akong isipin at hilingin na magkagusto ka rin sakin. Na ako naman sana, na tayo naman sana.



Sawang sawa na rin kasi akong sulyapan kang nakasulyap sa kanya.



Sawang sawa nang masaktan habang sinasaktan ka niya.



Pero salamat.



Salamat dahil isa ka sa taong minsan nang nakapagpasaya sa 'kin.



Isa ka sa mga taong nagturo ulit sa kin kung paano humanga, magpakatanga, at maging malakas.



Maging malakas na harapin ang bukas na hindi ka man lang makasama at makausap kahit saglit lang.



Salamat dahil nalaman kong marunong ka ding magmahal. Magmahal sa taong hindi ka mahal.



At, salamat din sa papel na 'to dahil nang dahil sa kanya naisulat ko ang nararamdaman ko para sayo.



Dahil, nang dahil sa papel na 'to, uumpisahan ko nang limutin ang sa'yo'y pagkagusto ko.



Hinding hindi na 'ko manghihingi ng papel. Papel diyan sa buhay mo.



Dahil gusto ko naman na makaramdam ng saya.



Saya na hindi na sayo magmumula.



Saya na pwede kong ibahagi sa 'yo pagdating ng araw.



Saya na hindi ikaw ang dahilan.



Saya na magbibigay sa 'yo ng saya kapag naisip mo na hindi kana masayang maging tanga para sa kanya.



Kasi alam kong darating ang araw na matatanggap mo din na hindi kayo para sa isa't isa.



Na hindi din ako para sa 'yo, na nakalaan tayo para makasama ang iba.



Pero, mabuti't pinagtagpo tayo.



Pinagtagpo hindi para maging malapit kundi para matuto sa isa't isa.



Mag-ingat ka.



Lilimutin na kita kaya naman, paalam na.



Hanggang sa muli nalang nating pagkikita.



Pagkikita na alam kong sa panahong 'yon ayos na ako.



Ayos na dahil hindi na kita gusto.



Pasensya, salamat, at paalam na sa'yo.

Quotes CompilationTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon