Your Call C1

1.3K 34 12
                                    

CHAPTER ONE

KASALUKUYAN kaming nakahiga ng aking matalik na kaibigan sa puting buhangin sa dalampasigan. Ang lugar kung saan ay paborito naming puntahan. Nakatago ang mga palad sa ulo at nakatitig lang sa kalangitang puno ng bituin. "Napakaganda ng gabi," puna ko, na hindi tumitingin kay Jonas. Pareho kaming kinse-anyos. Magkapit-bahay lang din kami nito.

                "Oo nga, eh. Kung hindi mo ako kanina tinawag sa bahay, malamang kanina pa ako tulog at hindi ko nakikita itong mga bituin." Pagkatapos ay humugot ng hangin si Jonas. Alam kong nakangiti siya.

                Dahan-dahan kong ikiniling ang aking ulo upang mas matitigan ang kaibigan ko. Napalunok ako. Kahit konting banaag lang ng buwan ang tumatama sa amin ay libre ko pa ring napagmamasdan ang kanyang guwapong mukha. Chinito ito na bumagay sa makakapal nitong mga kilay, maninipis ang mga mapupulang labi. At ang matangos nitong ilong na nakuha nito sa ama nitong banyaga.

                "Andy, naging girlfriend mo ba si Niecy?" tanong ni Jonas sa akin na labis kong ikinabigla. Hindi agad ako nakasagot. Hindi ko iyon inaasahan. Classmate namin si Niecy, muse namin sa classroom. Unang araw kasi ng klase ay naikuwento ko dito na nagkabanggaan kami ni Niecy. Sinabi ko ring crush ko na si Niecy. Simula no'n ay tinutukso na niya ako. Na labis kong ikinaiinis dahil crush ko lang naman 'yon. Nagagandahan lang naman ako sa muse namin. Dahil ang mahal ko ay siya. Hanggang kailan ko kaya itatago ang nararamdaman ko para sa kanya?

                Nasa elementary pa lang kami ay gusto ko na si Jonas, hindi ko alam kung bakit. Napakakulit nito, halos ito nga ang nag-impluwensiya sa akin ng kabulakbulan. Sa tuwing ipapatawag siya ng principal sa office ay lagi akong sangkot. Naiinis ako sa kanya, naba-badtrip ako sa kanya, pero sa kabila no'n ay mahal ko pa rin siya. Iyon siguro ang minahal ko sa kanya. Ang pagiging hindi nito perpekto. Ako lagi ang taga-plantsa ng gusot nito sa school. Taga-takip sa mga ginagawa nitong hindi maganda.

                May isa akong sikreto. Ang hindi nito alam sa tuwing magkaka-girlfriend ito ay sinisiraan ko ang mga 'yon kay Jonas. Ang siste, nagbi-break ang mga ito. Nakaka-tatlong girlfriends pa lang naman ito.

                Napalunok muli ako.

                "Uy," untag nito.

                Napamulagat naman ako. Hindi ko alam kung sasabihin kong "oo" para pagtakpan uli ang pagiging bakla ko. O, "hindi," para mahalata nito ang tunay na ako. Noong isang araw kasi ay may isa kaming kaklase na ipinagkalat na bakla ako. Napansin kasi nito ang hinliliit kong tuwid na tuwid habang may hawak na isang baso ng juice. Pero ipinagtanggol ako ni Jonas...

                ["Sino'ng bakla, ha! Pahalikan kita dito, eh, makita mo..." sabi nito sa babae naming kaklase na nagpakalat ng tsismis na 'yon. Nilapitan ako ni Jonas. "Halikan mo, 'Tol," natatawang sabi nito sa 'kin.

                "'Wag na," sagot ko. Napalunok ako. "Kapag inulit, hindi lang halik ang ibibigay ko d'yan." Tumawa na rin ako upang ipakita ditong hindi ako naaapektuhan. Tawa ito nang tawa. Binirahan na lang kami ng talikod ng kaklase namin. Natakot siguro.]

                "Bakit hindi ka sumasagot? Siguro, naging kayo, 'no? Nakita kasi kayo ni Michael na magkatabi kahapon. Nakahalik ka na ba?"

                Natatakot akong sumagot kay Jonas. Baka magkamali ako. At gumuho ang lahat ng ipinuhunan kong pagkukunwari ng ilang taon. "Hindi..." sagot ko, sa wakas. Saka nagbuntong-hininga ako.

                Natatakong aminin sa kanya na may gusto ako sa kanya. Kahapon pa nga lang ay ipinagtanggol na niya ako sa kaklase naming. Kung ganoon ay ayaw niya akong maging bakla. Posibleng iwasan niya ako 'pag nagkataon. Siguro itatago ko na lang 'to, hindi ko alam kung hanggang kailan.

                "Ah," sabi nito. Tumingin siya sa 'kin, nakangiti. "Crush ko din kasi siya, eh. Okay lang ba sa 'yo?"

                Parang tinusok ng libu-libong aspile ang puso ko sa pag-amin niyang iyon. Para akong binunutan ng isang pakpak. Hindi ako tuluyang makalipad para sa mga pangarap ko habang kasama siya. Gusto kong mapaluha, pero pinigilan ko. Ngayon pa ba ako magpapahalata? Kailangan kong magpakatatag. Babae ang kalaban ko, alam kong wala akong kalaban-laban.

                "Uy, okay lang ba sa 'yo? Baka hindi, ah."

                Bumangon ako at umupo. Kasabay n'yon ay ang pagpahid ko ng aking mga luha, pasimple, upang hindi nito masabing nasasaktan ako ng sobra. "B-Bakit naman hindi magiging okay?" Labis na lakas ng loob ang ginamit ko para lang masambit iyon dito.

                "Sigurado ka?" tanong nito, may pag-aalala sa tinig. "Umiiyak ka yata." Napabangon na rin ito.

                Nakamasid lang ako sa dilim. Alam kong kapag tinangka nitong tingnan ang aking mukha ay hindi nito makikita ang tunay na ekpresiyon n'yon dahil madilim na. Napalunok ako. Sumasakit ang lalamunan sa kakapigil sa aking luhang nagbabadyang bumagsak. "Ako? Iiyak?" Tinuro ko pa ang sarili. "Bakit naman ako iiyak?"

                "Baka kasi hindi mo lang siya crush, eh. Parang higit pa do'n."

                "Hindi ko na 'yon crush. Iba na ang crush ko. Si Mickey na," pagsisinungaling ko. Kaklase rin namin si Mickey. Tiningnan ko siya. Nasa maliwanag ito dahilan para mas makita ko na lumiwanag ang mukha niya.

                "Talaga? Crush mo si Mickey? Promise 'yan, ha. Hindi mo na crush si Niecy, ha? Bukas na bukas din... Yahoo! Thank you talaga, 'Tol." Tinapik-tapik niya 'ko sa likod at naramdaman ko na ang muli niyang paghiga.

                Tumayo ako. Gusto ko na talagang umiyak. Hindi ko na kaya. "Uwi na tayo. Gabi na, eh." Hindi ko na siya hinintay, naglakad na 'ko, mabibigat ang mga hakbang at laglag ang mga balikat. Saka bumagsak na ang mga luha kong kanina ko pa pinipigilan sa gilid ng mga mata ko.

                "Uy, 'maya na. Hintayin mo 'ko. Hoy!"

                Hindi ko siya nilingon. Dahil kapag ginawa ko 'yon baka maibulalas ko lang sa kanya ang mga sakit na nararamdaman ko. At lalo pa't nangangamba akong baka hindi na kami laging magkasama at magkita dahil bukas na bukas din ay liligawan nito si Niecy.

                Dapat kong ihanda ang sarili ko mga posibleng mangyari. Pinag-iisipan kong siraan din si Niecy dito, pero ngayon ay duda ako. Baka hindi ito maniwala sa akin dahil kitang-kita ko sa mga mata niya ang kaseryosohan. Talagang gusto nito ang babaeng iyon!

Your Call (BL)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon