Chapter Four
"W-WALA," sabi nito. "Kalimutan mo na 'yon. May sasakyan na." Hinawakan niya ako sa braso para iyakag papunta sa sasakyan. Nakaramdam ako ng kuryenteng dumaloy sa aking mga ugat. Biglang tumahip ang dibdib ko.
"Ano nga 'yon?" tanong ko, pagkaupo namin. Magkaharap kami. Umandar na ang jeep.
"'Wag na nga," naiinis na wika nito. "Nahalikan mo na ba 'yon?" Nakatitig siya sa akin, talagang hinihintay ang magiging sagot ko.
[Paano kaya kung sabihin kong "oo" kahit hindi pa naman? Ano kaya ang magiging reaksiyon nito?]
Nagkibit-balikat ako, saka ngumiti.
"Ano nga?" tanong pa nito.
"Ha? Anong ano nga?" Gusto kong matawa sa hitsura nito, para itong batang binawian ng kendi at gustong bawiin iyon sa akin.
"May sinasabi ba 'ko?"
"So, nakahalik ka na nga talaga?" Mataman pa rin siyang nakatitig sa akin.
Nag-angat lang ako ng kilay.
"Sumagot ka nga." Tinapik niya ako sa hita.
"Sshss. Nakakaistorbo tayo sa ibang pasahero," sabi ko.
Sukat sa sinabi ko ay biglang namula ang pisngi nito.
Tawa ako nang tawa. "Bakit ba gusto mong malaman? Gusto mo ikaw lang ang humalik sa akin?" Sa sinabi kong iyon ay natigil ang pagtawa ko.
[Tama ba ang sinabi ko?]
Natahimik ito. Hindi ko na siya muling narinig magsalita sa buong durasyon ng biyahe namin. Mali nga yata ang sinabi ko. Paminsan-minsan ay sinusulyapan ko siya, nahuhuli ko siyang nakatitig sa akin. Kapag naman tinititigan ko siya ay umiiwas ito. Gusto kong sabihing, "Wala pa. Hindi ko pa siya nahalikan. Dahil ayaw ko dahil ikaw ang gusto kong mahalikan." Pero nagbuntong-hininga na lamang ako.
Nahuli ko na naman siyang nakatitig. Nag-angat ako ng kilay.
Umiwas ito. Hinayaan ko na lamang siya. Tumingin ako sa labas. Malapit na kami. Saka sumulyap ako sa wristwatch ko. Alas-singko na. Ito na ang nagpara. Magkasabay na kaming naglalakad pauwi. Ako na ang bumasag sa pananahimik ni Jonas. "Sabay ba tayo papasok bukas?"
Wala akong nakuhang sagot mula dito.
[Nagalit ba ito sa akin?]
Para sa akin ay wala naman talagang dapat na ikagalit. Ano ba dito kung nakahalik na ako kay Mickey? Hinalukay ko ang utak ko para hanapin kung mali ba talaga ang sinabi ko sa kanya kanina sa jeep. Ngunit wala. "Uy," untag ko sa kanya.
"Pumasok ka mag-isa mo," mariing sabi nito.
Naiwan akong nakaawang ang bibig sa harap ng bahay nito. Hindi ko namalayang nandoon na pala kami. [Mali, ako lang pala ang nasa kalsada dahil iniwan na niya ako.]
Umiling ako. Baka may kasalanan ako sa kanya na hindi ko naalala.
Pati sa pagtulog ko ay iyon pa rin ang laman ng isip ko. Maski sa kisame ay nakikita ko ang mukha ni Jonas na nakasalubong ang kilay. Napabangon ako, naihilamos ang magkabilang palad sa mukha. Gulung-gulo ako.
BINABASA MO ANG
Your Call (BL)
General Fiction"Sa isip ko siya sumiksik, sa puso ko siya tumambay..."