Chapter Three
"KAYO na pala ni Mickey, ah," iyon ang bungad sa akin ni Jonas pagpasok ko sa classroom. "Ba't 'di mo man lang sinasabi?" animo nayayamot na tanong nito sa akin.
Nangunot-noo ako. Hindi ko siya maintindihan. "H-Ha?" nakakunot-noong tanong ko. Bakit parang nagbago ang ihip ng hangin? Kung kahapon ay halos bale-walain niya ako, ngayon naman ay animo nang sisita na ito sa akin.
"Hindi ba't kaibigan mo ako? Akala ko walang lihiman? Bakit sa kaklase ko pa natin malalaman?"
Ilang minuto pa naman bago magsimula ang klase. Nakakita ako ng bakanteng upuan. Umupo ako doon. Naramdaman kong sumunod siya sa akin. "Ba't 'di ka makasagot?"
"P-Pasensiya na," nasabi ko.
"Bakit parang nagbago ka na?"
Nababakas ko sa mukha ni Jonas na naiinis siya sa akin. Dahil sa sinabi niya sa 'kin ay biglang nag-iba ang timpla ko. "Sino ang nagbago? Hindi ba't ikaw din? 'Di ba, kayo na rin ni Niecy, na hindi mo lang pinapaalam sa akin?" Bakit kung makapagsalita ito sa akin ay parang ako lang ang nag-iba? Na ako ang may kasalanan sa kanya? Napatayo na ako. Tumatambol ang dibdib ko. Ngayon lang ako nakapagsalita sa kanya ng ganoon. Agad ko namang pinagsisihan iyon.
"Hindi ba, ipinaalam ko na sa 'yo noong isang gabi? Alam mo na, 'di ba? Ikaw ang may kasalanan dito. Hindi ako." Hindi naman mataas ang boses nito habang sinasabi iyon pero nasasaktan ako sa mga kataga niyang sinasambit.
"J-Jonas, sinusumbatan mo ba 'ko?" Hindi ko na napigilang itanong iyon. Ang dating n'yon sa akin ay sumbat.
Nag-iwas siya nang tingin sa akin. Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat, at pinaharap ko siya sa akin. Nagtama ang aming mga mata. Tanong ang nababasa ko doon. "Oo, kami na. Kami na ni Niecy. Ngayon, alam mo na? Ikaw naman ang magsabi..." Tumatama ang mabangong hininga niya sa pisngi ko.
Hindi ko napigilang mapapikit ng ilang segundo. Pagmulat ko ay nakatitig lang siya sa akin. "O-Oo, kami na Mickey." Labis na lakas ng loob ang ginamit ko upang maibulalas iyon sa kanya. Humugot ako ng hangin.
Ganoon rin si Jonas. Binaba ko ang aking mga kamay saka umupo. "S-Sorry," wika nito. Gusto kong maluha. Gusto kong umiyak.
"Wow, nag-away ang dalawang love birds," tudyo ni Jessy pagkapasok, kaklase rin namin. Bigla akong sinilihan sa pag-upo, napatayo ako. Paano kung mag-isip ito nang iba? "Pinag-aawayan n'yo ang dalawang babae dito, ah. Astig n'yo, ah. Ang pu-pogi n'yo kasi." Tinapik pa ako ni Jessy bago lumabas.
Nagkatinginan na lang kami ni Jonas. Blangko ang ekspresiyon ng mukha nito. "Sa susunod, isipin mo naman ako," iyon ang sabi ni Jonas sa'kin bago siya lumabas. Nakatitig lang ako sa pisara, inaanalisa ang sinabi nito.
[Ah, wala naman sigurong ibang kahulugan ang sinabi nito. Hindi dapat ako mag-assume.]
Ilang sandali lang ay nag-bell na. Nagsimula na ang klase. Tulad ng kahapon ay hindi na naman kami magkatabi ni Jonas. Pabor iyon sa akin dahil kung sakaling tumabi siya sa akin ay hindi ko alam kung paano magsisimula at magbukas ng usapan. Hindi ako magaling doon, ito ang mas magaling doon. Ang magbale-wala, ang itrato ang nangyari na parang wala lang.
Nag-bell na para sa recess time. Sabay kami ni Mickey na lumabas. Nakita ko sa sulok ng aking mga mata ang tinging ipinupukol sa amin ni Jonas. Hindi ko na lamang ininda iyon.
"Sabay tayo mamaya sa pag-uwi," narinig kong wika ni Jonas sa likod ko. Nakalagpas na siya sa akin. Kausap ko si Mickey. Magkatabi kami sa isa sa mga bench na nakahilira sa harap ng classrooms. Tiningnan ko na lang siya habang papalayo, patungo ito sa canteen.
"Ano 'yon?" tanong ni Mickey.
Kibit-balikat lang ang naging sagot ko. "Halika ka," yakag ko kay Mickey patungo sa classroom. Kung anu-ano lang ang napag-usapan namin ni Mickey. Hindi naman ako nabuburyo sa kanya. Pero naghahanap ang katawan ko nang ibang makakatabi. Ang taong gustu-gusto kong makausap. Si Jonas. Ang daming tanong na sa utak ko. Malalim na bumuntong-hininga ako.
"Ang lalim naman yata no'n," puna ni Mickey, nakangiti sa akin.
"W-Wala naman. M-May naiisip lang ako."
"Sabihin mo sa 'kin," anito, kasabay nang paggagap sa mga kamay ko.
"Wala 'yon," pagkatapos kong sabihin iyon ay nag-bell na. Nakahinga ako ng maluwag. Hindi na rin siya nag-usisa. Bagay na ipinagpasalamat ko.
Tapos na ang klase. Magkasabay na uli kami ni Mickey na lumabas. Hindi ko na napansin si Jonas. Hinatid ko si Mickey sa sakayan. Nag-aabang na ako sa harap ng eskuwelahan namin nang masasakyan nang may biglang sumiko sa akin. Napa-"aray" ako. At napalingon sa kaliwa ko.
"S-Sino—" Natigil ang sanang sasabihin ko nang mabungaran ko si Jonas, tulad ng kanina ay wala pa rin itong emosiyong pinapakita. Hindi ko tuloy alam kung saan hahalukayin ang itatanong dito. Hindi ko siya maintindihan, kung nagagalit ba siya sa akin o kung ano.
"Ba't 'di mo man lang ako hinintay?" nayayamot na tanong nito.
Tinuon ko ang mga mata sa kalsada. "Akala ko, nauna ka na," sabi ko.
"Kapag sinabi kong hintayin mo 'ko, hintayin mo 'ko," maawtoridad na wika nito. "Kumusta ka?"
"Ha? Ilang taon ba tayo hindi nagkita?" biro ko. Ayoko munang mag-isip nang mas malalim sa ngayon.
""Puro ka biro..." Sinundan nito iyon ng sunud-sunod na iling.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo?" naitanong ko na. Hindi ko na mapigilan ang sarili ko. Gusto ko nang malaman kung ano ba talaga ang ipinupunto nito.
"Wala. M-Masaya lang ako dahil may girlfriend ka na," sinundan pa nito iyon ng pagkibit-balikat. Nakita ko sa mga mata nito ang saya na pilit kong hinahanap kanina pa. Pero kilala ko siya, huwad ang sayang nababasa ko doon.
"Bakit? Akala mo ba ikaw lang ang guwapo dito?" Tumawa na ako. "Ang yabang mo. Akala mo ikaw lang ang puwedeng mag-girlfriend?"
Sinulyapan ko siya dahil bigla itong natahimik. "Bakit, Andy?"
Ang tanong na iyon ay nagdala sa akin sa pagkunot-noo. "Ano'ng ibig mong sabihin?"
BINABASA MO ANG
Your Call (BL)
General Fiction"Sa isip ko siya sumiksik, sa puso ko siya tumambay..."