Chapter Eight
TINAWAG ako ni Jonas nang ilang beses pero hindi ako lumingon. Paano kung isipin nitong nababakla ako sa kanya? Paano kung ganoon nga? Ah, bahala na. Bahala na bukas.
Naramdaman ko ang paghawak sa akin ni Jonas. Hindi ko namalayang sumunod pala siya sa akin. "Sorry," sabi pa nito.
Badbreath ba ako kaya siya nagse-sorry? Pinagsisisihan ba nito nang hinalikan niya ako? Malaking kasalanan ba iyon sa akin? Siyempre, hindi, ang sagot!
Hinarap ko siya. Bakit ba ngayon pa ako titiklop? "Bakla ka siguro, 'no?" tanong ko.
"H-Ha?"
"Bakla ka siguro. Ayaw mo lang aminin. Bakit mo ako hinalikan?"
Umiwas ito nang tingin. Saka nagbuga nang hangin bago ako iniwan.
"Bakla!" sigaw ko.
Hanggang sa paghiga ko ay ginugulo pa rin ang isip ko dahil sa nangyari kanina. Bakit ako hinalikan ni Jonas? Bakla rin ba siya? Nakatulugan ko na lamang ang isiping iyon.
Paggising kinaumagahan ay ang mukha agad ni Jonas ang aking nakita nang buksan ko ang pinto ng bahay. Nangunot-noo ako. "O, ano'ng ginagawa mo dito? Ba't may dala kang bag? Linggo ngayon, walang pasok."
Malapad na ngumiti si Jonas. "Alam ko. Tara, piknik tayo?"
Mas lalo akong napakunot-noo sa sinabi nito. "Piknik? Saan? Bakit?" sunud-sunod na tanong ko. Ano ba ang pumasok sa isip nito ay nagyayaya ito ng piknik? "Sino ang kasama natin? Hindi pa ako naga-almusal, eh."
"May dala ako. 'Andito sa bag." Tinapik pa nito ang dalang bag para masigurong may dala nga itong pagkain.
"Wala dito si Nanay. Walang tao dito sa bahay maliban sa akin," tanggi ko pa rin.
"Eh, dito na lang tayo..." Bahagya niya akong tinulak papasok.
"O?" Nilagpasan na niya 'ko. Mabilis na tumungo ito sa kusina. Pinagmasdan ko lang siya. Nangingiti ako habang nakikita siyang busy sa paglalagay ng pinggan sa mesa. Animo lahat ng gawain sa bahay namin ay saulado na nito. "Ano'ng ginagawa mo?" tanong ko nang makalapit ako.
"Naglalaro," seryosong sabi nito.
Tumawa ako. "Baka hanapin ka sa inyo."
"Oo nga, 'no? Ang layo kasi ng bahay namin. Dalawang milya ang layo. Sasakay pa 'ko ng dalawang bus, tapos magru-roro pa sa sobrang layo."
"Ewan ko sa 'yo." Gusto ko pa sanang tumawa sa mga biro niya kaso bigla kong naalala ang kagabi. Ginugulo pa rin ang utak ko ng bagay na iyon. At heto ito ngayon, nagyaya ng piknik sa bahay na parang walang nangyari kagabi. Napakagaling talaga nitong lumimot. Bagay na hindi ko natutunan sa kanya.
"O, ano'ng tinatayo-tayo mo pa d'yan? Halika ka. Kain na tayo?"
Saka ko lang namalayang tapos na pala si Jonas. Pilit na ngumiti ako habang lumalapit sa mesa. Kung magaling itong lumimot, bakit hindi ko rin gawin ang bagay na iyon? Bahala ito, ano naman kung hindi masagot ang mga tanong sa utak ko, ano naman kung masakit para sa akin? Ito siguro ang importante, ang ngayon at tulungan ko ang sarili kong kalimutan na ang kagabi. Kalimutan ang lahat ng nararamdaman ko para kay Jonas at harapin ang ngayon.
Ipinagsandok niya ako ng kaning dala nito. Nagbuntong-hininga na lamang ako. Saka napapikit ng ilang segundo. Pagmulat ko ay nakita ko siyang nakatitig sa akin. Nagtaas ako ng kilay. "Ang sweet mo ngayon, ah," nasabi ko.
Hindi siya sumagot, bagkus ay ipinagsandok rin ang sarili. "Kain na tayo." Ngumiti ako bilang tugon.. Pagkatapos ay kumuha rin ito ng dala nitong pancit canton. Ako na ang kumuha ng pancit canton para sa akin. "Masarap 'to."
"Hindi pa ako nakakatikim nito."
Sukat sa sinabi ko ay ang lakas ng tawa nito. "Gumaganti ka, ah."
"Ikaw, eh."
Nanahan ang katahamikan sa pagitan namin. Iyon yata ang tinatawag na 'awkward moment.' Sa isiping iyon ay ibig kong mangiti. Pinagmasdan ko lang si Jonas. Saka pakain-kain. Sa tuwing kumakain ito ay tinititigan ko siya. Hindi ko maikakailang mahal ko pa rin siya. Anuman ang gawin ko, anuman ang sabihin ko sa sariling kakalimutan ko na ang nararamdaman ko para sa kanya ay bumabalik at bumabalik lang ang mga nangyaring wala pa ring sagot sa pagitan namin.
"O, ba't hindi mo ginagalaw ang pagkain mo?" pukaw ni Jonas sa akin.
Pilit akong ngumiti. Tila napahiya. "Ah, eh, busog na ako." Sa totoo lang ay mag gusto ko siyang titigan kesa kumain. Mas gusto kong nakapako lang ang mga mata ko sa kanya dahil sa pamamagitan n'yon ay doon ko lang nararamdaman na walang nagbago sa pagkakaibigan namin.
"Dapat 'pag naga-almusal ka, marami ang kinakain mo. May mas marami kasing oras ang umaga kesa sa hapon."
"Kakain pa naman ako mamayang gabi, ah," katwiran ko.
"Kahit na. May mas marami ka kasing ginagawa ang tao sa umaga kesa hapon at gabi."
"Ang dami mong alam."
"Matalino, eh," natatawang sagot nito.
"Ang yabang mo. Ikaw nga ang lowest noong nakaraang exam, eh."
"Uy, ang yabang mo, ha. Ikaw naman ang second to the lowest, ah." Tawa ito nang tawa.
"Hindi kasi ako nakapag-aral no'n kasi brownout."
"Nagra-rason ka pa. Kesyo nag-aral o hindi, ang importante ang score mong mababa."
"Ikaw kasi ang katabi ko ko no'n, hindi ka din nag-aral. Kaya, 'ayun nagkopyahan ang parehong walang alam." Sinundan ko iyon ng malakas na tawa. Ganoon rin ito. Hindi ko inaasahang bigla na lang kaming matatahimik. Nagkatitigan na lamang kami. Napalunok ako. Hanggang ngayon ay gustung-gusto ko pa rin ang mga mata nito kahit sa durasyon ng pagiging magkaibigan namin ay iyon ang nakikita ko. Hindi ako nagsasawa.
Dahan-dahang tumayo si Jonas at nilapitan ako. "A-Ano?" tanong ko. Gustong magaralgal ng boses ko pero pinilit kong hindi nito iyon marinig.
Umiling si Jonas. Nangunot-noo ako. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat at pinatayo. Iyon naman ang ginawa ko, nagpapatangay dito. Kung anuman ang iniisip nito, kung anuman ang ibig nitong gawin ay hindi ko alam.
Halos gadangkal na lamang ang layo ng mga mukha namin. Halos nararamdaman ko sa pisngi ko ang kanyang banayad na paghinga. Gusto kong pumikit para damhin iyon pero hindi ko ginawa sapagkat baka sa isang iglap ay maglaho na lamang ito sa harap ko. Dahil baka, paano kung panaginip lang pala ang lahat ng ito? Kung ganoon nga ay ayokong matapos iyon nang ganoon na lang, nang ganoong kadali.
BINABASA MO ANG
Your Call (BL)
General Fiction"Sa isip ko siya sumiksik, sa puso ko siya tumambay..."