Chapter Five
"HINDI ka na nakapagsalita," untag ni Jonas sa akin.
Pagkatapos kasi nitong ipaalala sa akin ang isang eksenang iyon ay parang may bumikig sa aking lalamunan. Hindi ko alam kung ano ang dapat na isipin. Hindi ko alam kung ano ang tamang gawin at dapat na sabihin sa kanya.
"S-Sorry," sa wakas ay nasambit ko. "N-Nawala sa isip ko."
Narinig ko ang kanyang pagbuntong-hininga saka humikab ito. "O, sige, palalampasin ko lang muna 'to. Sa susunod hindi na."
Nakaramdam ako ng relief sa sinabi niya. "Matutulog ka na ba?" tanong ko.
"Hindi pa naman. Bakit?" Nababakas ko sa tinig niya na wala ng pait doon.
"Puwede ba tayong magkita?" Talagang gustung-gusto ko siyang makita sa mga oras na ito. Gusto ko siyang yakapin nang mahigpit, gusto ko siyang pupugin ng halik sa buong mukha pero alam kong hindi ko maaaring gawin iyon. Talagang dapat ko lang kimkimin itong nararamdaman ko para sa kanya. Dahil alam ko, sa oras na malaman niya, ay maaari niya akong iwasan. At iyon ang bagay na sigurado akong hindi ko kakayanin.
Hindi ko na lamang namalayang dumaloy na ang aking luha sa aking pisngi. Pinahid ko iyon.
"Puwede naman. Pero hindi ako siguradong makakapagusap tayo ng mabuti. Tatawag kasi mamaya si Niecy."
Sukat sa sinabi ni Jonas ay biglang nanikip ang dibdib ko. Ang sakit n'yon! Para akong sinampal at sinabihang itigil ko na ang ilusyon ko. Napikit na lamang ako, sa pag-aakalang sa pamamagitan n'yon ay titigil nga ang puso kong mahalin siya, at ang luha kong balun-balon na sa pisngi ko.
"G-Gano'n ba?" nawika ko. "S-Sige..."
"Mamaya pa naman 'yon. Malaki pa naman ang oras. Maganda ang buwan."
"Hindi na, Jonas. Bigla na rin akong inantok." Labis na pigil ang aking ginawa upang mapigilan ang aking paghikbi. Ang tanga ko kapag sinabi kong umiiyak ako dahil sa kanya. Sigurado akong kapag nalaman niya ay baka rin pagtawanan niya ako, lalo pa't ayaw nga niyang maging bakla ako.
"Sigurado ka?"
"Oo naman. May inaantok bang hindi sigurado?" Tumawa ako para iparating sa kanya na seryoso ako na talagang inaantok ako.
"S-Sige, ikaw ang bahala. 'Bye. Bukas na lang."
"'Bye." Si Jonas na ang unang bumaba ng tawag. Humiga na ako. Kahit pa, masaya na rin ako dahil pinatawad niya ako sa kasalanan ko sa kanya. High lang yata ako sa pagdamdam dahil may girlfriend na ito at nagsiselos lang ako. Pero ito, ay hindi nakalimot. Ang sama kong kaibigan.
Ngayon ko napatunayang bilang pagkakaibigan lang talaga ang turing ni Jonas sa akin. Hanggang doon lang iyon na dapat itigil ko na rin ang ilusyon ko na balang araw ay magiging kami o sana ay may nararamdaman din siya sa akin na higit pa sa pagiging matalik na magkaibigan.
Nakatulog na 'ko. Si Mama ang gumising sa akin kinaumagahan, nandoon na daw si Jonas sa sala. Naghihintay sa akin. Dumali-dali akong naligo. Papalabas na sana ako ng banyo nang may humawak sa basa kong kamay na nakahawak sa door frame. Napatingala ako. Nagulat ako nang makita ko si Jonas. Napaka-guwapo nito ng umagang iyon. Ang bango-bango rin nito. "J-Jonas?"
"Andy..."
"Ano'ng ginagawa mo dito?" tanong ko. Bigla akong kinabahan. Tuwalya na nakapulupot sa beywang ko ang tanging nakabalot sa basa kong katawan. Nararamdaman ko ang paninigas ng isang bagay sa pagitan ng aking mga hita. Napabuga na lamang ako ng hangin. "'Wag ka dito," pagtataboy ko sa kanya. Dahil baka 'pag hindi pa ito umalis ay hindi ko na mapigilan ang sarili kong halikan siya.
"Bakit naman? Wala naman dito si Auntie," malumanay sa sabi niya. Hinawakan niya ako sa beywang. Naglakbay ang mga kamay nito patungo sa aking leeg. Napalunok na lamang ako. Ito na ang pinakahinihintay kong mangyari. Ito ang pagkakataong sana ay noon ko pa sa kanya ginawa.
"J-Jonas..." wika ko. Humakbang ako palabas. Pero si Jonas ay hindi man lang humakbang paatras. Dahilan para maging sobrang lapit namin sa isa't isa. Nararamdaman ko ang bukol niya sa aking hita. Tumaas-baba ang dibdib ko.
"Sshss." Marahan niya akong tinulak papasok sa banyo.
"J-Jonas."
Ngunit hindi na siya muling nagsalita. Lumapit ang mukha niya sa aking leeg. Ginawaran niya iyon ng masuyong halik. Napaigtad na lamang ako at napahawak sa kanyang beywang. Naglakbay ang halik nito hanggang sa aking baba. Napakabango ng hininga nito.
Naramdaman ko na lamang ang pagbagsak ng aking tuwalya sa aking mga paa.
Nang sa wakas ay hagkan niya ako sa mga labi ay labis na sarap ang aking natikman. Parang ang isa sa mga pangarap ko sa buhay ay natupad. At si Jonas ang tumupad n'yon. Ngumiti ako. "Matagal ko nang pinangarap 'to," wika ko.
Patuloy pa rin siya sa paghalik sa aking leeg. Pinaglipat-lipat nito iyon sa likod ng aking kaliwang tainga. "Aah," anas ko. Pakiramdam ko, kung sakaling itigil man nito iyon ay baka tuluyan na akong mabaliw.
Humigpit ang hawak ko sa kanyang beywang. "Mahal kita," nasambit ko. Pagkatapos n'yon ay natigil ang lahat.
Pawis na pawis akong bumalikwas ng bangon. Dinaya ako ng aking panaginip. Tumatambol ang dibdib ko. Bigla akong nakaramdam ng uhaw. Parang totoo ang panaginip na iyon. Tumayo ako at pinagmasdan ang sarili sa salamin. Napahawak na lamang ako sa aking mga labi, saka sinulyapan ang bukol sa aking harapan. Napailing na lamang ako.
"Andy!" narinig kong tawag sa akin ni Mama.
"Ho?"
"'Andito si Jonas. Hinihintay ka."
Bigla na naman akong kinabahan. Pumikit uli ako. Sa pagmulat ko ay ganoon pa rin. Akala ko ay panaginip ulit. Nagdesisyon na akong lumabas. Pagbukas ko ng pinto ay ang nakangiting si Jonas ang aking nakita.
BINABASA MO ANG
Your Call (BL)
Ficción General"Sa isip ko siya sumiksik, sa puso ko siya tumambay..."