Kinaumagahan, nagsimba muna ang buong pamilya Rodriguez, kasama sina Jomar. Buong oras na magkasama ang pamilya nila, tahimik lang si Jomar. Naiilang siya dahil kasama nila ang pamilya ni Jane, naiinis din siya dahil nagmumukha talaga silang isang masayang pamilya na dapat naman ay hindi dahil hindi pinsan ang tingin niya kay Jane. Para sa ikabubuti ng lahat, tahimik na lang niyang pinagmamasdan si Jane na patuloy siyang kinukulit sa party na mangyayari sa Biyernes.
Napansin ni Jane ang pananahimik ng pinsan kaya tumigil na rin siya sa pangungulit. Mga lalake nga naman, sabi niya sa sarili.
Nang hapon ding iyon nagpaalam na si Jane sa kanyang mga magulang at sa kanyang tito at tita. Pati kay Jomar.
“Mauna na po ako sa inyo. Hinihintay na po ako ni Amanda. Wish me luck guys!” niyakap niya ang lahat pwera kay Jomar. Tinapik lang nito ang braso nito at ngumiti.
“I hope you’ll okay Jo,” sabi niya, sabay sakay sa van nito.
“Take care honey!” pahabol ng kanyang Mommy. Tulala at tahimik lang si Jomar sa lahat ng nangyari. Anu bang nangyayari sa kanya? Bakit niya sinusunod ang rule number 1 sa kanyang note? Hindi niya dapat iniiwasan si Jane dahil, hindi iyon tama.
30 minutes lang biyahe mula sa bahay ni Jane papunta kina Amanda kaya before 6pm ay nakarating na rin siya doon. Dala dala niya ang isang malaking maleta at ang paborito nitong unan.
“Woah! Naglayas ka ba Jane? Mas malaki pa ang bag mo kesa sa akin,” bungad ni Amanda sabay yakap kay Jane.
“Sorry. Hindi ko kasi alam kung ano ba dapat ang mga kailangan dalhin kaya hinakot ko na lahat ng mahahakot ko,”
“Anyway, this is our room,”
Hindi ganong kalaki ang apartment ni Amanda. Sa second floor makikita ang kwarto. Kung tutuusin mas malaki pa ang sala nila kesa sa kwartong tinutukoy nito. Sementado naman ang buong dingding kaya makakatulog siya panigurado ng ayos. May maliit na sala na may t.v. namang laman. Sa isang sulok ay nagtambak ang ilang mga sapatos at sandals na halatang hindi pinagkaabalahang ayusin. May maliit rin itong kusina kung saan may isang electric stove at sa tabi nito ay ang banyo. Convenient para sa isang nagboborder. Sa labas, medyo may kalawakan ang garden na sinasabi ni Amanda. Alam na niya ngayon kung saan magandang ganapin ang party.
“Hmm, hindi masyadong malaki di tulad ng White House niyo pero malaki na ito para sa isang loner na katulad ko. Wag ka ngang masyadong mastar struck, alam kong second time mo na ito no!” udyok ni Amanda.
“Oo nga pero sa labas lang naman ako nakarating noon,”
“Tara na nga’t ayusin na natin yang mga gamit mo. Nga pala, ang hapunan natin ngayon ay pizza, ayoko kasi ng masyadong heavy ngayon. Ayos lang ba sa iyo un?”
“Anything. Medyo busog pa rin naman ako. Nakaorder ka na ba? Pwedeng ako na ang gumawa,”
“Hindi pa nga e. Sige, ikaw na gumawa ako ng bahala sa gamit mo. Kunin ko lang sa baba. Medyo mahina nga pala ang signal dito kaya sa may veranda ka pumuwesto. At, nga pala, matatanaw mo rin diyan yung border sa kabila baka makausap mo na about sa party,”
“Hindi mo ako sasamahan?”
“Hindi na kailangan, sobrang lapit lang ng veranda nila sa atin kaya, ok na. Keri mo na yan girl,”
Sa veranda, tanaw ni Jane ang lawak ng garden sa ibaba. Tanaw rin niya ang campus nila sa hindi kalayuan at sa kabila, ay ang veranda ng kanilang kapitbahay. Ano kayang itsura nung border sa kabila?, tanong niya sa sarili. Mataray kaya?, sana hindi, pagdadasal niya.
Tinawagan na niya ang fast food na magdedeliver ng kanilang pizza. Pagkatapos, tinawagan rin niya ang kanyang magulang at pinaalam na nakarating siya ng ayos sa apartment ni Amanda. Pagbaba niya ng telepono, inabangan niya ang misteryosong kapitbahay nila. Walang nangyari.
