Damdamin ng Isang Ama

1.4K 42 11
                                    

Hindi maalis sa isipan ni Ybrahim ang narinig na balak ni Amihan para kay Lira, dahilan upang hindi siya dalawin ng antok at maya't maya'y sumisilip sa silid ng kanyang mag-ina sa takot na baka bigla na lamang mawala ang mga ito.

Samantala sa silid nina Amihan, napagpasyahan na nito ang pagbabalik muli kay Lira sa mundo ng mga tao, kung saan naiisip niya na mas ligtas ito doon, sa lugar kung nasaan si Mira. Nakahanda na ang kanilang pag-alis ngunit...

"Saan kayo patutungo Amihan?" May pagtataka at sama ng loob na turan ni Ybrahim.

"Hindi mo na dapat malaman pa, Ybrahim. Napagpasyahan ko na ito, at ako na ang bahala sa lahat ng ito. Hindi ako makapapayag na may mangyari na namang masama muli sa aking anak."

"Ating anak, Amihan. Anak ko rin si Lira at may karapatan ako sa anumang pagpapasya. Bilang ama ni Lira, ako ang masusunod. Walang aalis sa kuta na ito, Amihan. Hindi kayo aalis ng hindi ako kasama saan man kayo magpunta." Pagmamatigas na turan ni Ybrahim, kasabay ang pagtalikod.

Nagdagdag ng karagdagang kawal at dama si Ybrahim sa kanilang silid. Bukod doon, tila walang takas ang mag-ina sapagkat maging si Danaya ay binigyan ng babala ni Ybrahim paukol sa pasya ng reyna. Walang nagawa si Amihan kundi sundin ang prinsipe na tila mas may kapangyarihan sa kanya.

Ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Kaligtasaan ng kanilang anak lamang ang kanilang pinaiiral. Bawat pagkakataon, si Ybrahim na mismo ang sumusundo sa mag-ina sa tuwing oras na upang kumain at inihahatid na rin sa silid. Oras-oras na bumabalik upang makasiguro, dahilan upang pagtakhan ng kanilang nasasakupan.


At habang pulong...

"Nais kong magsipaghanda kayong lahat. Bukas sa bukang liwayway, tayo ay tutungo sa Palasyo ng Sapiro." Buo ang desisyon ni Ybrahim.

"Ngunit, kailangan natin ng karagdagang kagamitan at pandigma, mahal na prinsipe." May alinlangang tugon ni Mashna Aquil.

"Ako na ang bahala sa lahat ng kakailanganin natin pagdating natin doon. Ako na rin ang bahala sa ating mga pandigma." May batas sa tinig ng prinsipe.

Ikinagulat ni Amihan ang desisyon na ito ni Ybrahim. 'Ano't tila biglaan ang pagpapasyang ito?' Hindi na napigilan ang sarili upang kausapin ito, upang makasiguro na tama nga naging desisyon nito.

"Ybrahim, maaari ba kitang makausap?" Mahinang tanong ni Amihan.

"Paumanhin, Amihan. Hintayin mo na lamang ako sa inyong silid. Doon tayo mag-usap pagkat may mga dapat akong unahin at ihanda." Nais mang unahin ang reyna, dapat ay tapusin nya muna ang kanyang mga pagbibilin.


Sa silid, nag uusap ang mag-ina...

"Inay, tama ba ang narinig ko kay itay? Na tayo ay lilipat na namang muli ng panibagong kuta? Inay, tatago na naman ba tayong muli para lamang sa aking kaligtasan? Hindi ba dapat ay ipaglaban natin ang kabutihan?"

Naawang hinaplos na lamang ni Amihan ang mukha ng anak, inamo at pinalubag ang loob. Naiiintindihan niya ang nararamdaman ng anak - takot at pagkadismaya.

"Anak, kaligtasan mo lamang marahil ang dahilan ng iyong ama kung kaya't nais niya na sa mas ligtas na lugar tayo. Hindi marahil dahilan ito na tayo ay susuko sa laban. Pagkatiwalaan natin ang iyong ama, Lira. Hindi niya nais ang masaktan ka, o ang mawalay kang muli sa amin." Pagpapalubag ng ina sa kanyang anak.

Sa labas ng silid, narinig ni Ybrahim ang pag-uusap ng kanyang mag ina. 'Sadyang kay buti mo Amihan. Tama ka hinding-hindi ako makakapayag na may mangyaring masama sa inyo ng ating anak.'  At pumasok nacito sa silid.

"Amihan, ano ang nais mong ating pag-usapan?" Umupo siya sa harap ng kanyang mag-ina.

"Ybrahim, nais ko lamang malaman kung saan tayo kukuha ng ginto upang ipangtustos sa kakailanganin ng ating kuta, maging ang pag-angkat ng mga kagamitang pandigma."

"Huwag mo itong alalahanin, Amihan." Lumingon siya sa likod, kaliwa't kanan. "May iniwang kayamanan ang aking ama na pinangalagaan ng aking kaibigan na si Vish'ka at Wahid. Kayamanan na natagpuan ko kamakailan lamang at ito ay nasa akin nang pangangalaga. Kaya huwag kang mag-alala, Amihan. Ito ay aking gagamitin sa ating pagsisimula."

"Ngunit, Ybrahim, ang kayamanang ito ay para sa iyo at sa Sapiro, at hindi para sa amin at sa Lireo. Hindi mo ito kailangang gawin. Ito ay para sa pagbangon ng Sapiro."

Kinuha niya ang kamay ni Amihan, pinisil-pisil at tuluyang ikinulong sa kanyang mga kamay. "Amihan, para sa atin ito. Para kay Lira. Lahat ay gagawin ko masiguro ko lamang ang kanyang kaligtasan. Maging buhay ko at kayamanang mayroon ang Sapiro, ibubuwis ko para sa ating anak. Hinding-hindi ako makakapayag na may mangyaring masama sa kanya. Nangangako ako, Amihan, na hanggang mabawi natin ang Lireo, at mapalaganap ang kapayapaan sa Encantadia, hinding-hindi ko kayo pababayaan, hinding-hindi ako papayag na may masaktan sa inyo ng ating anak." Mahabang pahayag ni Ybrahim, dama ang takot para sa kanyang mag-ina.

"Itay, grabe nakaka-touch naman po kayo. Maraming-maraming salamat po, itay." Yinakap ni Lira nang mahigpit ang ama sa laki ng galak sa kanyang puso. 'Napakaswerte ko at nagkaroon ako ng ama na katulad niya at isang mapang-unawang ina.'

Walang salitang namutawi sa labi ng Reyna, kundi ang masaganang pagpatak ng kanyang mga luha. Nagpapasalamat sa Bathalang Emre sapagkat hindi rin ipahihintulot ni Ybrahim ang nakatakdang kapalaran ng anak.

"Inay, family hug po tayo." Maluha-luhang pagyakap sa kanyang ama't ina.

Isang yakap ng buong pamilya na pilit pinatatag ang isa't isa sa kabila ng mga pagsubok na pinagdadaanan at pagdadaanan pa. Marahang pinahid ni Ybrahim ang mga luha ni Amihan na tila nag-uunahang pumatak sa mga pisngi nito. Sa sarili'y sinambit ni Ybrahim, 'Hindi ko kakayanin kung may mangyari masama sa aking mag-ina. Gagawin ko ang lahat maprotektahan lamang sila.'

Nasaksihan nina Danaya, Imaw, Aquil, Muros, Wantok, Wahid at Paopao ang madamdaming tagpo ng isang pamilya. Kaakibat sa puso ni Danaya ay ang lihim na ang kanyang hadia na si Kahlil ang dahilan ng naging kamatayan ni Lira. Kumirot ang kanyang dibdib sa kung pananatilihin ba niyang lihim ito. Hindi niya masisisi ang pagbibigay seguridad ni Ybrahim sa mag-ina nito.


Habang nagpapahangin si Amihan ay nilapitan ito ni Danaya.

"Amihan, maari ba kitang makausap?" Tanong ni Danaya.

"Oo naman, Danaya. Tungkol ba saan ito?" Balik tanong ni Amihan.

"Amihan, alam na ba ni Ybrahim na ang kanyang anak na si Kahlil ang dahilan ng muntikan ng kamatayan ni Lira?" May pangamba sa tinuran ni Danaya.

"Hindi pa, Danaya. Ayokong maging suliranin pa ito ni Ybrahim pagkat hindi ko na mababatid pa ang mangyayari sakali mang malaman niya ito. Mabuti nang hindi niya na ito malaman sapagkat ayoko rin na magkaroon pa siya ng hindi ibayong turing para sa kanyang anak. Danaya, ang ikinakatakot ko ay ang babala ni Cassiopea na mauulit at mauulit ang pangyayaring ito pagkat si Kahlil ang nakatakdang kumitil sa buhay ni Lira. Hindi ko kakayanin ito. Sana pangalagaan din ni Alena si Kahlil, sapagkat baka hindi ko na rin mabatid ang mangyayari pa." Malalim ang buntong hininga na pinakawalan ni Amihan.

Ngunit, hindi sinasadyang marinig ni Ybrahim ang nakagigimbal na balitang ito. Naroon siya upang sana ay magpaalam panandalian sa reyna na mapaghandaan ang kanilang paglalakbay patungo sa palasyo. Ngunit, paano pa nga ba niya iiwan ang kaniyang mag-ina matapos marinig ang lahat ng ito? Hindi niya kaya na ang mismong sarili niyang anak ang papatay sa kapatid nito. Nakagigimbal na magpapatayan ang kanyang mga anak. Tila mawawala yata sya sa kanyang sarili, at tama si Amihan na napakalaking suliranin nito - ang maipit sa sitwasyon para sa kapalaran ng kanyang mga anak.

There You'll BeTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon