NAKITA NA KITA

280 1 0
                                    

By Antonio Bathan

Kapag sinabi kong kakausapin lang kita kapag may kailangan ako,
Maniwala ka sapagkat hindi 'yun isang salaysay na sarkastiko.
Bagkus ito'y isang babala na kailangan mong maghanda sa palagian kong pagkausap sa'yo,
Dahil palagi na kitang kakailanganin,
Kaya't palagi na kitang kakausapin.
Kaya ngayon ay makinig ka sa kwento kong sa tula isinabuhay,
Para malaman mo kung paano nagmahal ang dati'y bahagharing walang kulay.

Napangiti na ako noon nang sobra sa sobrang kilig,
Umabot pa sa puntong humalakhak at humagikhik.
Naniwala sa mga pangako at lumikha ng mga pangarap,
Ngunit napagtantong hindi pala ako ang kabiyak n'yang hinahanap.
Hindi ko akalaing ang taong nagbigay sakin ng ngiti, ang magpipinta ng lumbay—
Sa buhay na aakalain mong palagi na lang gabi sa sobrang dilim at itim ng kulay.
Sumubaybay sa teleseryeng pinamagatang "pag-ibig na magmamahal hanggang sa tuktok";
Ngunit nobela, epiko, tula, at kahit kwentong barbero'y magtatapos pa rin sa tuldok.

At natapos kami, natapos ang lahat.
Ang maghangad ng habambuhay na pag-ibig ay hindi pala sapat.
Ito ay hindi nakatakda sa libro ng Lumikha.
Ito ay mga kabanatang sinusulat at tayo mismo ang gagawa.
Kaya't hayaan mo na ang noon na maging leksyon,
Buksan ang mga mata, puso, at diwa sa darating na panahon.
Bigyang atensyon ang sarili at lumikha ng panibago mong misyon,
Na magpapatunay na may mga tunay sa inakalang mundo ng imahinasyon.
Kahit palagi na lang nilang bukambibig sa piging,
Lahat ng nilalang ay may dalang pag-ibig na kusang dumarating.
Kaya't magtiis sa daigdig at subukang hintayin,
Sapagkat palagi raw darating ang pag-ibig na para sa atin.

Pero nagkakamali sila—
May mga pag-ibig sa mundong ito na dapat ay sinusundo;
Pinupuntahan at dapat pang akayin papalapit sa'yo.
Paano kung naghihintay lang pala siya sa pagdating mo?
At naghihintay ka rin lang sa pagdating niya?
Sa tingin mo ba'y magtatagpo ang kaluluwa n'yong dalawa?

Kaya't subukang umusad sa 'yong kinatatayuan.
Huwag hayaang matulad sa 'yong nakaraan.
Ang lungkot ay palitan mo ng nananabik na ngiti,
Pero alalahaning madalas madapa ang mga nagmamadali.
Dahan-dahan lang sa paghakbang—
May nakatadhana ngang pag-ibig sa bawat nilalang.
Maaaring nakasimangot pa rin ako dahilan ng nakaraan,
Subalit may pagbabagong maaabangan sa bawat kinabukasan.
Balang araw ay makikita mo na rin akong may ngiting nakakasilaw,
At sa araw na 'yun, ang dahilan na ay ikaw.

Hugot Tula Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon