Ang Mga Lugar Ay Pawang mga Lugar Lamang

454 2 0
                                    

By Juan Miguel Severo

Ang mga parke ay pasyalan.

Ang mga kalsada ay para sa mga sasakyan.

Ang mga puno, para sa lilim.

Ang mga poste ng ilaw, tanglaw sa dilim.

Sabihin mo sa sarili mo:

Ang mga lugar ay pawang mga lugar lamang.

.....

Huwag kang magkakamaling hanapin maski anino

niya sa tabi mo o ang mga

hakbang ng mga paa niyang dati'y sumasabay sa'yo.

Walang kinalaman ang paglubog ng araw sa init

ng kanyang mga kamay o sa simoy ng hangin sa ginhawa

ng kanyang mga akbay, ang huni ng mga ibon sa iyong tuwa.

.....

Wala na siya.

Ito ang napatunayan ko:

Kaya mong makabisa ang bawat liko ng isang siyudad

nang hindi ito itinuturing na tahanan.

.....

Ang mga lugar ay pawang mga lugar lamang

hanggang mag kasama niyong namasdan ang mga ito.

Ang sementong sahig ay mananatiling tahimik

kung hindi niyo sinulat dito ang inyong kwento

-ang inyong kwento, mga pangako, mga problemang binuo-

paulit-ulit, paulit-ulit

ipapaalala ko sa sarili ko

ang bawat kanto na pinalampas,

bawat sulok na wala mo pang bakas,

ang iyong mukha, ang iyong ulo sa aking dibdib.

Maglalaboy ako hanggang maligaw sa siyudad itong

nakasanayan kong pag-ibig.

Maglalaboy ako hanggang matanggap ko.

Itong mga lugar na pawang mga lugar lamang

at hindi tahanan ng mga ala-ala mo.

Hugot Tula Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon