Rejection. Betrayal. Heartache.
Lahat iyan dumadaloy sa isip ni Emerzon ngayon. Na-combo siya ng mga negatibong emosyon . Ano ba ang dapat niyang gawin para matigil ang pagkawasak niya?
Hindi mawala sa isip niya si Elrozy. Ni hindi niya magawang sisihin ito sa nararamdaman. Naiingit siya kay Leiron dahil kahit siya ay isasakripisyo ng dalaga para maibalik ang kasintahan.
Sabagay sino ba naman siya?
Kahit kalian ay hindi siya itinuring ni Elrozy na espesyal. Para sa sukubo, isa lang siyang kaluluwa na kailangan i-barter.
"Wasak ka nga," asar ni Zoux. Inabutan siyang muli nito ng juniper. Naalala ni Emerzon ang isinagot niya noon nang tanungin siya ni Zoux kung paano 'pag siya ang nahulog kay Elrozy.
"Ewan ko sa'yo." Mahigpit ang kapit niya sa panty ni Elrozy. Nakumpirma niyang sa sukubo ito dahil sa katotohanang dating kasintahan ito ni Leiron.
"Hoy, 'wag kang ganiyan sa akin. In demand ang kaluluwa niyong dalawa, alangan namang palampasin ko ang pagkakataon? Kahit sino sa inyo ang manalo, wala akong talo." Kahit masama ang loob sa kalbong merchant ay wala naman siyang ibang makausap.
"Oo na, tangna mo." Hindi niya talaga mapigilan ng pait na nararamdaman.
"Emerzon, kasalanan mo kung inisip mong kaibigan mo kami. Demonyo kami at nasa impyerno ka. Hindi required sa aming may paki dapat sa feelings mo. Mag-move on ka na nga sa amin ni Tads," sermon nito sa kaniya. Tama naman si Zoux dahil siya itong nadala sa mga pangyayari. "Tsaka tigilan mo nga 'yang kakaamoy sa panty ni Elrozy. Ibang klase ka mag-adik, nakakadiri," dagdag pa nito.
Hindi niya lang ito pinansin at binato ng unan si Zoux.
Hindi na nabilang ni Emerzon kung nakakailang bote ng juniper na sila. Lutang ang isip ni Kamatayan at parang nalulunod sa sariling kumunoy. Ang biglang pagtawa ni Zoux ang nakapagpabalik sa kaniya sa realidad –kinakain niya pala ay bitak-bitak na piraso ng kandilang inipon sa tabi ni Tads. Agad siyang pumunta sa kusina para idura ang nginunguya.
Lahat pala ng effort niya ay hindi na-appreciate ng dalaga. Balewala rito ang pinagsamahan nilang dalawa. Kahit sa sandaling panahon ay umikot ang mundo niya sa sukubo at hindi niya maiwasang makaramdam ng pait dahil dito. Parang isang pelikula pala ang nangyari sa kaniya... lahat ay kalakip lamang ng isang pagkukunwari at ito na ang katapusan.
Napahilamos si Emerzon sa mukha –kasabay ang pag-asang mahihimasmasan siya sa pag-iisip kay Elrozy. Tinitigan niya ang sarili sa isang salamin sa may lababo –hindi niya na makita ang sarili bagkus ay isang kaluluwang sabog at malungkot. Hindi niya akalain na pwede pa pala mamatay ulit kahit isang kaluluwa na.
Buong buhay ni Emerzon ay hinangad niya lang maging masaya. Ang matagpuan ang taong magmamahal sa kaniya ng buo at tatanggapin ang kung sino siya. Naging balakid ang anes niya kaya't ginawan niya ito ng paraan. Ngayon, nakilala niya na ang babaeng nakapagturo sa kaniya ng totoong pagmamahal; ang akala niyang tanggap ang buong pagkatao niya pero hindi naman siya sinalo. Hindi alam ni Emerzon kung kalian pa magkakaroon ng tama sa buhay niya dahil si Elrozy ang naisip niyang gan'un pero mali pa rin pala.
"Mukhang kailangan mo na magpahinga. Para kang tanga ma-broken hearted!" anas ni Zoux at inalalayan siyang bumalik sa kwarto niya.
"Iiwan ba natin 'to?" tanong ng merchant sa kaibigan.
"Sira na bait niyan. Hayaan na lang natin." Patuloy sa pagsipsip si Tads ng pink shell.
"Sabagay." Bago sila umalis ay nauna nang maglakad palabas si Emerzon. Dala-dala ang sariling walang patutunguhan at hindi alam ang ginagawa.
If his absence would mean her happiness, he would give his life to Elrozy. What will be the reason of his existence now if it's not her? Maybe that sacrifice can make her realize that his feelings for her were true. Perhaps that action can leave a mark in her life and she will remember him forever.
Baka iyon talaga ang tunay na rason ng pagkakapunta niya sa Duzakh –ang maging isang sakripisyo.
Nabangga si Emerzon ng isang maligalig na incubus kaya't nalaman niya kung saan siya dinala ng kaniyang mga paa, nasa Sentro na pala siya. Imbis na matakot ang nilalang na nakakakita sa kaniya ay pagtataka ang bumabakas sa mukha ng mga ito. Hindi niya alintana ang tinging ipinupukol sa kaniya at patuloy na makarating sa puno.
Pakiramdam ni Emerzon ay may katuturan ang kaluluwa niya kahit mawala pa siya. Ang imahe ni Elrozy na masaya kasama ang taong mahal nito ay sapat na sa kaniya. Basta masaya ang sukubo ay desidido na siya. Wala na rin naman kwenta ang lahat ngayon dahil sa nalaman niya. Siguro kapag ginawa niya iyon, totoo na ang iiwang ngiti sa kaniya ni Elrozy.
Hinawakan niya ang puno, unti-unting itinaga ang pangalan ng sukubong dahilan ng kaniyang pagkakaganito. Napangiti siya sa nakitang obra –kahit kalian talaga hindi maganda ang sulat-kamay niya. Naisip niyang para na siyang tanga kaya't lulubus-lubusin na niya ito. Idinagdag ni Emerzon ang kaniyang pangalan sa ilalim ng puso.
Elrozy <3 Emerzon
Parang hibang na hinimas-himas ni Emerzon ang ukit sa puno. Kahit sa magaspang na puno na lang bumakat ang love story nilang dalawa, papatusin niya. Nakailang bulyaw naman sa kaniya ang mahiwagang liberya ng Duzakh ngunit hindi ito pinapansin ni Kamatayan.
Napagpasyahan ni Emerzon na kumuha ng dahon para isulat ang pinaka-memorable na nangyari sa buhay niya – iyon ay nang magkrus muli ang landas nila ni Elrozy. Inisip niyang kahit sa tala lamang ay maalala siya ng sukubong iniibig kapag nawala na siya.
He found her as someone worth living for yet she made him want to sacrifice his own soul. Pinangako niya sa sarili na matapos niya lang ang kwento nila ay isusuko na niya ang sarili kay Elrozy kalakip ang munting aklat bilang alaala ng kanilang pinagsamahan. Kahit paano ay ayaw niyang mawala na lang siyang parang bula at makalimutan kalaunan. Natatakot siyang dumating ang araw na magiging malabong memorya na lang siya ni Elrozy.
Subalit isang araw ay hindi inaasahan ni Emerzon ang ginawa ng sukubo. Nagulat siya sa biglaang pagsulpot nito matapos ang matagal nilang hindi pagkikita. Hindi matanto ni Kamatayan ang rason kung bakit nangingilid ang luha sa mga mata ni Elrozy. Na-blanko ang kaniyang isip at nanigas sa kinatatayuan.
"Paasa ka talaga!" bulyaw ng maalindog na sukubo.
Bumuka ang bibig niya ngunit walang nailabas na salita. Nagdadalawang-isip si Emerzon kung susugurin si Elrozy ng halik o magpapakatuod na lamang sa kinatatayuan.
"Nakakainis ka. Bakit hindi mo ako hinabol? Bakit hindi mo ako kinausap ulit? Akala ko ba..." Halos hindi makapagsalita ng maayos si Elrozy sa hikbing hindi nito mapigilan.
Akmang hahakbang siya upang lumapit ay binato siya ni Elrozy ng nakarolyong pulang yarn. Ang kapusan ng tali ay naka-ribbon sa daliri nito.
"Sabi mo..." Hindi na nakapagpigil si Emerzon tumakbo sa sukubo. Puno ng pangungulila niyang hinalikan ito sa noo at niyakap. Lalo namang humagulgol na parang bata si Elrozy sa kaniya.
"Sabi mo kasi... ikaw ang karugtong ng tali ko."