X: BOW AND ARROW

489 20 9
                                    

Elrozy, nahulog ako sa'yo. Tangna, saluhin mo naman ako.

Umalingawngaw sa isip niya ang sinabi ni Emerzon. Nahulog na rin ba siya? Kaya ba pakiramdam niya nasaktan siya nang biglang nagbago ito? Kaya ba ganoon na lang ang lungkot at galit niya nang kinompronta nila ang isa't isa? Iyon na ba ang tawag sa halu-halong emosyong 'di niya makontrol kapag kasama niya si Emerzon? Kung ganoon nga, ano ba ang pumipigil sa kaniya para umamin sa nararamdaman? Malabo pa ang lahat sa kaniya ngunit alam niyang lilinaw ito sa harap ni Kamatayan.

Hinimas niya ang bakat ng kakornihan nito. Unang kita pa lang ay alam niyang si Emerzon na ang may gawa. Naiiling si Elrozy at hindi mapigilang mapangiti.

"NGRABE! Ngala nga ngang ngi Ngemernzon nge ngamel ngang ngangawan ngo?" Walang katapusan ang litanya ng punong inukitan ni Kamatayan. "Ngusngo nga ngia ngito ngungakat ngung ngab ngori ngiong ngalawa!" Gigil na gigil ang puno habang nagsusubong kay Elrozy na ikinaaliw naman ng sukubo.

"Parang tanga talaga 'to si Emerzon, ang korni!" Ngayon napagtatanto ni Elrozy lang ang makakapagpangiti sa kaniya. Ilang araw na silang hindi nagkikita at nalulunod na siya sa kalungkutan. Hindi niya akalaing ang simpleng pagbandalismo ni Kamatayan sa punong ito ay magbibigay ng kurba sa kaniyang mga labi. Ito ang emosyong akala ng sukubo ay hindi na niya muling mararamdaman.

Naiinis si Elrozy dahil sa isang iglap ay sumabog ang mga katotohanang ayaw niya harapin. Ang komprontasyon nila ni Emerzon ay gumising sa kaniyang damdamin. at parang tinapyas ang kalahati ng kaluluwa niya nang mawala ito. Ayaw man niyang aminin sa sarili ang emosyong bago sa kaniyang pakiramdam ngunit wala siyang magagawa –kinain na siya ng damdamin niyang iyon. Akala ng sukubo noong una ay nawiwindang lang siya dahil hindi na niya maibabalik ang kaluluwa ni Leiron pero napagtanto niya sa huli na mali pala siya.

Bakit kasi ganoon pa ang sitwasyon nila? Bakit kailangan nilang kuhain ang kaluluwa ng isa't isa? Hinihiling ni Elrozy na sana pinagtagpo na lang sila ulit para magkakilala at hindi para maggamitan. Akala niya masaya na siya noon pero hindi, si Emerzon ang kumumpleto sa buong kaluluwa niya at ayaw niyang bitiwan iyon. Gusto niyang kumapit sa pag-asang may rason kung bakit nag-krus muli ang landas nila.

Napahawak siya sa dibdib, wala na ang munting tunog na nararamdaman niya doon. Ang inaakala niyang imahinasyon lang ay binuhay at ginawang totoo ni Emerzon –ang puso ng isang sukubo. Nagulat din siya noong unang beses itong tumibok, hindi kapani-paniwala pero narinig niya. At kapag kasama niya si Emerzon ay awtomatikong pumipintig ito –naninibago man ay hindi maitatanggi na gusto niya ang tibok na iyon.

Pero ngayon ay hapdi na lamang ang nararamdaman niya sa dibdib.

Buo na ang loob ni Elrozy na harapin ang lalaking nagpabago sa desisyon niya. Nais niyang maging matapang upang makita muli si Emerzon. Hindi man niya alam ang sasabihin ay sigurado na ang sukubong umamin at ialay ang sarili kay Kamatayan. Kahit pa i-barter siya nito ay ayos lang, tatangapin niya kung ito man ang parusang kapalit sa ginawa niyang panloloko kay Emerzon. Kinakabahan man siya sa magiging reaksyon ni Kamatayan ay hindi na siya aatras pa.

Subalit akala niya ganoon kadali hanapin si Emerzon dahil bigo ang sukubong makita ito. Ngayon pang malakas na ang loob niya ay saka ito hindi mahagilap.

'Ilang araw pa ang titiisin ko? Pakiramdam ko dekada na asa tagal noong huli kaming nagkausap.' himutok ni Elrozy sa isang parte ng Sentro. Ayaw niya mang sumuko ay tila nilalamon siya ng kaba habang patagal ng patagal ang paghahanap niya kay Emerzon.

"Walang message si Emerzon. Hindi kami nagkikita kaya kung hahanapin mo siya sa akin ay 'di ko alam." Hindi inaasahan ng sukubo ang biglaang pagsulpot sa harap niya ng mahaderang messenger ni Kamatayan.

Tibok Galing IlalimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon