"GOOD MORNING, sir! Welcome to Pete's Diner. Can I take your order, please?" Siniguro kong maganda ang aking pagkakangiti habang sinasabi ang aking pambungad na pananalita sa customer na nasa unahan na ng pila. Ganito kami sa trabaho. Dapat laging naka-smile. Kahit pa may problema kaming dinadala, smile pa rin. Actually, sabi nga ng may-ari ng Pete's Diner na si Boss Peter, huwag namin dadalhin sa trabaho ang mga problema sa bahay. At tama naman talaga 'yon. Paano nga naman kami makapagtatrabaho nang maayos kung ginugulo ang utak namin ng mga problema?
"Yes, please. One piece chicken with rice and large pineapple juice," sagot ng may edad ng lalaking customer na titig na titig sa akin habang umoorder. Kanina pa rin ito nakatingin sa name tag ko na kung saan nakasulat ang "Hi! I'm Jade!"
"Anything more, sir?" tanong ko.
"Wala na. Iyan lang." Iniabot nito sa akin ang isang five hundred peso bill.
"I received five hundred pesos." Nag-punch ako sa cash register para bumukas ito at masuklian ko ang pera ng kostumer. "Here's your change, sir. Three hundred ninety pesos." Pagkaabot niya ng pera ay mabilis akong tumalikod para kunin ang order niya at sa ilang saglit lang ay handa na ito. "Here's your order, sir. Enjoy your meal." Hindi nawawala ang ngiti sa labi ko.
"Thank you," sagot naman niya kasabay ang isa ring ngiti.
Lumapit sa akin ang store manager na si Ma'am Esther. "Jade, lipat ka muna sa dining. Tulungan mo muna sila doon. Wala nang maupuan ang mga tao."
"Okay po, ma'am." Si Ma'am Esther na ang pumalit sa akin sa kaha. Ako naman ay agad na pumunta sa dining area para magligpit ng mga used eating paraphernalias.
Nakakadalawang table pa lang ako nang tawagin ako ng lalaking kostumer ko kanina. Lumapit ako sa kanya.
"Anything, sir?" magalang kong tanong habang naka-flash ulit ang pinakamatamis kong ngiti.
"Jade, right?"
Tumango ako.
"Matagal ka na ba rito?"
"Mag-a-apat na buwan pa lang po, sir. Bakit po?"
"Guwapo ka," sabi nito. "By the way, ako si Tonee Forteza. Nagma-manage ako ng talents for tv commercials." Inilahad nito ang kamay na agad ko namang inabot.
"Nice meeting you, sir." Hindi niya agad binitiwan ang kamay ko.
"Gusto mo bang subukang maging commercial model?" diretsong tanong nito.
"Po?" Nanlaki ang mga mata ko.
"You heard it right," sabi nito bago binitiwan ang kamay ko at dinukot sa bulsa ang kanyang wallet. May kinuha siya sa loob nito.
Calling card.
Iniabot nito sa akin ang kapirasong papel na iyon sabay sabing, "Interesado ako sa'yo. May potensyal ka. Kung gusto mong subukan ang sinabi ko, tawagan mo ako riyan."
BINABASA MO ANG
Jade: My One Desire (Completed)
HumorSi Mario Jade Casiano ay isang up-and-coming commercial model. Sa edad na bente ay naiwan sa kanya ang pangangalaga ng kanyang dalawang kapatid matapos na pumanaw ang kanilang ama. Nagtrabaho siya sa isang fast food chain para maitaguyod ang sarili...