Chapter 4

1.6K 104 8
                                    

MARAMING TAO sa presscon ng Falcon Entertainment sa Valencia Suites para sa bago nitong pelikula tampok sina Matt Stuart at Jessa Trias, isa sa pinakasikat na loveteam sa bansa ngayon. Ako ang ka-love triangle ng dalawa sa gagawing pelikula na may pamagat na My One Desire.

Magkasunod kaming dumating ni Tito Tonee sa presscon. Ilang sandali lang ay dumating naman si Kurt Morris at bahagya pa akong nagulat nang makita ko siya roon. Hindi nasabi sa akin ni Tito Tonee na kasama rin pala sa pelikula ang lalaking ito.

Dumating na rin ang direktor ng pelikula kasama ang scriptwriter na si Todd Saavedra. Ngumiti pa si Todd sa akin. Malamang alam nito na kasama ako sa pelikula. Pero wala man lang siyang nabanggit sa akin tungkol dito. Huling dumating ang dalawang star ng pelikula na sina Matt at Jessa kasama ang kanilang mga manager.

Nagsimula na ang presscon at kaagad na inulan ng tanong ang sikat na loveteam. Si direk ay natatanong din tungkol sa pelikula at ilan pang mga tanong na tungkol din sa dalawang bida rito. Maging si Todd ay tinanong na rin kung ano ang naging inspirasyon niya para maisulat ang kuwento ng My One Desire na maayos naman nitong sinagot.

Sa wakas ay may isang baklang reporter na nagtanong sa akin. "Para kay Jade Casiano ang tanong ko. Jade, isa ka sa pinakasikat na commercial model ngayon at heto nga't nabigyan ka na ng break sa showbiz, itutuloy mo na ba ang pag-aartista o mas gusto mo ang pagiging commercial model?"

Nginitian ko ang nagtanong bago ako sumagot. "Masaya po ako na napasama ako sa pelikulang ito. Malaking break po ito sa akin. Kung may mga darating pang movie offer pagkatapos nito, sino naman po ako para tumanggi. Blessing po ang bawat dumarating na trabaho kaya itutuloy ko lang po hangga't may offer."

"Follow-up question, hindi ka ba natatakot ma-bash ng fans nina Matt at Jessa lalo na at ikaw ang gaganap na love triangle o pampagulo sa loveteam nila?"

"Hindi naman po siguro aabot sa ganoong punto. Trabaho lang naman po ang ginagawa namin at labas ang aming mga personal na buhay," diretsong sagot ko. Siniguro kong hindi nawawala ang ngiti sa mukha ko.

Isang babaeng reporter naman ang nagtanong. "Si Kurt Morris ang gusto kong tanungin. Kurt, ano ang role mo sa pelikula at hindi ka ba nababagalan sa takbo ng career mo? Parang halos magkasabay kayo ni Jade na pumasok sa commercial modelling pero nauunahan ka na yata ni Jade," halatang gustong mang-intriga ng reporter na ito.

Nakita kong tumingin muna si Kurt sa akin at kay Tito Tonee bago siya sumagot. "I play the role of Luke, best friend ni Jade sa story. About sa tanong kung hindi ba ako nababagalan sa takbo ng career ko, well I have my manager and I trust Tito Tonee na mas alam niya kung paano patatakbuhin ang career ko. Also, maybe it is not yet my time. I'm sure darating din iyong tamang panahon para sa akin. Si Jade naman, pareho kami ng manager kaya masaya ako sa achievements niya," mahabang paliwanag ni Kurt ngunit hindi ako kumbinsido sa huli niyang sinabi. Paano ko paniniwalaan na masaya siya sa mga naabot ko ganoong lagi siyang parang galit sa akin everytime na makikita ko siya. Ngayon lang yata niya ako hindi tiningnan ng matalim at obvious naman kasi maraming tao rito at posibleng mapansin ng mga reporter.

"Pero bakit parang hindi naman kayo close ni Jade kahit iisa lang ang manager n'yo?" Hindi yata inaasahan ni Kurt ang tanong na iyon.

Napalunok siya. "Ahm, wala lang siguro kaming time para magkasama at makapagbonding kaya parang hindi kami close. Pero ngayon, best friends ang role namin dito sa movie, ibig sabihin most of our scenes magkasama kami kaya mas makikilala namin ang isa't-isa. Kahit naman kasi iisa ang manager namin, hindi kami nagkakasama sa mga project kaya ganoon."

"Baka naman kasi may selosan nang nangyayari kaya hindi kayo close ni Jade," ayaw pawat ng intregerang reporter.

"Wala pong selosan sa mga alaga ko. As a manager, sinisiguro ko na lahat ng mga alaga ko ay naihahanap ko ng proyekto. Meron lang sigurong aangat kaagad kesa sa iba, depende naman kasi iyon kung paano sila tanggapin ng masang manonood. Pero hindi ibig sabihin na umangat ang isa ay dahil pinabayaan ko iyong iba," si Tito Tonee na ang sumagot, marahil para tumigil na rin ang reporter. Hindi naman kami ang bida sa pelikula pero ewan kung bakit kami ang iniintriga.

Jade: My One Desire (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon