ISANG LINGGO na ang nakalilipas magmula nang sabihin sa akin ni Tito Tonee na nagpaalam sa kanya si Kurt para magbakasyon. Sa loob ng isang linggong iyon, walang araw na hindi ko siya naalala. Palagi siyang sumisiksik sa aking isipan. At sa gabi, parang pelikulang paulit-ulit na bumabalik sa akin ang mga sandaling hinahalikan niya ako. Nasaan na kaya si Kurt? Ayaw ko mang aminin pero nami-miss ko na siya. Sobra!
Naaalala ko pa noong nasa Batangas kami. Bago ako lumabas ng banyo ay nakita ko kung gaanong lungkot ang nakarehistro sa kanyang mukha. At maging noong tumanggi akong sumabay sa kanya pabalik ng Maynila. Hindi lang siya kumibo at hinayaan na lang si Todd, pero nakita ko ang sobrang kalungkutan sa kanyang mga mata.
Nasaan ka na ba, Kurt?
Ayaw ko mang isipin, hindi mawala sa utak ko na baka ako ang dahilan ng biglang pagkawala niya sa sirkulasyon. Alam kong nasaktan siya. Nasaktan ko siya. At hindi ko na alam kung paano ako makababawi sa kanya. Nasundan pa nga iyong balita tungkol sa gay issue. Inakala ng mga reporter na nagtago si Kurt para makaiwas sa intrigang iyon dahil hindi lang naman ako ang kinukuwestyon ang kasarian kundi maging siya at si Todd. Kaming tatlo. Pero si Todd ay dedma lang. Tuloy lang ang buhay para sa kanya. Sa akin naman ay wala pang direktang nagtatanong. Although may mga imbitasyon for interview and tv guestings, hindi iyon tinanggap ng manager ko. Tuloy lang ako sa shooting ng unang pelikula ko. Ilang eksena na lang ang kukunan at matatapos na rin ang pelikula.
"Jade, sabay na tayong umuwi." Katatapos lang ng shooting para sa araw na ito. Katulad ng dati, nasa shooting din si Todd para mag-revise ng script kung may kinakailangang ayusin.
"Sige..."
"Daan ka muna sa place ko, nag-bake ako ng macaroni kaninang umaga bago ako pumunta rito. Mag-uwi ka para sa mga kapatid mo." Nakita kong nag-flash ang isang masayang ngiti sa labi niya.
"Wow, sige 'ba. Masarap 'yan. Matutuwa ang mga kapatid ko."
Walang gaanong traffic kaya mabilis kaming nakarating sa condo ni Todd. Pagpasok sa loob ng condo ay umupo muna ako sa sofa habang si Todd ay pumasok sa kuwarto at nagpalit ng damit. Preskong-presko siya nang bumalik sa salas sa suot na white shirt at casual black cotton short pants.
"Mamayang konti ka na lang umuwi. Maaga pa naman. Ihahatid na lang kita," sabi pa niya. "Tikman mo muna itong niluto ko. Diyan ka lang, kukuha lang ako."
Pumunta siya sa kusina. Pagbalik niya ay may dala siyang plato na may isang slice ng baked macaroni at isang tinidor. Iniabot niya iyon sa akin. "Ayan, kain ka muna."
Ipinatong ko sa center table ang plato at saka ako sumalampak sa sahig. Si Todd ay walang pakialam na sumalampak na rin sa sahig sa bandang harapan ko.
"Panonoorin mo akong kumain?" tanong ko.
"Oo, siyempre!" sagot niya na bahagya pang natawa. Muling lumabas ang kanyang kaguwapuhan sa kanyang pagngiti.
Nag-umpisa akong kumain.
"Masarap ba?"
"Oo. Expected na iyon. Alam ko namang masarap kang magluto." Totoo sa loob na sinabi ko. "Suwerte ang magiging partner mo."
"Eh, 'di suwerte ka pala..."
Napatingin ako kay Todd. Wala akong ano mang nasabi pero alam kong nagtatanong ang aking mga mata.
"I'm serious," seryosong sabi niya. "I like you. Iyan ang nararamdaman ko sa'yo noon. Simpleng pagkakagusto. But now, iba na. I love you, Jade."
Ano raw? Mahal raw niya ako? Hindi ako makapaniwala. Ito iyong matagal ko nang hinihintay na sabihin niya sa akin. Dapat masaya ako, 'di ba?
BINABASA MO ANG
Jade: My One Desire (Completed)
HumorSi Mario Jade Casiano ay isang up-and-coming commercial model. Sa edad na bente ay naiwan sa kanya ang pangangalaga ng kanyang dalawang kapatid matapos na pumanaw ang kanilang ama. Nagtrabaho siya sa isang fast food chain para maitaguyod ang sarili...