MARAHAS na binuksan ni Julio ang pintuan ng silid ni Katrina. Napabalikwas namang ito sa biglaang pagpasok ng binata't nabitawan ang basong hawak-hawak. Sinenyasan niya ang dalaga't inaayang lumapit sa tabi nito habang naghahabol ng hininga.
"Sumama ka sa akin sa labas ng palasyo. Hindi maganda ang nangyayari ngayon."
"Hindi pa rin ba sila tapos sa pagpapahirap sa mga preso?" Alangan sambit nito. "Ayokong panoorin ang nangyayari. Kinikilabutan ako sa ginagawa nila sa labas."
Umiling-iling siya't nilapitan na lang ito't hinawakan sa braso. "Nagpakita na ang salarin na nakaharap natin ilang buwan na ang nakakaraan. Naroroon ito sa labas at pinapahirapan ang pinsan mo."
Bakas man ang pagtataka't pagkalito sa mukha ng dalaga'y hindi rin naman ito nagdalawang isip na sumunod sa kanya. Pareho silang lumiban sa silid at nagsimulang tumakbo papalabas muli ng palasyo. Hindi pa man sila nakakalapit kung saan naroroon ang entablado'y mararamdaman na ang mabigat na presensya sa lugar. Mayroong kaunting usok na nagmumula at nagsisimulang magkaroon ng makapal na usok.
Nang dumating silang dalawa'y pansin niyang wala na ang ilang mga presong nakagapos kasama ni Xavier. Iginala niya ang kanyang mga mata at nakita ang nakabulagtang binata, nakaluhod na si Shanaia at ang misteryosang babae habang nakatutok ang talim ng sandata nito sa leeg ng dalaga.
"Ano 'tong pakiramdam na 'to?" natigilan ang kasama niya sa pagtakbo at tinanaw ang nangyayari sa ibaba. "Siya ba ang nakaharap natin noon? Bakit parang... iba ang presensya niya ngayon."
"Hindi ko rin matindihan ang nangyayari at kung bakit niya tinutulungan si Lord Xavier. Oh, baka naman si Lord Xavier ang tumutulong dito."
"Ibig sabihin, totoo nga na nagtaksil siya?" nagkibit balikat na lang siya't muling umusad at naglakad.
Tumigil silang pareho sa nakapangalumbabang hari habang pinanonood ang nangyari sa ibaba. Ngayong hindi na nito maasahan si Xavier, silang tatlo na lang ang maaring makipagtunggali sa mga oras na iyon. Binalingan lang sila ng tingin ng hari, marahan silang yumuko at nagbigay galang. Bahagya niyang inaninag si Kat sa ganyang gilid, batid niyang hindi pa ganoon kaganda ang kondisyon ng dalaga dahil sa traumang naalala nang makita ang mga taong pinapahirapan.
"Ngayong nagpakita na siya muli, siguro naman hindi niyo na ako bibiguin dalawa?" Matalim ang tingin nito sa kanya nang lingunin siya nito. "Hindi ko kailangang ng mahihina sa paligid ko. Kung hindi niyo magagawang itumba ang babaeng 'yan, mas maigi na sigurong bumalik na lang kayo sa pinagmulan niyo. Wala na rin saysay pa kung ikukubli ko ang mga magulang niyong may katigasan din ng bungo."
Umigting ang kanyang panga sa narinig at muling yumuko. Naaninag niya ang pangangatog ng katabi dahilan para lalo siyang mabahala. Hindi na siya sumagot sa hari't marahan na lamang tumango. Ano pa nga bang sasabihin niya kung maging siya'y hindi rin alam kung magagawa bang patumbahin ang babae sa ibaba? Wala rin naman saysay kung mangangako siya sa bagay na hindi rin niya sigurado.
BINABASA MO ANG
Karma Butterfly ✔️
Fantasy[FIN] Ang nais lang ni Lilith Remington ay mamuhay ng normal tulad ng iba. Subalit nang pagtaksilan siya ng taong pinagkakatiwalaan niya, bumaliktad ang lahat sa kanya. Inabandona siya nito, pinagtangkaan ang buhay at pinatalsik sa sariling palasyo...