Chapter Six
Warning. Warning. Warning.
Malware detected.
Emergency sequence A32 initiated.
System shutdown.
Prepare for reboot.
5
4
3
2
1
Restoring all data.
10%
45%
80%
100%
System restoration complete.
Malware successfully deleted.
Welcome back.
"Yngrid?"
"Yngrid?"
"Yngrid... Yngrid!"
"Naririnig mo ba kami Yngrid?"
"Naririnig ko kayo," sagot ko sa kanila bago ko minulat ang mga mata ko. Nakaupo ako sa gilid ng kama at lahat sila ay nakatingin sa akin.
"Sorry pinsan," nakaluhod sa harap ko na sabi ni Andrew.
Tinignan ko lang siya. Para saan ang sorry niya?
"Mag-usap tayo sa baba, Andrew," sabi ni Papa bago lumabas ng silid.
Sumunod agad ang pinsan kong si Andrew kay Papa. Niyakap ako ni Mama na umiiyak. Hinaplos niya ang buhok ko habang nakadikit sa balikat ko ang pisngi niya.
"Yn, muntik ka na ulit mawala sa amin anak. Hindi ko kakayanin kapag nawala ka ulit." Hinawakan niya ang pisngi ko at tinitigan ang muka ko. "Hwag mo ulit iiwan si Mama, ha?"
Bago ako nawala may nakita akong mga imahe. Tumingin ako sa mga kamay ko. Isa akong cyborg. Nakita ko ang buong system ng utak ko. Wala akong ipinagkaiba sa isang computer.
Idinisenyo ako bilang si Yngrid, ang namatay nilang anak. At lahat ng alaala niya ay ipinasa sa akin. Hindi ako tao. Wala akong karapatan para tanggihan ang mga taong gumawa sa akin.
Hindi ako ang totoo nilang anak. Namatay siya sampung taon na ang nakalilipas. Hindi ako si Yngrid.
***
"May naririnig ako," sambit ko habang kumakain sila ng hapunan. Nasa kusina kami at nakaupo sa harap ng hapagkainan.
Tumingin ang mga magulang ko sa akin. Nasa akin ang buo nilang atensyon na tila ba kahit anong sasabihin ko ay mahalaga. Si Andrew ay patuloy na kumakain.
"Ano 'yon, Yngrid?" tanong ni Mama.
"May dalawang lalaki sa loob ng isang kotse. Nakatigil sila ng isang kilometro ang layo mula sa bahay na ito. May pinag-uusapan sila." Pinakinggan ko nang mabuti ang usapan ng mga lalaki. Naririnig ko rin ang malutong na pagkain ng chichirya ng isa sa kanila. "Papasukin nila ang bahay na ito isang oras pagkatapos patayin ang mga ilaw."
Mabilis na tumayo si Papa. "Andrew, ihanda mo ang mga gamit mula sa laboratoryo. Kunin mo lahat ng blueprints at mahahalagang gamit natin para kay Yngrid."
Mabilis na sinunod ni Andrew ang utos ni Papa at iniwan ang plato niya na malinis.
"Adelaine, mag-impake ka na. Dalhin mo si Yngrid sa sasakyan pagkatapos, gamitin ninyo ang van sa likod ng bahay. Tutulungan ko si Andrew sa mga gamit sa basement, sa truck kami sasakay. Alam mo na kung saan pupunta, hindi ba?"
"Natatakot ako," pahayag ni Mama. Naririnig ko ang mabilis na tibok ng kanyang puso. "Handa na ba tayong bumalik sa lugar na 'yon? Paano kung may makakilala kay Yngrid? Ano'ng sasabihin natin?"
"Hindi ko pa alam, pero sa ngayon mas makabubuti kung aalis tayo rito." Hinawakan ni Papa sa balikat si Mama. "Pansamantala lang ito hangga't hindi pa tayo nakakahanap ng mas ligtas na lokasyon."
Tumango si Mama. Umakyat siya ng hagdan papunta sa kwarto. Narinig ko ang tunog ng zipper ng bag na kanyang binuksan.
"Yngrid, protektahan mo ang Mama mo. At hwag mo siyang iiwan. May kakayahan ka na ngayon anak."
Tumango ako. Umalis din si Papa pagkatapos niya akong tignan nang matagal. Lilipat kami ng bahay at mukhang alam ko na kung saan. Babalik na sila sa dating tinitirahan nila kasama ang totoong Yngrid.
***
Walang bakod ang bahay na hinintuan namin. May malaking hardin lang sa unahan at nakahiwalay ito sa ibang mga bahay. Halos mansion na ito sa laki at yari sa purong semento at metal.
Makalipas ang lagpas anim na oras na byahe ay nakarating na rin kami ni Mama. Isang oras naman ang nakalipas bago huminto sa tapat ng bahay ang truck ni Papa.
Pumasok ako sa loob ng kwarto ko...ni Yngrid.
Ang mga alaala niya na nakalagay sa database ko ay parang sa akin talaga. Halos maniwala ako na siya at ako ay iisa. Pero isang tao si Yngrid at namatay siya. Hindi ako tao, isa lang akong substitute. Nilikha ako at idinesenyo, hindi ipinanganak. Ako ang bunga ng research ng mga magulang niya. Bunga ako ng isang experiment na layuning maibalik siya.
Pero kahit na isa lang akong substitute ay hindi ko napigilan na kunin ang litrato ni Noah sa kahon na nasa itaas ng closet ni Yngrid. Maging ang taguan nito ay alam ko.
Idinesenyo rin ba ako para kay Noah? Kinopya ba nila ang nararamdaman ng anak nila para kay Noah? Inilagay ba nila ito sa akin?
Bakit ako may nararamdaman ngayon? Nabitawan ko ang litrato nang maging pula ang paningin ko.
Warning. Warning. Warning.
Malware detected.
Emergency sequence A32 initiated.
System shutdown.
Prepare for reboot.
5
4
3
2
1
BINABASA MO ANG
Project: Yngrid
Science FictionWhat would you do if you wake up one day and find yourself in a different body? [Completed]