Chapter Ten
Hindi kaagad nakasagot si Andrew sa tiyuhin. Nanatili ang mainit na tingin ng ama ni Yngrid sa pamangkin nito.
"T-tito kasi po..." Napakamot sa ulo niya ang binata habang nag-iisip ng isasagot.
"Napag-usapan na natin ito, hindi ba?" Bumuntong hininga ang ama ni Yngrid. "Hahayaan na natin ang nakaraan."
"Pero Tito! Sa tingin ko po ay kailangan parin nating makuha ang hustisya para kay Ate Yn—"
"Tama na!" sigaw ng kanyang tiyuhin. "Sa ginagawa mong ito ay mas napapalapit sa kapahamakan si Yngrid. Isa-Diyos nalang natin ang parusa sa taong gumawa nito sa anak namin."
Hindi makapaniwala si Andrew sa sinabi nito. Hahayaan nalang nila ang nangyari kay Yngrid. Hahayaan nilang makatakas ang pumatay sa pinsan niya? Hindi siya makakapayag. Napayuko siya at tinignan ang chip kung saan nakalagay ang solusyon na ginawa niya.
Inilahad ni Antonio ang kamay. "Ang chip."
Bagsak ang balikat na ibinigay ni Andrew ang microchip sa tiyuhin.
"Magpahinga na kayo, Andrew," malumanay na sabi ng ina ni Yngrid. "Bukas nalang natin pag-usapan ulit ang tungkol dito, kapag malamig na ang ulo ng lahat."
Tumingin si Adelaine sa anak at humalik sa pisngi. Nanatili naman na walang emosyon ang mukha ni Yngrid. Hindi mapigilan ni Adelaine ang malungkot sa tuwing titignan ang kawalan ng emosyon sa mukha ng anak. Siguro nga ay tama si Andrew tungkol sa pag-gawa ng bagong software para maibalik nang ligtas ang emosyon ng anak niya. Gusto niyang makita na muli itong ngumiti.
Lumabas na sa kwarto ang mag-asawa. Pasalampak na umupo sa kama niya si Andrew. Maya-maya ay humiga ito sa kama at nagtalukbong ng kumot. Wala itong imik.
Tinignan ni Yngrid saglit ang pinsan niya. Naririnig niya ang mabilis na tibok ng puso nito. Lumabas siya ng kwarto ng binata at lumipat sa silid niya. Pagkapasok sa kwarto ay agad niyang nakita ang bilog na bwan sa langit.
Lumapit siya sa bintana at agad na naaninag niya ang kanyang repleksyon sa salamin. Hindi balanse ang mukha niya, may kulang. Nawawala ang isa nyang tenga. Kailangan niya iyong hanapin.
Binuksan ni Yngrid ang kanyang bintana at tahimik na lumabas. Tumalon siya pababa sa damuhan at tumakbo patungo sa bahay ni Noah Alonzo.
***
Nakabukas pa ang ilaw sa kwarto ni Noah Alonzo. Mula sa bubong ng kapitbahay ng binata ay pinagmasdan ni Yngrid ang anino na gumagalaw mula sa loob ng kwarto. Hindi niya makita ang loob ng silid nito dahil nakatakip ang mahaba nitong kurtina.
Tinignan niya ang bawat sulok ng daan na maaari niyang napaglaglagan ng kanyang tenga ngunit di niya iyon nahanap. Ito nalang ang nag-iisang lugar na hindi pa niya nahahanapan.
Tumalon si Yngrid mula sa bubong at pumasok sa bakuran ng mga Alonzo. Napakatahimik ng bahay nito. Nag-iisa lamang ito sa loob ng bahay hindi katulad nila na apat na magkakasama sa iisang bubong. Inilabas niya ang ballpen na inimbento ng kanyang pinsan, muli niya iyong ginamit upang makapasok sa loob ng bahay.
Maingat ang bawat kilos at hakbang niya nang makapasok siya. Nakapatay ang ilaw sa unang palapag ngunit di siya nahirapan makakita. Tumingin siya sa sahig at nag-umpisang mag-hanap sa nawawalang bagay.
Dumaan ang tatlumpung minuto ay wala parin siyang nakita. Kahit sa sulok na hindi niya pa napuntahan ay tinignan na rin niya, wala roon ang bagay na hinahanap niya.
Kaagad siyang nagtago nang makarinig siya ng tunog. Makalipas ang ilang segundo ay saka lamang niya nakita ang ulan sa labas ng bintana. May halong kulog at kidlat iyon. Lumabas siya mula sa pinagtataguang kurtina at nagsimulang umakyat sa hagdanan.
BINABASA MO ANG
Project: Yngrid
Science FictionWhat would you do if you wake up one day and find yourself in a different body? [Completed]