Chapter Thirteen
"Teka pinsan, bakit natin sinusundan ang mga goons?" takang tanong ni Andrew kay Yngrid habang nagmamaneho ng sasakyan.
Kasalukuyan nilang sinusundan ang kotse ng mga lalaking tinakbuhan nila kanina. Nagpapasalamat na rin si Andrew dahil malakas ang ulan at hindi halata ang pagsunod nila sa mga ito.
"Dahil pupuntahan nila si Noah."
"Tapos?" kunot-noong tanong niya.
"Baka mapahamak siya."
Sandaling napamaang si Andrew sa sagot ni Yngrid sa kanya. Nakatingin lang ito nang diretso sa sinusundang sasakyan. Ipinilig niya ang ulo at di na muling nagsalita.
Lumiko ang itim na kotse ng mga lalaki sa subdivision na tinitirahan ni Noah Alonzo. Ni walang bantay na guards doon. Dahil siguro sa walang budget ang mga nakatira roon para magbayad. Nakapagtataka dahil dati naman ay maunlad ang pamumuhay ng mga nakatira roon.
Itinigil ni Andrew ang sasakyan na minamaneho isang kanto ang layo mula sa bahay ni Noah. Naramdaman niyang gumalaw si Yngrid sa upuan nito kaya naman mabilis niya itong hinawakan sa braso bago pa man makalabas ng kotse.
"Teka lang Ate Yn, hindi tayo pwedeng magpadalos-dalos."
"Bakit?"
"May mga baril sila. Baka ikapahamak nating dalawa itong pagsunod sa kanila. Kailangan natin gumawa ng plano."
"Ano'ng plano, Andrew?"
"Naririnig mo ba sila mula rito?"
Ilang segundo natahimik si Yngrid.
"Hindi ko sila marinig dahil sa ulan."
"Kung ganon kailangan muna natin magmasid."
"Nahihirapan ako na makita sila mula rito, Andrew."
Bumuntong hininga si Andrew. Masyadong malakas ang ulan. Tamang tama ang araw na pinili ng mga lalaking 'yon. Mahihirapan marinig ng kapitbahay ni Noah kung may mangyari mang gulo sa bahay nito.
"May pumutok na baril," sambit ni Yngrid. "Si Noah."
Isang iglap lang ay nabakante na agad ang upuan ni Yngrid sa sasakyan. Wala nang nagawa pa si Andrew sa sobrang bilis ng kilos nito.
"Shit!" Hinila niya papasara ang naiwang bukas na pinto ng kotse. Dali-dali niyang inalis ang seatbelt at lumabas ng sasakyan para sundan ang pinsan. Ilang segundo pa at muli niyang binuksan ang pintuan ng kotse at kinuha ang ilang gamit sa passenger seat bago matulin na tumakbo.
Maingat na pumasok sa loob ng bahay si Yngrid. Nakabukas na ang pinto ng bahay ni Noah pagdating niya. Nakarinig siya ng ingay sa ikalawang palapag. Mabilis siyang umakyat ng hagdanan.
"Kung sasabihin mo lang kung nasaan ang disc eh di tapos na tayo ngayon dito," ani ng isang mababang boses ng lalaki.
Nasa loob ng library ang mga ito. Nagtago si Yngrid sa isang mataas na bookshelf. Ni hindi naramdaman ng mga ito ang pagdating niya. Inalis niya ang ilang librong nakaharang at sinilip ang nangyayari.
Hawak si Noah ng dalawang lalaki at nakatayo naman sa harap nito ang isa na tila lider ng grupo. Duguan ang mukha ni Noah. Ini-scan ni Yngrid ang katawan ng binata para maghanap ng fatal wounds pero wala siyang nakita.
"Hindi ninyo 'yon makikita. Mamamatay muna ako bago nyo 'yon—" hindi natapos ni Noah ang sinasabi nang suntukin siya ng lalaki sa mukha. Isang suntok sa tyan ang sunod na natanggap ng binata.
BINABASA MO ANG
Project: Yngrid
Science FictionWhat would you do if you wake up one day and find yourself in a different body? [Completed]