Chapter Seven
Pumasok sa kwarto ko si Andrew. Matagal siyang tumayo sa may pintuan at nilibot nang tingin ang kwarto.
"Naaalala mo ba si Kate?" tanong niya sa akin.
"Kate?"
"Yung dagang costa na ibinigay mo sa akin dati," nangingiting sabi niya. "Sixth birthday ko, binigyan mo ako ng dagang costa."
Lumapit sa akin si Andrew at umupo sa tabi ko sa kama.
"Seventh birthday ko naman binigyan mo ako ng tarantula. Noong eighth birthday ko, binigyan mo ako rabbit. Binigyan mo naman ako ng parrot noong ninth birthday ko. Iniisip ko parin hanggang ngayon kung ano ang ihinanda mo para sa tenth birthday ko." Tumingin siya sa akin. "Namiss kita ate Yn. Hinintay kita noon, ikaw lang ang nag-iisa kong ate. Ang mga regalo mo sa'kin ang pinakapaborito ko sa lahat. Ang kaso bigla kang nawala. Kaya simula non, hindi na rin ako nagpa-party tuwing birthday ko."
"Sorry."
"Bakit ka nagso-sorry?"
"Hindi ba ako dapat na mag-sorry?"
"Hahaha!" Tumayo siya. "Akala ko nag-karon ka na ng sympathy." Bumuntong hininga siya. "Hindi mo kasalanan ang nangyari." Biglang nagbago ang tono ng boses niya. Ikinuyom niya ang dalawa niyang kamao. "Kasalanan 'to ng taong 'yon. Mahanap ko lang siya, isinusumpa ko igaganti kita."
"Si Anton ang may hawak ng baril nang gabing 'yon. Naaalala ko, binaril niya ako." Hinawakan ko ang bandang tyan at dibdib ko. Dalawang bala ang tumagos sa katawan ko noon.
"Hindi," ipinilig niya ang ulo niya. "Nakita nina Tito at Tita ang katawan mo." Hinawakan niya ang noo niya at nag-lakad pabalik balik sa harap ko. "Dalawang bala pero sa magkaibang direksyon nagmula. Galing ang bala sa harap, at ang isa naman ay galing sa likod. Magkaiba ang balang tumama sa'yo. Hindi lang siya ang bumaril sa'yo, Ate Yn."
"Nasa harap ko si Anton noon."
Tumango siya. "Galing sa baril niya ang isang bala na tumama sa iyo."
Inisip kong mabuti ang nangyari. Wala akong maalala bukod sa pagtama ng bala sa sa katawan ko. Wala na akong maalala.
"Ang isang bala ay tumama sa dibdib mo, galing ang bala sa likod," humihinga nang mabilis na sabi niya. "Sino ang taong 'yon?" Humarap siya sa akin. "Sino pa bukod kay Anton ang kasama mo noong gabing 'yon?"
"Wala."
"Isipin mong mabuti."
Ayokong isipin. Kapag inisip ko, makikita ko siya. At kapag nakita ko siya ay masisira ulit ang system ko.
Lub.Dub.
Ano 'to? Bakit may tunog akong naririnig sa katawan ko? Nasisira na ba ako ulit?
Lub.Dub.
"Noah," sambit ko.
"Si Noah Alonzo. Ayon sa police reports, nandoon nga siya noong gabing iyon. Kailangan natin siyang makausap," mabilis na sabi ni Andrew. Lumabas siya agad ng kwarto ko.
Napaupo ako sa kama. Noah.
Lub.Dub.
Noah.
***
Tumigil ang van na minamaneho ni Andrew sa tapat ng dating school ko. Tinitigan niya ang entrance ng Agatha College.
"Ang balita ko, nagtuturo na bilang professor dito si Noah Alonzo," kwento niya. "Kung papasok ako bilang estudyante dito, mababantayan ko siya. At habang binabantayan ko siya, pwede mong halughugin ang buong bahay niya. Maghanap ka ng ebidensya, Ate Yn. Sigurado ako na may natitira pa sa bahay niya. Hindi pa siya lumilipat ayon sa record na nakuha ko."
"Sa tingin ko, hindi siya ang pumatay sa akin."
Ibinalik niya ang tingin sa akin. "Paano mo nasiguro na hindi siya?"
Hindi ako sumagot.
"Kahit na ano'ng clue. Kahit na araw-araw mong halughugin ang bahay niya. Tsk. Kailangan parin natin na masigurado."
Tahimik akong nakinig sa plano niya. Kung makikita ko si Noah, masisira ang system ko. Kung pupunta ako sa bahay niya para maghanap ng kahit ano'ng ebidensya na ipinapahanap sa akin ni Andrew, magiging ayos lang ako.
"Hindi ako papayag na walang managot sa nangyari sa'yo. Kailangan nilang magbayad," sabi niya.
"Naiintidihan ko. Ako ang bahala sa bahay niya."
"Pumapayag ka na?"
Tumango ako. "Walang problema."
Basta hindi ko siya makita, walang magiging problema. Ngumiti si Andrew pero mabilis din na nawala. Hinawakan niya ang ulo niya.
"Mukhang kailangan ko na ulit ayusin ang kulay ng buhok ko."
BINABASA MO ANG
Project: Yngrid
Science FictionWhat would you do if you wake up one day and find yourself in a different body? [Completed]