Chapter Eight

139K 5.7K 1.3K
                                    

Will be switching to third person from now on. XD

Chapter Eight


Hinintay ni Yngrid na mabakante ang bahay na papasukin niya. Pinakinggan niya ang paglabas ng lalaki mula sa loob ng bahay nito. Nasa bubong siya ng katabing bahay nito at tahimik na nakikinig sa kilos ng binata. Tumunog ang makina ng kotse ng lalaki at ilan pang minuto ay umaandar na ito palabas ng subdivision.

Bumaba mula sa bubong ng may dalawang palapag na bahay si Yngrid. Mabilis siyang tumalon muli sa mataas na gate at bumagsak sa loob ng bakuran ng bahay ni Noah Alonzo.

Malaki ang bahay ng mga Alonzo, mukhang napakaluma ng istraktura nito. Umaabot ito hanggang sa ikatlong palapag at yari sa bato. Isa ito sa mga pinakamalaking bahay sa subdivision.

Naglakad si Yngrid palapit sa pintuan ng bahay.

'Pinsan, mahalaga na hindi malaman ni Noah ang pagpasok mo sa bahay niya. Hindi natin alam kung ano'ng klase ng tao 'yon. Baka bigla siyang maalarma at lumipat," bilin ng pinsan niya sa kanya bago may iabot sa kanyang bagay. "Heto, isa ito sa mga imbensyon ko. Nabubuksan nito kahit na ano pa'ng klase ng lock sa bahay.'

Tinignan niya ang ibinigay ni Andrew sa kanya. Isa iyong ballpen. Itutok lang daw niya ito sa keyhole at pindutin ang dulo. Nang gawin niya 'yon ay parang mahika na bumukas nga ang pintuan. Maingat siyang pumasok sa loob ng bahay at isinara ang pinto.

'Pangalawa, sa oras na makapasok ka na sa loob, una mo'ng puntahan ang kwarto ni Noah. Sa lamesa niya, sa ilalim ng kama o sa itaas ng tukador. Sigurado na may nakatago roon. Kung wala ka parin na makita, sa attic siguro o sa mga libro sa bookshelf niya, subukan mo rin doon.'

Umakyat si Yngrid sa hagdan. Tinignan niya ang bawat silid sa bahay nito.

'Mukhang malaki ang bahay nina Alonzo. Kaya kung paano mo masisigurado na kwarto nga niya ang mapapasok mo, simple lang. Kung saan meron magazine ng mga nakahubad na babae sa ilalim ng kama, sa kanya iyon,' siguradong sigurado na sabi sa kanya ng pinsan niya kagabi.

Naghanap si Yngrid sa ilalim ng kama ng mga silid sa bahay pero wala naman siyang makita na katulad ng sinasabi ni Andrew sa kanya.

'Kung mali man ako, hwag mo nalang pansinin ang sinabi ko. Kalimutan mo nalang 'yon pinsan. Yung ebidensya nalang ang hanapin mo.'

Muling inisa-isa ni Yngrid ang mga kwarto. Ikatlong kwarto sa ikatlong palapag, naka-lock iyon. Muli niyang inilabas ang imbensyon ni Andrew na susi at ginamit para buksan ang silid.

Kung nabubuhay ang totoong Yngrid ay marahil nakaramdam ito ng pagkamangha sa dami ng libro na tumambad sa kanya. Umaabot ang bookshelves mula kisame hanggang sahig. Nakadikit ang mga iyon sa pader mismo. Tanging isang bintana lang ang nag-hihiwalay sa bookshelves.

Sa kaliwa ay may maayos na kama. Kulay puti ito at may kalakihan. Sa lamesa sa gilid nito ay may baso ng tubig na walang laman.

Ito ang kwarto ni Noah Alonzo.

Iginala pa niya ang kanyang mga mata bago siya nag-umpisa na maghalungkat ng mga gamit.

'May limang oras ka lang para mag-hanap sa bahay niya. Pero pinsan kung wala kang mahanap bumalik ka nalang ulit kapag umalis siya.'

Matulin na lumipas ang limang oras na 'yon pero wala parin siyang makita. Napakalinis ng kwarto ng lalaki. Walang kahit ano sa ilalim ng kama nito, wala rin sa itaas ng cabinet. Maging ang mga libro nito ay walang nakasingit na kahit ano'ng dokumento. Siguradong madidismaya si Andrew.

Mula sa pinakataas na shelf ay tumalon siya pababa. Muli niyang pinagmasdan ang buong kwarto. Ibinalik niya sa orihinal na ayos ang mga gamit sa silid matapos niyang maghanap ng mga bagay na kailangan ni Andrew.

Narinig ni Yngrid ang paparating na sasakyan sa bahay. Nakabalik na si Noah mula sa paaralan. Kailangan niya nang umalis. Napaaga ang pagdating nito, may ilang minuto pa siya dapat.

Lumabas siya ng kwarto at muling ini-lock ang pinto. Tumakbo siya papunta sa veranda na nasa ikatlong palapag. Mula roon ay tumalon siya palipat sa bubong ng kapitbahay ni Noah.

Tumakbo na ulit sya pabalik sa bahay nila.

***

"Ang malas!" sambit ni Andrew nang marinig ang balita mula kay Yngrid. Sumalampak ito ng upo sa sofa sa sala. Niluluwagan nito ang butones ng suot na uniporme ng eskwelahan. "Malamang sinunog na niya ang mga ebidensya. Kahit baril wala kang nakita?"

"Wala." Nakaupo si Yngrid sa kabilang sofa. Wala parin emosyon ang mukha niya.

"Masyadong malinis ang record niya. Kahit sa school mataas ang tingin sa kanya ng mga estudyante. Pati na rin ang mga nasa Faculty. Ang mga ganoong klase ng tao, may itinatago. Hindi pwedeng wala," pahayag ni Andrew.

"Andrew." Dumating ang Mama ni Yngrid na may dala-dalang tray ng meryenda. "Kumusta ang school? Kaya mo pa ba?"

"Tita naman," sambit ni Andrew saka nilantakan ang mga pagkain na dinala sa kanya.

"Natutuwa lang ako dahil interesado ka nang ipagpatuloy ang kolehiyo. Gumaan ang pakiramdam ko dahil mukhang magkakaroon ka na ulit ng normal na buhay. Hindi ko mapigilan na isipin na kasalanan namin ng Tito mo kung bakit ka tumigil. Sobra ang itinulong mo sa amin makasama lang ulit namin si Yngrid." Hinaplos na babae ang buhok ni Yngrid. "Siya nga pala, anak, saan ka pumunta kanina? Wala ka sa kwarto mo nang pumasok ako."

"Namasyal po ako," sagot ni Yngrid. Si Andrew ang nagsabi nitong isagot sa ina kapag nagtanong.

"Ganon ba? Pero mag-iingat ka, hwag mo'ng hayaan na may makakita sa'yo. Okay?"

Tumango si Yngrid. Tumayo naman mula sa pagkaka-upo si Andrew. Naubos na nito ang mga cupcakes sa tray.

"Ah Tita, matutulog nalang po muna ako sa kwarto ko. Medyo napagod po yata ako. Hindi ako sanay na makipag-usap sa maraming tao sa school."

"Ah, sige Andrew. Magpahinga ka na muna." Tumayo ang babae at kinuha ang tray upang ibalik sa kusina.

"Pinsan," tawag ni Andrew kay Yngrid nang mapag-solo sila. "Tara sa itaas."

***

Umupo si Andrew sa harap ng computer nito at si Yngrid naman ay umupo sa kama. Pinaupo siya roon kahit hindi naman niya kailangan. Mukha raw siyang mannequin kapag nakatayo.

"Bukas, bumalik ka ulit. Naisip ko lang, baka hindi sa kwarto niya nakatago ang baril. Baka may secret vault siya. Subukan mo'ng tignan ang likod ng mga picture frames na nakasabit sa pader."

"Sige."

Humikab si Andrew at nag-inat.

"Napagod talaga ako kanina sa school kahit na wala naman ako'ng ibang ginawa roon kung hindi ang bantayan ang teacher na 'yon. Kinailangan ko rin magtanong sa mga estudyante tungkol sa taong 'yon. Nakakapagod makipag-usap."

Tumayo si Yngrid.

"Lalabas na ako ng kwarto. Magpahinga ka na."

Tumango si Andrew at nilapitan siya. Ipinatong nito ang dalawang kamay sa magkabilang balikat ni Yngrid.

"Hwag kang mag-alala pinsan. Makikita rin natin ang hinahanap natin."

Tumango si Yngrid. Tinitigan siya ni Andrew nang naka-kunot ang noo.

"Ah, pinsan." Hinawi ng binata ang buhok ni Yngrid. "Alam mo ba kung saan mo nahulog ang isa mo'ng tenga? Nawawala eh."

Project: YngridTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon