KABANATA 6

657 25 0
                                    

KABANATA 6: SIKRETO NG BARYO KILABOT





"Lolo Berting, ikaw lang po ba ang nakatira dito sa Baryo Kilabot?" tanong ni Ozi at napahinto si Lolo Berting sa kanyang pagkain. "Wala kasi akong makitang tao rito e, maliban lang sa 'yo at sa mga kaibigan ko."

Kasalukuyan silang kumakain sa lapag at ni isa walang nagsasalita kaya si Ozi na ang bumasag sa katahimikan at naisipang tanungin si Lolo Berting tungkol sa lugar na ito at kung anong mayro'n sa Villa Sementeryos. Gusto na rin kasi ni Ozi na masagot ang kanyang mga katanungan para makuntento niya ang kanyang kuryusidad.

"Marami kami rito pero ang karamihan, nagtatago, lalo na ang mga magagandang babae," matipid na sagot ni Lolo Berting na nagpalalim pa sa kuryusidad ni Ozi.

"Nagtatago? Bakit po?" ngayon ay si Yec na ang nagtanong.

"Maraming taon na ang nakalilipas, noong maganda at masigla pa ang baryo na ito, may isang dayong babae, nagngangalan siyang Lucresia, napakaganda ng babaeng ito at maraming nagkakagusto sa kanya, at dahil dito ay maraming babaeng gusto siyang sirain at marami ring lalaking gusto siyang pagsamantalahan," huminto muna ng ilang saglit si Lolo Berting para uminom ng tubig.

"Tapos? Ano pong nangyari sa kanya?" sabik na tanong ni Asi, marahil ay sabik na sabik na siyang malaman kung anong nangyari kay Lucresia.

"Dahil kay Lucresia, nawala ang atensyon ng mga kalalakihan sa dating pinakamagandang babae sa lugar na ito, si Merlyn. Nagalit si Merlyn at nagsagawa siya ng plano para sirain si Lucresia. Inutusan ni Merlyn ang kapatid niyang si Joselito na halayin si Lucresia. Dinala ni Joselito si Lucresia sa Villa Cuanco na ngayo'y Villa Sementeryos. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay napatay ni Joselito si Lucresia... pero walang nakaaalam no'n," pagputol ni Lolo Berting sa pagkukwento at tumingin siya sa kawalan saka isa-isa niyang tiningnan ang mukha ng mga nakikinig sa kanya.

"Ano po ang naging reaksyon ng mga tao? Nabigyan po ba ng hustisya ang pagkamatay ni Lucresia?" tanong ni Fritz habang mariin na nakatingin kay Lolo Berting at binabantayan ang bawat salitang lalabas sa bibig nito.

"Nagluksa ang buong baryo dahil ang alam nila ay nagpakamatay si Lucresia. Natagpuan kasi si Lucresia sa tuktok ng Villa Cuanco, nakapilipit sa kanyang leeg ang makapal at matigas na lubid," napabuntong-hininga ang matanda. "Sa araw na iyon ay walang nakakita kung sino ang huling kasama ni Lucresia at kung mayro'n man, binayaran na iyon o 'di kaya ay iniligpit na. Akala ng lahat na nanahimik na si Lucresia ngunit isang araw, nagbalik siya at pinagbayad niya ang magkapatid na si Joselito at Merlyn. Namatay ang mga ito. Nang mamatay ang dalawa ay pansamantalang naging mapayapa ang lugar na ito ngunit makalipas ang ilang buwan ay may nawala, isang magandang babae. Akala ng lahat ay naglayas ang babae subalit sa sumunod na labintatlong araw ay may nawala muli, magandang babae pa rin, hanggang sa sumunod muli na labintatlong araw ay may nawala hanggang sa nagsunud-sunod na ang pagkawala ng mga magagandang babae."

"Ibig sabihin po ba na tuwing sasapit ang ikalabintatlong araw pagkatapos may nawawalang babae ay may kukunin muli? Si Lucresia po ba ang gumagawa nito?" tanong ni Asi.

"Sakto," sagot ni Lolo Berting.

"Lolo Berting, hanggang ngayon po ba may nawawala pa ring magagandang babae?" tanong ni Fritz at ilang sandali pa'y tumango si Lolo Berting.

"Oh My God!" halos sabay na reaksyon nila Asi at Fritz, halata sa kanilang mukha ang pagkagulat dahil sa kanilang nalaman.

"Huwag kang mag-alala, kambal, 'di ka naman maganda," sarkastikong sabi ni Ozi sa kapatid na ikinagalit nito.

"E kung batukan kita riyan?" pagbabanta nito sa kapatid at saka inirapan.

"Kailan po 'yong panlabintatlong araw simula no'ng nawala po 'yong huling magandang babae?" tanong ni Yec.

"Ngayon," matipid na sagot ni Lolo Berting na nagdulot ng kaba sa puso nila Fritz at Asi. "Pero 'wag kayong kakabahan dahil babantayan ko kayo," dagdag pa ng matanda.

"Baka kwentong kutsero 'yang pinagsasasabi n'yo, 'Lo ha? Marami kasi akong naririnig na kaparehas din ng kwento n'yo dito sa probinsya," paglahad ni Ozi sa kanyang opinyon.

Agad naman siyang pinandilatan ni Fritz dahil sa hindi niya paggalang sa matanda.

"Hindi ko naman kayo pinipilit na maniwala sa akin, kung sa bagay, hindi ko naman kayo masisisi dahil makabago na ang henerasyon n'yo ngayon," mahinahong sagot ni Lolo Berting.

"Pero... 'Lo, alam n'yo po ba kung saan ang posibleng lugar na pinagdadalhan sa mga babae?" tanong ni Yec.

"Maraming kumakalat na balita na sa loob ng Villa Sementeryos dinadala ang mga babae, kung saan doon din siya pinatay," sagot nito.

"Villa Sementeryos?" kanina pa pamilyar si Fritz sa lugar na iyan ngunit hindi niya matandaan kung saan niya nakita o narinig iyon.

"Bakit, Fritz? Anong probema?" tanong ni Yec.

"Tama!" medyo malakas na turan ni Fritz. "Nanaginip ako at sa panaginip ko ay nakapasok ako sa loob ng Baryo Kilabot: Villa Sementeryos, hindi ko alam kung bakit 'yon ang panaginip ko pero may masama akong pakiramdam," paliwanag nito at pagkatapos ay tiningnan niya isa-isa ang mukha ng kanyang mga kaibigan at ng kapatid niya. Nakatitig ang mga ito sa kanya at bakas sa mga mukha nito na hindi sila makapaniwala.

Nang tingnan naman ni Fritz si Lolo Berting ay nakatingin ito sa malayo at malalim ang iniisip.

"A-ano po ba ang ibig sabihin nito, 'Lo?" tanong ni Fritz marahil ay natatakot na siya, hindi naman ito pwedeng ipagkaila dahil nanginginig ang kanyang buong katawan.

"May nakalimutan akong sabihin sa inyo, mayroon akong anak, babae, maganda pero nawala rin siya kagaya ng iba pang mga magagandang babae, at noong araw bago siya nawala ay sinabi niya sa akin na nagkaroon siya ng isang masamang panaginip. Ayon sa kanyang panaginip, ikinulong daw siya sa isang madilim at masikip na kwarto ngunit nakatakas daw siya subalit napunta lang siya sa loob ng Villa Sementeryos. Madilim doon, masikip at maraming nakakalat na nitso, mayroon pa nga daw kamay na humawak sa kanyang paa."

Natigilan si Fritz nang marinig ang kwento ni Lolo Berting tungkol sa kanyang anak at napagtantong lahat ng mga sinabi ng matanda ay napanaginipan din niya. Napahawak siya sa braso ni Yec na katabi niya lang. Nanlaki ang kanyang mga mata at napalunok siya.

"Ganyang-ganyan din po ang panaginip ko, 'Lo," pagbunyag ni Fritz na siyang ikinatakot ng lahat.

"Kung gano'n, kailangan na nating umalis dito!" sigaw ni Ozi.

"Kumalma lang kayo, mas delikado kung aalis kayo ngayong gabi."

Doon sa Baryo KilabotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon