KABANATA 3: ITIM NA PUSA
Halos walang kibo si Fritz ilang minuto matapos ang ibinunyag ng kapatid niya. Nagbibiyahe pa rin sila, gusto na ngang i-fast forward ni Fritz ang oras para makahinga na siya nang maluwag pero tila mas lalo pang binabagalan ni Yec ang pagmamaneho ng kanyang sasakyan. Hindi naman siya makaangal dahil ni tumingin dito ay hindi niya magawa.
Tinanong niya ang kanyang sarili, "Paano nangyaring nalaman ni Ozi na may gusto siya kay Yec? Halata ba?" Napasabunot na lang siya sa kanyang sarili.
Magkatabi sila ngayon ng kanyang lalaking gusto, wala silang kibuan dalawa. Tila naiilang sa isa't isa.
"Talaga? Favorite mo ang W?" narinig ni Fritz ang tanong ni Asi kay Ozi dahilan para mapalulon mata siya.
"Oo," narinig niyang sumagot ang kapatid. "Bakit?" dagdag na tanong nito. Napabuntong-hininga na lang ang dalaga, tila ba naririndi sa usapan ng dalawa.
"Favorite ko rin kasi 'yon!"
"Talaga ba? Paboribo mo rin pala ang W?"
Napapapikit na lang si Fritz habang pinakikinggan ang usapan ng dalawa, buti pa sila nagkakasundo habang siya ni hindi masagot-sagot ang tanong ni Yec kanina.
"Ano ba kasing nakain ng kapatid kong ito? Ba't niya sinabi 'yon?" tanong ni Fritz sa kanyang sarili. Baka hindi na niya kayanin ang kahihiyan niya't baka tumalon siya sa bintana ng kotse ni Yec.
"Oh My God! Ihinto mo 'yong kotse!" sigaw ni Fritz matapos makakita ng itim na pusa na tumatawid sa kalsada. Nanlaki ang kanyang mga mata.
Agad namang inihinto ni Yec ang sasakyan kahit na hindi niya alam ang rason kung bakit niya gagawin iyon. Sinunod niya lang ang sinabi ni Fritz.
"Anong nangyari, Fritz?" nag-aalalang tanong ni Asi.
Imbes na sagutin ni Fritz ang tanong ng kaibigan ay dali-dali siyang bumaba sa kotse, sumilip siya sa ilalim para tingnan ang pusang itim na muntik nang masagasaan ni Yec.
Animal lover si Fritz kaya hindi siya patutulugin ng kanyang konsensya kung may mangyari man sa itim na pusang iyon.
"Ano ba kasi ang hinahanap mo?" tanong ni Ozi sabay kamot ng kanyang kulay abong buhok.
Walang may alam kung anong nangyayari kay Fritz, hindi kasi nito sinasagot ang tanong ng mga kaibigan niya't kapatid.
"Iyong pusa, may nakita akong kulay itim na pusang tumatawid," saad nito at saka muli na namang hinanap ang pusang itim sa ilalim ng sasakyan ngunit sa kasamaang palad ay ni anino nito hindi niya makita.
"Sigurado ka ba?" tanong ni Yec na ang mukha ay puno ng pagtataka. "Wala naman akong nakitang pusa e," dagdag pa nito.
"Hindi, may nakita talaga akong pusa," pagpupumilit ni Fritz.
"Alam mo, baka namamalikmata ka lang, halika na, Fritz, gabi na o at saka nakakatakot dito," turan ni Asi sabay haplos ng kanyang braso, marahil sa naninindig na ang kanyang mga balahibo sulot ng malamig na simoy ng hangin.
"Mabuti pa nga, halika na, Fritz, at kung may pusa man, sigurado akong ligtas iyon at nakatakbo na 'yon sa kung saan," pagpapakalma ni Yec sa kaibigan dahil napapansin na rin niyang parang ang lakas ng impak ng pusa na iyon kay Fritz at talagang mag-aalala ito kapag may nangyari sa pusang iyon.
Ilang sandali pa'y bumalik na rin sa kotse ang dalaga. Napansin naman kaagad ni Fritz na tuluyan na palang kumalat ang dilim sa buong paligid at naging dahilan iyon upang magsitayuan ang kanyang balahibo. Hindi alam ni Fritz kung dahil ba iyon sa lamig na ibinubuga ng aricon ng sasakyan o sadyang kinikilabutan lang talaga siya.
Ang ipinagtataka pa ng dalaga, kung bakit sa sobrang lamig ay pinagpapawisan ang kanyang noo at ang kanyang buong katawan.
Hindi napansin ni Fritz na gabi na pala. Agad niyang tiningnan ang kanyang relo, pasado alas-siyete na.
"Ang bilis ng oras," anito sa kanyang sarili.
Aalis na sana sila, ilang ulit na pinaandar ni Yec ang sasakyan ngunit ayaw nitong umandar.
"Anong problema, Yec?" tanong ni Asi.
"Ayaw umandar ng sasakyan e," sagot naman nito na ikinagulat ng lahat.
"Ano!?" halos sabay-sabay nilang tanong.
Nagkatinginan silang apat na para bang nakikipagramdaman sa bawat isa.
"Nararamdaman n'yo rin ba 'tong nararamdaman ko?" tanong ni Fritz dahilan upang magsilakihan ang mga mata ng kanyang mga kaibigan.
"Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Ozi sa kanyang kakambal ngunit hindi siya sinagot nito, bagkus, tiningnan lang siya nito ng masama. "Huwag ka ngang manakot!" sigaw ng binata sa kapatid.
"Nagsitayuan din ang balahibo ko e. Hindi ko rin maintindihan 'tong nararamdaman ko," pagpapaliwanag ni Asi. Ito rin ang nararamdaman ni Fritz at alam niyang ganito rin ang nararamdaman nila Ozi at Yec.
"Baka nararamdaman mong mahal mo na ako," singit ni Ozi sabay kindat kay Asi.
"Tumigil ka nga!" sabi naman ni Asi sabay hampas sa braso ni Ozi at palihim na pagngiti na para bang kinikilig. "Hindi ako nagbibiro!" anito sabay tingin nang masama kay Ozi per hindi pa rin nito maikubli ang pamumula sa kanyang mga pisngi..
Ilang ulit pang sinubukan ni Yec ang pagpapaandar ng sasakyan ngunit hindi talaga ito umaandar.
"Subukan mo lang nang subukan, Yec," suhestiyon ni Fritz.
"Sa tingin mo, ano kayang sira nitong sasakyan?" tanong naman ni Asi.
"Palagay ko 'yong makina," sagot naman kaagad si Yec at makailang ulit na muling sinubukang paandarin ang naturang sasakyan pero wala, hindi talaga ito umaandar.
"Pina-check mo sana 'yan kanina," turan ni Ozi na may halong pagkairita ang boses. Narinig naman ito ni Yec subalit imbes na magalit ay pinalampas na lang niya ito dahil hindi ito makatutulong kung papatulan pa niya ito.
"Tumahimik ka nga! Hindi ka nakatutulong e," saway naman ni Fritz sa kapatid.
"Bakit ba?" angal naman nito.
"E 'di ikaw sana ang nagpaayos nito kanina," pilosopang sagot naman ni Fritz.
"Tama na! Hindi nakatutulong 'yang pag-aaway n'yong dalawa!" bulyaw sa kanila ni Asi na halatang mainit na ang ulo. Indekasyon na galit si Asi kapag binulyawan ka nito, maski naman siguro ibang tao magagalit din kung may mag-aaway sa gitna ng seryosong sitwasyon.
"Immature," bulong ni Fritz ngunit alam niyang narinig iyon ng kapatid.
Bumaba na si Yec at sinuri na nito ang makina. Lalabas na sana si Fritz nang biglang may naramdaman siyang humawak sa kanyang kamay. Napalingon siya sa kanyang likod ngunit tanging si Ozi lang ang kanyang nakita na nakalupasay sa malambot na upuan, ni hindi man lang ito bumaba at tumulong.
Binalewala na lang ni Fritz ang kanyang kakaibang naranasan at tuluyan na siyang bumaba sa sasakyan. Bigla na lang kumatay ang takot sa kanyang buong katawan.
Eksaktong pagbaba niya ng sasakyan ay agad siyang napasigaw sa kanyang nakita. Itim na pusang duguan at warak-warak ang katawan at wala ng laman-loob ang bumugad sa kanya.
Napatakip siya sa kanyang bibig, kasabay nito ang mabilis na pintig ng kanyang puso na indekasyon na kinakabahan ito.
"Oh My God! Tulong!" tanging palahaw ni Fritz at kasabay nito ang pagkawala ng lakas ng kanyang katawan.
Unti-unting natumba ang dalaga at ilang saglit lang ay biglang nagdilim ang kanyang paningin at hindi na niya alam ang sumunod na mga nangyari.
BINABASA MO ANG
Doon sa Baryo Kilabot
رعبNote: This story is my winning entry for Back to Back Writing Contest by @RepublikangManunulat #FirstPlace Apat na magkakaibigan na mahilig sa paglalakbay-kagaya ng pag-akyat sa matataas na bundok, pagpunta sa iba't ibang lugar, pagdayo sa mga bary...