KABANATA 5: PANGUNGULILA NG KAMBAL
"Halika na, umalis na tayo, Ozi," saad ni Fritz habang nakahawak sa braso ng kakambal.
"Teka nga, Fritz, ano bang nangyayari sa 'yo? Hindi ba pwedeng ipagpabukas na lang natin ang paglisan sa lugar na ito?" naguguluhang tanong ni Ozi, "At saka hindi pa nakababalik sila Yec at Asi," umalis kasi ang dalawa para maghanap ng signal at nang sa gano'n ay makatawag sa kani-kanilang pamilya, "Hindi tayo pwedeng umalis dito hangga't wala pa sila."
Dala-dala ni Fritz ang kanyang travel bag na naglalaman ng lahat ng kanyang gamit. Handang-handa na nitong lisanin ang naturang lugar. Nasa harap na ng pinto si Fritz at hinihintay na lang nito ang kanyang kakambal na sumama sa kanya.
"Ozi? Fritz?" tawag sa kanila ni Asi, nakabalik na ito kasama si Yec, pawang naguguluhan ang mga ito. Hawak-hawak ng dalawa ang kani-kanilang mga cell phones.
"Saan kayo pupunta? Ba't dala mo ang gamit mo Fritz?" tanong ni Yec.
"Kailangan na nating umalis di—" hindi na natapos ni Fritz ang kanyang sasabihin nang may magsalita sa kanilang likod.
"Gising na pala ang kasama ninyo," napatingin silang lahat sa likod at nakita nila ang matandang uugud-ugod na puno ng pinaghalong kulay puti at itim na balbas ang mukha, kulubut-kulubot na rin ang balat nito, nasa syetenta anyos ang gulang. "Kung aalis kayo ngayon, siguradong maaabutan kayo ng dilim sa daan, at alam n'yo bang delikado sa lugar na ito? Kung aalis kayo, madaraanan ninyo ang Villa Sementeryos at hindi ninyo magugustuhan ang mangyayari sa inyo kapag dumaan kayo doon," tila nagbabanta ang tono sa pananalita ng matanda.
Hindi nakasagot ang magkakaibigan.
"Mas mabuti pang tumuloy na muna kayo sa kubo at bukas na lang kayo umalis," suhestiyon ng matanda. Matapos sabihin iyon ay agad na tumalikod ang matanda at pumasok na ito sa kubo, naiwan ang apat na magkakaibigan na nakatulala at hindi makapagsalita.
"Ano na? Umalis ka na, Fritz. Dito na lang muna ako, sasabay na lang ako kina Yec at Asi. Babay kambal ko, mahal na mahal kita, see you!" pagbirong turan ni Ozi habang tinutulak-tulak pa nito ang kapatid na wari bang tinataboy na niya ito. Nakangisi ang lalaki habang pinagtitripan ang kakambal.
Hindi kumilos si Fritz at nanatili itong nakatayo sa kanyang inaapakang lupa. Nakabusangot ito at tila nagdadalawang isip kung tutuloy ba siya o hindi.
"Akala ko ba aalis ka na?" sarkastikong tanong muli ni Ozi habang nagpipigil sa pagtawa. "Bilis-bilisan mo pala ang paghakbang mo at baka maabutan ka ng dilim," bilin pa nito.
Tiningnan ni Fritz ang dalawang kaibigang si Yec at Asi ngunit iniiwasan siya nitong tingnan na wari bang hindi siya nito pipigilan kung ano ang desisyon na gawin niya.
"Ano pa bang hinihintay mo, Fritz, pasko?" muli na namang banat ni Ozi ngunit dahil sa sinabi niya'y natigilan ang tatlo niyang kasama.
Nagsisisi ang binata kung bakit binanggit niya ang salitang pasko.
"Halika na, Yec, pumasok na tayo sa loob," seryosong pag-anyaya ni Asi sa kaibigan nitong si Yec. Tila naging seryoso din bigla ang mukha ni Asi, marahil naalala na naman niya ang pasko, dahil kapag naaalala niya ang naturang selebrasyon ay naaalala niya ang kanyang pamilya.
Unang pagkakataon ng apat na magkaibigan na magpapasko na hindi nila kasama ang kanilang mga magulang at mga kapatid kaya nalulungkot sila kapag naaalala nila ang kaganapang iyon.
Pumasok na sa kubo sila Yec at Asi, naiwang nakatayo sila Ozi at Fritz.
"Fritz, nami-miss ko na sila Mama at Papa," usal ni Ozi at saka humarap naman si Fritz sa kanya habang namumula ang mga mata nito.
"Nami-miss ko na rin sila," sagot naman ni Fritz sabay nguso na para bang bata. "Bakit ba kasi tayo nandito?" tanong nito sa kapatid, "Wala kasi akong maalala," dagdag pa nito.
"Nahimatay ka kasi bigla kahapon ng gabi, hindi umandar 'yong sasakyan ni Yec kaya hindi tayo makaalis, tapos ang masaklap, umulan pa kaya napagdesisyunan naming humanap ng matutuluyan at sakto namang nahanap namin ang kubong ito at nakilala namin si Lolo Berting, mabuti na lang at pinatuloy niya tayo dito e," mahabang pagpapaliwanag ni Ozi sa kapatid.
"Ah... gano'n ba?" tanging usal ni Fritz.
"Oo, gano'n 'yon at kung pagsusumahin lahat-lahat, kasalanan mo talaga kung bakit tayo nandito at kung bakit hindi natin makakasama sila Mama at Papa sa araw ng pasko," seryosong tugon ni Ozi sabay tingin nang masama sa kapatid.
Binalot ng kalungkutan ang mukha ni Fritz dahil sa sinabi ng kakambal, hindi na nito namalayan na may kaunting luhang tumulo sa kanyang mga mata.
Sinisisi ni Fritz ang kanyang sarili kung bakit nasa ganitong sitwasyon sila ngayon kahit na wala siyang matandaan.
"Oy, joke lang 'yon!" pagbawi ni Ozi sa kanyang sinabi. Tila dinibdib ng dalaga ang pagkukunwaring paninisi ni Ozi sa kanya.
Tiningnan ni Fritz nang masama si Ozi.
"Hindi, kasalanan ko talaga 'to, Ozi," sabi ni Fritz sabay langhap ng hangin.
"Sorry na. Joke lang 'yon, 'wag mong dibdibin," turan ni Ozi ngunit laking gulat niya nang umiyak na si Fritz. "Oy! 'Wag kang umiyak! Joke lang 'yon!" agad naman niyang pinatahan ang kapatid, niyakap pa niya ito para iparamdaman dito na sinsero siya sa paghingi ng tawad.
"Talaga? Joke lang 'yon?" tanong ni Fritz habang humihikbi.
"Oo, joke lang talaga 'yon kaya 'wag ka nang umiyak," sagot naman ni Ozi at ilang sandali pa'y unti-unti nang tumatahan ang kanyang kakambal.
BINABASA MO ANG
Doon sa Baryo Kilabot
HorrorNote: This story is my winning entry for Back to Back Writing Contest by @RepublikangManunulat #FirstPlace Apat na magkakaibigan na mahilig sa paglalakbay-kagaya ng pag-akyat sa matataas na bundok, pagpunta sa iba't ibang lugar, pagdayo sa mga bary...