KABANATA 9

609 24 0
                                    

KABANATA 9: DULOT NG MASIDHING PAGKAINGGIT





"Ito ba ang hinahanap n'yo?" tanong ni Merlyn kina Ozi at Asi habang sinasakal nito si Fritz na namimilipit sa sakit at hindi makapagsalita.

"Bitiwan mo siya!" sigaw ni Ozi ngunit tila bingi si Merlyn at hindi siya nito narinig.

"Pakawalan mo na si Fritz at iba pang mga babae!" turan ni Asi.

"Tumigil kayo!" sigaw ni Merlyn at saka mas hinigpitan pa nito ang pagkakasakal kay Fritz. Kitang-kita sa mga mata ni Fritz ang mga luhang nangingilid.

Susugurin na sana nila Ozi at Asi si Merlyn nang biglang naglaho ang kanilang mga sandata. Napahinto ang dalawa nang bigla na lang silang nawalan ng lakas. Tila nanlalambot ang kanilang mga buto. Napaupo na lang sila. Hindi sila makagalaw.

Kahit na gustong lumapit nila Ozi at Asi para iligtas si Fritz ay wala silang magagawa.

"Itigil mo na ito, Merlyn, pakiusap!" pakikiusap ni Lucresia kay Merlyn. "Pakawalan mo na sila, parang awa mo na!" dagdag pa nito.

"Wala kang karapatan para turuan ako sa aking mga ginagawa!" bulyaw ni Merlyn, ang mukha ng babae ay tugma sa ugali nito—pangit!

Napagtanto ni Asi na iba ang pagkakalarawan ni Lolo Berting sa kwento nito tungkol kay Merlyn. Ang sabi nito ay maganda ang babae ngunit tila kabaliktaran ang nakikita nila ngayon.

"Ano bang kailangan mo sa kanila, Merlyn?" tanong ni Lucresia.

"Kailangan ko sila para ako'y muling mabuhay at maging maganda sa balat ng lupa!" usal ni Merlyn. "Kung tutuusin, kasalanan mo kung bakit sila nandito dahil ikaw ang dahilan kung bakit ako namatay at naging pangit!" panunumbat nito.

"Hindi ko 'yon kasalanan, binalaan na kita noon, ang iyong ginagawa ay kusang babalik sa 'yo!" turan naman ni Lucresia.

Napatawa na lang si Merlyn ngunit agad itong huminto at mariin na tiningnan si Lucresia.

"Hindi! Kasalanan mo ang lahat ng ito!" galit na sigaw nito.

"Hanggang ngayon ba naman naiinggit ka pa rin sa akin? Hindi ka pa ba nakuntento sa pagpatay mo sa akin!?"

"Hindi ako kailanman makukuntento hangga't hindi ako nagiging maganda at mabuhay na parang isang tao!" galit na galit na sinugod ni Merlyn si Lucresia.

Naging kulay itim na usok si Merlyn dahilan upang mabitiwan nito si Fritz at bumagsak ang dalaga sa lupa.

Nagtungo naman ang itim na usok papunta kay Lucresia.

Hindi na namalayan ni Lucresia na sinasakal na pala siya ni Merlyn na ngayo'y nasa likod na niya. Sobrang bilis ng mga pangyayari.

"Dahil sa 'yo kung bakit ako nagkaganito! Dahil sa 'yo kung bakit ako naging pangit!" naninisi nito.

"H-hindi... ko 'yon... k-kasalanan.... i-ikaw... i-kaw..." nahihirapan wika ni Lucresia.

"Itigil mo na 'yan, Merlyn! Bitiwan mo si Lucresia!" natigilan ang lahat at napatingin sa likod.

Bumulaga sa kanila si Lolo Berting kasama si Yec na tila ba naliligo sa maitim na dugo. Dala-dala ng mga ito ang kanilang sandata na may bahid din ng mga maiitim na dugo. Mukhang nagtagumpay ang mga ito sa pakikipaglaban sa mga taong-lupa.

"Sino ka at bakit mo ako pinagsasabihan!?"

"Hindi mo na ba ako nakikilala, Merlyn? Ako ito... si Joselito, ang kapatid mo."

Napatigil si Ozi at Asi sa paggapang papunta sa kinaroroonan ni Fritz at napatingin sila kay Lolo Berting. Gulat na gulat ang mga ito dahil sa ibinunyag ng matanda.

Napatingin din ang ibang mga babaeng nakakulong kay Lolo Berting at tila gulat na gulat din ang mga ito.

Wala namang reaksyon ni Yec, marahil ay una na siyang sinabihan ng matanda.

"K-kuya...?" biglang nabasag ang boses ni Merlyn.

"Merlyn... wala kang ibang dapat sisihin sa lahat ng mga nangyari sa buhay mo kundi ang sarili mo... at ang tanging makakahilom ng sugat sa puso mo ay ang pagapapatawad mo sa sarili mo..." natigilan si Merlyn at hindi na nito napansin na may luha na palang tumutulo sa kanyang mga mata.

Ang galit sa puso ni Merlyn ay napalitan ng pagkasabik dahil nakita niya muli ang kanyang kapatid.

Tumigil din bigla si Merlyn sa pagkakasakal kay Lucresia.

"Alam kong galit na galit ka sa lahat ng tao sa buong mundo ngunit hindi mo dapat sila dinawit dahil wala silang kasalanan. Kung tutuusin kasalanan ko ito, dahil sumunod ako sa utos mo na patayin at halayin si Lucresia. Alam mo bang pinagsisisihan ko ang kasalanan na nagawa ko buong buhay ko? Alam mo ba na hanggang ngayon ay madalas hindi pa rin ako nakakatulog dahil binabangungot ako?" Hindi na napigilan ni Lolo Berting ang kanyang sarili na maging emosyonal at may likidong tumulo mula sa kanyang mga mata. Agad niya naman itong pinahiran.

"Kuya..." tanging naging tugon ni Merlyn at nilapitan ang kanyang kapatid at niyakap ito.

"Mahal na mahal kita, Merlyn."

"Mahal na mahal din kita, Kuya."

Mahigpit silang nagyakapan. Miss na miss nila ang isa't isa dahil matagal na panahon din silang nagkawalay.

"Patawarin mo ako, Kuya."

"Patawarin mo rin ako, Merlyn."

Tila ngayon ay mas malaki ang agwat ng edad nila Merlyn at Joselito dahil si Joselito lang ang pinaglipasan ng panahon samantalang si Merlyn ay nanatili sa edad nito bago siya mamatay.

Matapos magyakapan ng dalawa ay tiningnan nila si Lucresia.

"Hindi ko alam kung paano ako hihingi ng tawad sa 'yo, Lucresia. Alam kong walang kapatawaran ang ginawa kong paghalay at pagpatay sa 'yo, ngunit, patawad, patawarin mo ako," paghingi ng tawad ni Joselito kay Lucresia.

"Matagal na kitang pinatawad, Joselito, alam kong pinagsisisihan mo ang lahat ng mga ginawa mo," sagot naman ni Lucresia.

"Patawarin mo rin ako, Lucresia. Dahil sa inggit, nagkaganito ako. Hindi ko dapat inutusan si Kuya na gawin iyon, pinagsisisihan ko ang lahat ng mga ginawa ko, patawad," paghingi naman ng tawad ni Merlyn at saka napaiyak pa ito ulit.

"Pinapatawad na kita ngunit hindi ka lang dapat sa akin humingi ng tawad, pati rin sa kanila," saad ni Lucresia at tiningnan ang mga magagandang babae na nakakulong.

Tumingin doon si Merlyn.

"Patawarin n'yo ako," paghingi nito ng tawad sa mga babae, "Nadamay pa kayo dahil sa kasakiman ko, sana mapatawad n'yo ako," dagdag pa nito.

Tumango naman ang mga babae na nangangahulugang pinapatawad na nito si Merlyn at kasabay nito ang unti-unting pagkawala ng mga rehas na kumukulong sa mga ito.

"Paalam," sambit ni Merlyn at tiningnan ang kanyang kapatid. Bigla itong naglaho na parang isang bula. Nasilayan pa nila ang pagngiti ng dalaga bago ito naging abo.

Gayundin ang nangyari kay Lucresia at tuluyan na nga silang nawala.

Doon sa Baryo KilabotTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon