Chapter Four

36 1 0
                                    

CHAPTER FOUR

“Hoy, kaibigan!” untag ni Ella kay Gelai. “Natulala ka na riyan. Na-trauma ka ba sa nangyari sa iyo noong isang araw? Kailangan na ba kitang dalhin sa isang psychiatrist?”

Umalis siya mula sa pagkapangalumbaba. “Okay na okay ako,” matamlay na sabi niya.

“Okay daw. Eh, bakit mukhang nasunugan ka ng bahay riyan?” anito.

Pagkatapos ng trabaho niya sa araw na iyon ay nakipagkita ang kaibigan niyang si Ella sa kanya. Nasa isang restaurant sila ngayon. Nag-alala kasi ito sa nabalitaang nangyari sa kanya noong Sabado ng umaga. Classmates sila nito noong college dahil pareho ang kinuha nilang kurso. Naging magkatrabaho rin sila nito pero six months ago ay nag-resign ito. Hindi kasi nito passion ang magturo. Pagsusulat ang first love nito. Ngayon, romance ang genre ng isinusulat nito.

She was totally fine now. Ang kapatid niyang si Craig ang sumundo sa kanya sa ospital noong isang araw at naghatid sa kanya sa bahay niya. Isang taon ang nakakaraan ng makabili siya ng bahay. Hindi man iyon ganoong kalakihan, masaya naman siyang nakatira roon dahil ang pinambili niya roon ay mula talaga sa sarili niyang pinagsikapan.

College pa lang siya ay natuto na siyang maging independent sa mga magulang niya. Maykaya ang pamilya niya at kahit alam niyang kayang tustusan ng mga magulang niya ang lahat ng pangangailangan niya sa pag-aaral niya sa kolehiyo, kumuha siya ng scholarship at nag-parttime job pa siya noon bilang tagatao sa bookstore. Nakayanan niyang ipagsabay ang pagtatrabaho at pag-aaral niya. Nakapagtapos siya as cum laude. Masayang-masaya ang pamilya niya para sa kanya at lalo naman siya.

Nang makapasa siya ng board exam, agad siyang nag-apply at agad naman siyang natanggap sa paaralan na pagmamay-ari ng pamilya ni Ella. Walang kinalaman doon ang pagiging magkaibigan nilang dalawa ng anak ng may-ari ng eskwelahan dahil sariling pagsisikap niya ang kanyang ginamit para makapasok doon. She was hired as a Mathematics teacher totally without the help of her friend.

“Eh, kasi… ano… Kasi si ano…” Bumuntong-hininga siya.

“Kasi si…?”

Bumuntong-hininga uli siya. Nabigla naman siya nang batukan siya ni Ella.

“Aray naman, kaibigan!” reklamo niya rito. “Ba’t bigla-bigla ka na lang namamatok diyan?”

“Eh, kasi ikaw!”

“Kasi ako ano?”

Tinampal nito ang sarili nitong noo. “Tigilan na natin 'yang kasi-kasi thing na 'yan. Ano ba ang problema mo? I mean, sino ang pinoproblema mo?”

Napatingin siya rito. “Halata bang tao ang pinoproblema ko?”

“Hindi. Sa tingin ko hayop,” pamimilosopo nito.

Nangalumbaba uli siya. “Iyong gwapo ko kasing tagapagligtas na nagngangalang ‘Anthony,’ gusto ko siyang makita ulit.”

“Bakit?” nagtatakang tanong nito.

“Ewan.”

“May tama ka na, kaibigan.”

“Siguro. Ang gwapo naman kasi ng lalaking iyon. Ang bait pa sa 'kin. Grabey! Feeling ko, nami-miss ko na siya.” Lagi ngang naglalaro sa diwa niya ang mukha ni Anthony. Naging laman ito ng panaginip niya nitong dalawang gabing nagdaan. Talagang nagka-instant crush siya sa poging iyon. Kahit sa klase niya, banggitin lang niya ang pangalan ng estudyante niyang kapangalan nito, kinikilig na siya. Dati na siyang praning, pero parang lalo siyang naging praning simula noong magtagpo ang mga landas nila ni Anthony. Hindi naman siya ganoon noong mga panahong nakilala niya si Jeff. Ah, let’s not think about that jerk.

Basta! Iba ang nararamdaman niya pagdating kay Anthony. She was like taken to another world that was wonderful everytime she thought of him.

Napasinghap si Ella. “You mean, crush mo ang isang iyon?”

Kunot-noong tiningnan niya ito. “Hindi ba parang ang tanda ko na para sa bagay na iyon?”

“Twenty-eight ka pa lang naman. Pwede pa.” Bigla-bigla ay parang na-excite ito. Tumabi pa nga ito ng upo sa kanya, 'tapos, dumikit pa talaga sa kanya gayong okay naman ito sa pwesto nito kanina sa tapat niya. “Tell me. Tell me, kaibigan. I-describe mo siya sa 'kin.”

“Huwag na. Baka magka-crush ka rin doon, eh,” sabi niya.

Lumayo ito sa kanya. “Possessive, 'te?”

Bumuga siya ng hangin. “Gusto ko siyang makita ulit. Help me, kaibigan.”

Bumalik ito sa dating pwesto nito sa tapat niya. “Hiningi mo ba ang number niya?”

“Hindi. Siya ang nagbigay sa akin."

“O, ba’t 'di mo siya tawagan?”

“Nahihiya ako, eh.”

“Ngek!” Ella rolled her eyes. “He saved you, right? Ba’t 'di mo siya imbitahan sa bahay mo? Ipagluto mo ng masarap na dinner,” suhestiyon nito. “Then uminom kayo ng wine. Kapag medyo malalim na ang gabi, you start making a move. I mean, you se—”

Tinuktukan niya ito sa ulo ng libro niya sa Geometry. “'Kapilyuhan mo, Ella!” sita niya sa kaibigan.

Ngumisi lang ito.

“Hindi raw siya nagpapabayad ng utang-na-loob, eh,” aniya.

“Problema ba 'yon? Ang sabihin mo, pasasalamat mo sa kanya.”

Napangiti siya. May naisip siyang plano.

You Healed My Broken HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon