CHAPTER SEVEN
"Kaibigan, labas tayo bukas, ha?” ani Ella na nasa kabilang linya. “Hindi ka naman na masyadong busy, 'di ba? 'Tapos naman na ang Intramurals ng mga bata.”
Bumuntong-hininga si Gelai bago sumagot. “Pasensiya, kaibigan. Hindi ako makakasama sa iyo bukas. Aatupagin ko buong araw ang sideline ko, eh,” paliwanag niya.
“Sideline? Kailan ka pa kumuha ng sideline?” takang-takang tanong nito.
“Noong araw pa na huli tayong nag-usap,” sagot niya.
“That was two weeks ago.”
Yeah. And two weeks na rin na araw-araw siyang nagpupunta sa condo unit ni Anthony. Gabi kung magpunta siya roon dahil umuuwi pa siya sa bahay niya para magluto ng pagkain at dalhan ito. Kahit minsan lang kung maabutan niya ito sa bahay nito, alam niyang nakakain nito ang luto niya dahil kinabukasan ay nasa lababo pa ang pinagkainan nito. Tuwing Sabado ay buong araw siya roon dahil nagsisilbi iyong general cleaning day niya. At saka, gusto niyang makita ito nang mas matagal kaysa sa usual na kung naaabutan niya ito roon ay aalis agad ito kaya ilang minuto lang niyang nasisilayan ang gwapong mukha nito. Nakakalabas-pasok na siya sa condo nito dahil binigyan siya nito ng duplicate key.
Saglit lang kung makapag-usap sila nito kaya hindi niya ito natanong kung pumapasok pa ba ito ng opisina o hindi. Mukha kasing hindi. Wala siyang nakitang business suit o kahit iyong simpleng pang-opisinang damit man lang. Siya na rin kasi ang nagdadala ng mga maruruming damit nito sa laundry shop at kumukuha niyon kaya napansin niya iyon. Wala naman itong nasabi sa kanya nang makapagkuwentuhan sila nito—o kung kuwentuhan nga ba iyon dahil siya lang naman ang daldal nang daldal noon—noong araw na una siyang nagpunta sa condo nito.
Hindi siya tagalinis na lang ngayon. Tagaluto ng hapunan at tagadala na rin ng mga lalabhang mga damit nito sa laundry shop. Pero okay na okay lang iyon sa kanya. Nag-e-enjoy pa nga siya. Feeling nga niya, hindi siya kasambahay ni Anthony kundi isang butihing maybahay nito.
Ay, 'day! Patingin ka na. Pagkapraning mo, lumalala.
“Ikaw, kaibigan, ha. Ba’t hindi mo iyon na-chika sa 'kin?” may pagtatampo sa tinig na sabi ni Ella.
“Sorry.” Sumulyap siya sa wall clock ng opisina nila. “O, sige, sige, kaibigan. Pasensiya talaga. Mag-i-i-start na 'ko sa next class ko, eh. Promise, babawi ako sa 'yo,” sabi niya. Limang minuto na lang ang natitira para makapaghanda siya para sa kanyang susunod na klase.
“O, sige. Promise mo iyan, ha? 'Paalam, kaibigan.”
“'Bye!” pamamaalam niya bago pinutol ang linya.
Nami-miss na niya ang kaibigan niya, at nami-miss na rin niya si Anthony. Paano ba kasi, minsan lang niya ito maabutan, lalayas na agad ng bahay? Hindi kaya, iniiwasan siya nito?
Itong ganda kong ito, iiwasan niya? hindi niya napigilang sabihin sa isip.
Baka naman sa kakapalan ng mukha, kaya ka iniiwasan, anang mapang-asar na parte ng isip niya.
Napasimangot tuloy siya.
Mabilis siyang naghanda para sa susunod niyang klase. Four to five p.m. ang klase niyang iyon at pagkatapos ay pwede na siyang mag-out at umuwi. Na-excite naman siya na pagkaraan lang ng ilang oras ay pwede na uli niyang masilayan ang mukha ng sinisinta niya.
“Haay… Anthony, Anthony…” nasambit niya. Bakit parang ang sarap na sambitin paulit-ulit ang pangalan nito?
“You were saying, Miss Remolano?” kunot-noong tanong ng nag-iisa niyang kasama roon ngayon sa faculty room na si Bobby, co-teacher niya.
“Ah, wala, Sir,” sagot niya. Ibinalik na uli nito ang atensiyon sa chine-check nitong test papers ng mga estudyante nito. Siya naman ay lumabas na ng faculty room.
Mabilis lumipas ang oras para kay Gelai. Ngayon ay papunta na siya sa condo ni Anthony. Nahiling niya na sana ay maabutan niya ito roon. Pero labis ang naramdaman niyang panghihinayang nang wala siyang nakitang Anthony pagkapasok niya sa unit ng lalaki. Wala ito sa karaniwang pwesto nito tuwing naaabutan niya ito roon na nanonood ng telebisiyon.
Iniiwasan ka nga no’n, pang-aasar ng isip niya. Napasimangot tuloy ang puso niya.
Inihanda na lang muna niya ang dala niyang pagkain sa kusina, saka niya sinimulang linisin ang bahay nito. Nakakapanibago dahil ngayo’y hindi na masyadong magulo iyon. Ilang sandali lang ay engrossed na engrossed na siya sa paglilinis ng sala. Natigilan lamang siya nang maramdamang may nagmamasid sa kanya. Lumingon siya sa may likuran niya at ganoon na lang ang pagpitlag ng puso niya nang makita si Anthony.
Pero bakit ganoon? Napatakip agad ito ng mukha nito?
***
Please leave feedbacks. Thank you!
BINABASA MO ANG
You Healed My Broken Heart
Romance[Nag-iisip pa po ako ng ipo-post na teaser para dito. Please understand na minsan, nagkakabutas ang brain ko.V(^____^)V ] Written by PinoyAkari. 2014.