Chapter Eight

18 0 0
                                    

Hindi mabuti ang pakiramdam ni Anthony pagkagising niya kaninang tanghali. Hindi naman na siya uminom kagabi. Napag-isip-isip kasi niya na ang ginagawa niyang paglalasing ay hindi naman nakakatulong sa kalagayan niya at pwede pang sumira sa kanya. Naambunan lang siya kagabi nang pauwi na siya. Kaya siguro masakit ang ulo niya pagkagising. Napailing-iling siya. Bumagsak yata ang immunity niya dahil sa hindi niya pag-aalaga sa sarili niya nitong mga nakaraang buwan kaya agad siyang nadapuan ng sakit.

Bumangon siya sa kama niya para uminom ng tubig. Buong maghapong nagkulong lang siya sa kwarto niya. Mabigat kasi ang katawan niya at tinatamad siyang bumangon-bangon.

Pagkabukas niya sa pinto, medyo nabigla pa siya nang may marinig na tinig na pakanta-kanta. Lumingon siya sa kanan kung nasaan ang sala at nakita niya si Gelai na enjoy na enjoy sa paglilinis ng mga kalat niya. Kumunot ang noo niya. Ang saya-saya nitong tingnan sa ginagawa nito. Hindi ba ito pagod sa pagsisilbi sa kanya?

Kung hindi lang sa kakulitan nito, hindi talaga siya papayag na maging kasambahay niya ito. Hindi naman nito kailangang gawin iyon. Wala nga siyang pakialam kung sa susunod na magkita sila pagkatapos niyang iligtas ito ay hindi siya nito pansinin. Pero marunong itong tumanaw ng utang-na-loob.

Hindi niya napigilan ang sariling hangaan ang babaeng ito. Likas na madaldal ito kaya marami itong nakuwento sa kanya tungkol sa buhay nito noong una at huling pagkakataon na nakausap niya ito—iyon din iyong araw na naging kasambahay niya ito. Sa nakikita niya, masipag ito, napaka-thoughtful, masayahin, at may magandang kalooban. Kahit hindi na lang niya ito tagalinis ngayon, hindi siya nakarinig ng reklamo mula rito. Tuwing naabutan nga siya nito ay nginingitian pa siya nito nang matamis. Unusual sa mga taong tulad nito na pagod dahil sa trabaho buong maghapon at nagkasya pang maglinis ng magulong bahay ng iba.

Pinagmasdan muna niya ito ng ilang sandali. Ngayon lang niya napansin na sexy pala ito. Ang suot nitong pang-itaas ay shirt na hapit sa katawan nito, naka-skinny jeans rin ito at doll shoes. She had the right curves at the right places. He wondered kung ilang lalaki ba ang napalingon dito nang papunta ito sa condo niya.

Aaminin niya, nagagandahan siya rito. Maganda ang itim na itim at tuwid nitong buhok na hanggang kalahati ng likod nito. Maputi at makinis ang kutis nito. Naalala niya ang mga mata nitong kulay-tsokolate na kahit pangkaraniwan sa mga Pilipino ay parang iba pa rin iyon sa iba. Matangos ang ilong nito. Maumbok ang pisngi nitong natutukso siyang pisil-pisilin. May biloy ito sa magkabilang pisngi na litaw na litaw kapag nakangiti ito. Nagmumukha itong cute kapag ganoon. At ang mga labi nitong kasingpula ng bagong sibol na rosas sa umaga ay tila kaytamis hagkan.

Nangangarap ka, Anthony? tudyo ng tinig sa isip niya.

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Hindi siya nangangarap na mahalikan ito. Bakit naman niya gagawin iyon? Hinahangaan lang niya ang babae, hindi pa niya ito nagugustuhan. Iyong gusto na mismong puso niya ay involve. Pero wala namang masama na pangarapin nga niyang mahalikan ito, 'di ba?

Natampal niya ang sariling noo. Mukhang kailangan na talaga niyang uminom ng tubig. Pero hindi naman niya mabaling sa ibang direksiyon ang kanyang tingin. Nanatiling nakatuon iyon kay Gelai. Bakit ba kahit naglilinis lang ito ng bahay, ang sexy pa rin nitong tingnan? Hindi katulad ng ibang ordinaryong kasambahay. Bakit ba bawat paggalaw nito, tingin niya ay sine-seduce siya nito?

Ano ba ang nangyayari sa kanya? Mukhang hindi nga nito alam na naroon siya kaya paano niya nasabi na sine-seduce siya nito? Ewan, nababaliw na yata siya.

Bago pa niya mabawi ang tingin niya mula kay Gelai ay lumingon na ito sa gawi niya. Agad siyang napatakip ng mukha. Nahuli pa siya nitong nagmamasid dito. Mabuti na lang at hindi basta-basta nababasa ang isip, dahil kung oo, malalaman nito kung ano ang iniisip ng baliw na parte ng utak niya. Nakakahiya naman iyon.

You Healed My Broken HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon