CHAPTER 5

21 1 0
  • Dedicated kay Miranda Thrixie
                                    

KANINA pa tawa ng tawa ang mga batang kasama nilang nanunuod. Maging si Yue ay tawa rin ng tawa. Nangingibabaw ang tawa nito sa lahat. Kahit siya ay hindi napigilang matawa. Lalo na ng itali ng mga puppies ang babysitter ng mga ito na si Mrs. Niggles. Este puppysitter pala.

                Napansin niyang maya’t maya ang subo ni Yue. Unti-unti na ring inilalayo ng mga katabi nilang bata ang pagkain ng mga ito. Mukhang sanay na ang mga ito sa ugaling iyon ng binata. Siniko niya ito. Napa-aray ito.

                “Ang takaw mo. Magtira ka naman,”biro niya rito.

                Tiningnan nito ang mga pagkain at ang mga bata. Mayamaya ay tumawa ito ng malakas. “Sorry. Hindi ko napansin.”

                “Natapos ang palabas na hindi ka man lang tumigil sa kasusubo. Hindi na uli ako sasabay kumain sa'yo at baka magutom lang ako dahil naubos mo na lahat ng pagkain,” nakangiting sabi niya.

                “Matakaw po talaga si kuya Yue,” sabi ni Owen na sinang-ayunan naman ng ibang mga bata. Tinawanan lang iyon ng binata.

                “Dahil tapos na ang palabas, picture taking naman tayo. Sino ang gustong maging photographer?” tanong nito. Mayamaya ay tumayo ito at bumalik sa kotse nito. Pagbalik nito ay may hawak na itong camera. Hindi iyon ordinaryong camera. Ganoon ang camera na gamit ng mga professional photographer.

                May kumalabit sa kanya.  Nang lingunin niya kung sino iyon ay nakita niya si Lara. “Ate Mika, balik ka po dito ah,” nakangiting sabi nito.

                “Siyempre naman. Kahit na hindi pa ako isama ng kuya Yue n'yo, pupunta pa rin ako dito. Alam ko naman na ang daan papunta dito.”

                “Mi-ka!” tawag sa kanya ni Yue. Paglingon niya dito ay sakto namang nag-flash ang camera na hawak nito.

                “Oy, bawal magnakaw,” nakalabing sita niya rito. Pero tila wala itong narinig dahil muli siya nitong kinunan ng picture.

                “Stolen shots are really good,” nakangiting sabi nito habang tinitingnan ang mga kuha nitong picture. “Kids, pose na at mag-i-start na tayo.”

                Agad namang sumunod ang mga bata at nagkanya-kanya ng pose. Napangiti siya. Kasunod niyon ay ang sunud-sunod na flash ng camera.

                “Owen, kunan mo kami ni ate Mika,” wika nito at iniabot sa bata ang camera. “Kids, doon muna kayo sa tabi. Kami lang ni ate Mika. Walang sasali, okay? Kapag may sumali sa inyo, ibebenta ko sa bombay.”

                “Puro ka talaga kalokohan. Pati mga bata niloloko mo. Kapag ako nagkaanak, hinding-hindi ko ipapakita sa'yo,” biro niya rito.

                “Kalokohan? Hindi kaya. Talagang ibebenta ko ang mga 'yan kapag matigas ang ulo nila. Paano mo namang hindi ipapakita sa'kin ang magiging mga anak mo kung ako naman ang magiging tatay nila,” nakangising sabi nito. “Ngiti ka sa camera.”

                Sa halip na ngumiti sa camera ay hinarap niya ito at pinanggigilang pisilin ang mga pisngi nito. Hinawakan naman nito ang mukha niya at pilit ihinaharap sa camera. Napangiti siya nang pinatulis nito ang nguso nito. Siya namang pag-flash ng camera. Agad din niyang pinakawalan ang mga pisngi nito nang alisin na nito ang mga kamay nito sa mukha niya.

                “Ang sakit! Ang bigat talaga ng kamay mo,” wika nito habang hinihimas ang namumulang pisngi nito.

Nakonsensya naman agad siya. Hinawakan niya ang kanang pisngi nito. Lalo iyong namula.

STRING of FATE: Together ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon