CHAPTER 6

13 1 0
  • Dedicated kay Hilda Caoile Estacio
                                    

KAALIS lang ni Jinno. Nang matiyak nitong okay naman na si Mika ay nagpaalam na ito at may aasikasuhin pa raw ito. Nang tanungin ito ni Yuri kanina kung may alam ba ito sa mga kapatid na sinasabi ni Mika ay sinabi nitong wala itong alam. Pero nang ikuwento nila ang mga sinabi at ang takot ni Mika kanina ay napansin nila ang pagkuyom ng mga kamay nito. Sa tingin niya ay may alam ito.

Pinagmasdan niya ang natutulog na dalaga. Namumula ang mga mata nito. Pati na rin ang ilong nito. Halata na kagagaling lang nito sa pag-iyak.

Mayamaya ay bumiling-biling ito at humikbi.  Marahil ay nanaginip ito ng masama. Tinabihan niya ito sa kama. Inayos niya ang buhok nitong tumabing sa mukha nito at pinahid ang luha sa pisngi nito. Doon niya naramdamang mainit ito. Dinama niya ang leeg at noo nito. May lagnat  ito.

Tatayo na sana siya para tawagin ang yaya nilang si Manang Marisa nang bigla itong kumapit sa braso niya. Nang tangkain niyang alisin ang mga kamay nito ay humigpit ang kapit nito.

“Huwag mo akong iiwan,” humihikbing sabi nito. Wala siyang nagawa kundi manatili roon.

“Dito lang ako. Hindi kita iiwan,” alo niya dito. Tumigil naman ito sa paghikbi. Inabot niya ang cellphone niya sa bedside table at tinawagan ang kapatid.

“Yuri, pakisabi nga kay Manang Marisa na pumunta siya dito sa kuwarto ni Mika at may lagnat siya,” aniya at umayos ng upo.

“Okay,” sabi nito.

Iyon lang at pinutol na niya ang tawag. Makaraan ang ilang minuto ay nasa kuwarto na si Manang Marisa. May dala itong maliit na palangganang may tubig at bimpo. Nagprisinta itong ito na ang magbabantay sa dalaga pero sinabi niyang siya na lang. Sinabi nito ang dapat niyang gawin pagkatapos ay nagpaalam na ito. Sinunod niya ang sinabi nito. Mayamaya ay pumasok si Yuri.

“How is she?” nag-aalalang tanong nito.

“She’ll be fine. Babantayan ko siya. Pahiram na lang ako ng dalawang fiction book mo para hindi ako makatulog at pakisabi kay Susan na itimplahan ako ng kape.”

‘Sige,” anito at lumabas na.

Inayos niya ang bimpo na nakapatong sa noo ni Mika. Hinaplos niya ang buhok nito. Mahimbing na ang tulog nito.

Nakarinig siya ng katok sa pinto. Mayamaya ay pumasok ang katulong nilang si Susan. Dala ang isang mug ng kape at ang librong hiniram niya sa kapatid.

“Palapit na lang ng upuan dito sa tabi ko para may mapagpatungan ako ng kape,” aniya at kinuha ang isang libro. “Salamat.”

“Wala na po ba kayong kailangan, Sir?” tanong nito.

Tiningnan niya ang oras sa relo niya. Pasado alas-diyes na ng gabi. “Wala na. Sige, matulog ka na.”

“Sige po,” anito at lumabas na.

Nagsimula siyang magbasa. At paminsan-minsan ay humihigop ng kape. Hindi rin niya nakakalimutang muling basain ang bimpo sa noo ni Mika.

Malapit na niyang matapos ang binabasa niya ng makaramdam siya ng antok. Nang muli niyang tingnan ang oras sa relo niya ay three o’clock na. Sumandal siya sa headboard ng kama at hinawakan ang isang kamay ni Mika. Ipinagpatuloy niya ang pagbabasa.

“Wala ka bang balak matulog, Yue?” tanong ni Yuri na hindi niya namalayang pumasok.

“Hindi pa ako inaantok,” sagot niya. Pero kinontra iyon ng paghihikab niya. Sandali niyang inilapag ang libro at humigop ng kape na sinlamig na ng ilong ng pusa.

“Hindi daw inaantok pero naghihikab at nagkakape naman. Pahiram nitong camera mo sandali.”

Kunot-noong tumingin siya rito. “May sarili kang camera. Iyon ang gamitin mo. Ibalik mo yan sa pinagkunan mo.” Muli niyang itinuon ang atensiyon sa pagbabasa. Ang akala niya ay sinunod nito ang sinabi niya. Pero mayamaya lang ay salita na ito ng salita na akala mo ay sinapian ng kung sinong ispiritu na naligaw sa bahay nila. Puro naman tungkol sa sarili nito ang itinatanong nito.

STRING of FATE: Together ForeverTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon