PALABAS na ng school campus si Mika nang maalala niyang may kailangan siyang hiraming libro para sa assignment niya sa isang subject kinabukasan. Agad siyang bumalik para magtungo sa library. Nasa huling taon na siya sa college sa kursong Computer Science. Ilang buwan na lang at makakapagtapos na siya sa pag-aaral.
“Mika!” tawag sa kanya ng isang pamilyar na boses mula sa likod.
Kahit na hindi niya ito lingunin ay kilala niya kung sino ang tumawag sa kanya. Kaklase niya ito sa ilang subject niya noong nakaraang taon at sa lahat ng mga subject niya ngayong semester na ito. Graduate na ito ng college sa kursong Business Management pero kumuha pa rin ito ng Computer Science. Ang sagot nito nang tanungin niya kung bakit nag-aaral uli ito ay gusto raw nitong laging may ginagawa. Hindi siya naniniwala na iyon lang ang dahilan nito pero hindi na siya nag-usisa at baka magalit pa ito. Mabait ito sa kanya. Para na ngang nakababatang kapatid ang turing nito sa kanya. Mas matanda lang ito sa kanya ng limang taon.
“Kuya Jin,” aniya nang makalapit ito sa kanya.
“Saan ang punta mo? Hindi ka pa ba uuwi?”
“Punta muna akong library. May hihiramin lang akong libro. Ikaw?”
“Sasamahan na kita at ihahahatid na rin pauwi mamaya dahil hapon na,” nakangiting sagot nito.
Para talaga itong kuya kung umasta pagdating sa kanya. “Baka mapagkamalan ka nilang boyfriend ko kapag laging ganyan ang ginagawa mo,” biro niya rito.
“Sorry sister pero hindi tayo talo,” anito na ginaya ang boses ng baklang teacher nila. Nakapamaywang ito at nakataas ng bahagya ang kaliwang kilay nito.
Doon na siya tuluyang natawa dahil inis na inis ito sa teacher nilang iyon. Kung hindi nga lang daw magaling ang teacher nilang iyon ay hindi ito magtitiis na pasukan ang subject nito. “Kuya, hindi bagay sa'yo. Ang sagwa,” natatawa pa ring sabi niya.
“Mabuti na rin na mapagkamalan nila akong boyfriend mo para walang manliligaw sa'yo,” seryosong sabi nito na ikinatigil niya sandali. Nang tingnan siya nito ay kinabahan siya bigla dahil seryoso rin ang mukha nito.
“Bakit naman ayaw mong may manligaw sa akin? May gusto ka sakin 'no?” biro niya rito upang pagtakpan ang kabang nararamdaman niya. Kuya lang ang turing niya rito at ayaw niyang mailang dito sa oras na sabihin nitong may gusto ito sa kanya.
Sa gulat niya ay binelatan siya nito na tila batang nang-aasar. “Hindi kita type kapatid,” nakangising sabi nito habang pinagmamasdan siya.
“Mabuti naman,” nginitian niya ito ng matamis. Nakahinga siya ng maluwag sa naging sagot nito.
Biglang nawala ang ngiti sa mga labi nito at nagsalubong ang mga kilay nito na para bang hindi nito nagustuhan ang sinabi niya. “Magsabi ka nga sa akin ng totoo. May boyfriend ka na ba?” seryosong tanong nito.
“Wala sa isip ko yan, kuya. At saka kung magkaka-boyfriend man ako, ikaw naman ang unang makakaalam eh.” Inunahan na niya ito sa paglalakad. Marami siyang kaibigan sa school nila pero ito lang at ang best friend niyang si Yuri ang itinuturing niyang pinakamalapit sa kanya. Nang hindi ito sumunod sa kanya ay nilingon niya ito. Naroon pa rin ito sa kinatatayuan nila kanina. Salubong pa rin ang mga kilay nito habang nakatingin sa kanya. “Kuya Jin, tara na at baka magsara na 'yong library. Promise, wala pa talaga akong boyfriend. At saka paghiwalayin mo nga 'yang nagsasabunutan mong kilay. Mabilis kang tatanda kapag ganyan lagi yan.” Nakangiting sabi niya. Saka pa lang muling bumalik ang ngiti nito.
BINABASA MO ANG
STRING of FATE: Together Forever
Romance"Since this is my first time I've encountered a girl who would play such a prank on me, in return, I'm going to take away all of your first times." Masaya si Mika sa buhay niya. Mayroon siyang mapagmahal na ina, na madalas laiitin ang kanyang dibdi...