Entry #1

223 12 10
                                    

Larina sa Ilalim ng Kaharian ng mga Sirena

Si Larina'y isang magandang dalaga na siyang naging dahilan ng paghihirap ng kaniyang kapatid na si Mangita. Dahil sa isang diwata siya'y naparusahan ng habambuhay na paghihirap kung kaya't siya'y patuloy na nagsusuklay ng buhok upang tanggalin ang mga butong nakasilid rito. Ang mga buto'y tumutubo't nagpapalutang-lutang sa ilog Pasig na siyang nagiging perwisyo sa mga mangingisda.

Kinamuhian si Larina dahil sa kaniyang hindi mabuting ginawa sa kapatid na nadagdagan lamang dahil sa mga halaman sa tubig. Araw at gabi siyang umiiyak tinatawag ang kapatid maging ang diwata upang humingi ng kapatawaran subalit walang sinoman ang nagpakita. Ang parusang kasalukuyang dinadanas ay hindi na niya makayanan pa kaya dumating sa puntong ninais na niyang wakasan ang kaniyang buhay.

Sa ilalim ng bilog na buwan at malamig na hanging marahang umiihip dahan-dahang lumusong sa tubig si Larina. Ang hindi mapigilang pag-agos ng luha sa kaniyang mata'y larawan ng matinding pagsisisi sa lahat ng kaniyang nagawa. Hindi niya alintana ang malamig na tubig na dumadampi sa kaniyang balat at nanunuot sa kaniyang kalamnan hanggang sa nasa ilalim na siya ng ilog at wala ng maaninag na kahit ano.

Isang nakahuhumaling na tinig na siyang musika sa kaniyang pandinig ang umalingawngaw sa paligid. Ang nakapikit na niyang mga mata'y dumilat bigla't lumingun-lingon bagamat madilim ang ilalim ng tubig. Ang boses ay tunay na kaakit-akit na dumating sa puntong hindi niya namamalayang lumalangoy na siya patungo rito.

"Halika magandang dalaga sundan ang aking tinig patungo sa walang hanggang saya."

Ang magandang tinig na inaawit ang mga salitang ito'y siya namang sinundan ni Larina.

Lumalalim ng lumalalim ang kaniyang nilalangoy hanggang ang madilim na paligid ay unti-unting nagliliwanag. Labis ang pagkagulat sa kaniyang mukha matapos masaksihan ang makukulay at naglalakihang koral. Iba't ibang klase ng isda'y masaganang lumalangoy paroon at parito na walang iniisip na panganib.

"Papaano ako nakarating dito?" tanong niya sa sarili.

Napapitlag siya nang maramdaman ang paglangoy ng kung anomang tila malaking nilalang sa kaniyang likuran. Nilingun-lingon niya ang kapaligiran ngunit wala siyang maaninag.

"Ikaw binibini ay nagngangalang Langita."

Mabilis siyang humarap at bumulaga sa kaniya'y isang kalahitang tao at kalahating isdang nilalang. Mayroon itong mahabang itim na buhok na tulad ng madilim na gabi at magandang mukha na gaya ng sa diwata. Nagpasirku-sirko sa paglangoy ang sirena na tulad ng sumasayaw na dikya.

"Isa ka bang taong isda?" Nagtatakang tanong ng dalaga.

"Isa akong sirena, ako si Bai Puti ang kapatid ng diwatang siyang nagbigay sa'yo ng parusa."

"Labis ko ng pinagsisisihan ang aking kasalanan pakiusap tulungan mo akong humingi ng tawad sa kanila. Nais ko pang muling makita ang aking kapatid at siya'y makasama upang makabawi sa lahat ng aking nagawa."

Lumangoy patungo sa kaniya ang sirena't hinawakan ang kaniyang kamay saka ipinakita ang isang buto ng halaman.

"Lunukin mo saka kita tutulungan."

Nag-aalinalangan ma'y sinunod pa rin ni Larina ang sinabi ng sirena, nilunok niya nga ang buto ng halaman. Kakaibang pagbabago ang kaniyang naramdaman, unti-unti ang kaniyang mga paa'y nagdidikit at tuluyang tinubuan ng buntot.

"Anong ginawa mo sa akin? Bakit ako naging isang sirena?" Takot na tanong ni Larina habang nakatingin sa kulay kahel niyang kaliskis.

"Isang pagsubok ang dapat mong malampasan bago mo makausap ang diwata at ang iyong kapatid upang magawa iyon kailangan mong maging isa sa amin. Sumunod ka at dadalhin kita sa kaharian ng mga sirena."

FWFC ContestsDonde viven las historias. Descúbrelo ahora