Entry #6

251 11 15
                                    

Tungkung Langit at Alunsina

Marikit na kumikislap ang mga bituwin sa kalangitan ngunit hindi ito nakatulong upang magluwag ang naninikip na dibdib ni Tungkung Langit.

"Hindi ako susuko! Gagamitin ko ang lahat ng aking kapangyarihan makapiling ka lamang, Alunsina!" Pinahid niya ang mga luha at kasabay nito'y tumigil ang bagyong sumasalanta sa daigdig.

Mula sa higanteng bintana ng kanyang kaharihan, dinungaw niya sa ibaba ang umiikot na mundo. Ipinikit niya ang mga mata at kanyang narinig ang huni ng mga kulisap; ang pagaspas ng pakpak ng mga ibon sa himpapawid; ang pilantik ng mga isda sa karagatan; at ang nakabibinging tawanan at tahimik na pagluha ng sangkatauhan sa kalupaan.

"Alunsina! Ano pa ang silbi ng pagiging bathala kung ang pabalikin ka'y hindi ko magawa!" Isang higanteng kidlat ang tumama sa mundo at kasabay nito'y nahagip ng kanyang pandinig ang daing ng sanlibutan.

Muli siyang naupo sa kanyang trono at nakayukong napailing. "Ngunit hindi ako makapapayag na madamay ang daigdig . Oo't nilikha ko ito upang ihandog kay Alunsina, ngunit hindi marapat na magdusa ang mga mortal sa aking kapighatian."

Kaya nabuo sa kanyang isipan ang panibagong hakbang. Huminga siya nang malalim at sumigaw. "Mga diwata't engkanto, kayo'y pumanhik dito sa kalangitan!"

Ang harapan niyang okupado lamang ng mga higanteng tore ang bawat sulok ay napuno ng liwanag. Ilang sandali pa ay bumungad sa kanyang harapan ang ilang nilalang. Kahalintulad niya ang mga ito na pawang kahali-halina, bagaman kasinlaki lamang ng hinlalaki ng kanyang mga paa.

Pinaglakbay ng bathala ang kanyang paningin. "Kayong aking mga alagad– Nigna, bantay ng hangin; Agwa, tagapag-alaga ng karagatan; Adlaw, katiwala ng araw; at Tehero, tagapagtanggol ng kalupaan... hanapin ninyo si Alunsina at panumbalikin dito!"

"Karangalan naming gampanan ang inyong kautusan, Tungkung Langit!" nakayukong wika ni Tehero.

Tumayo si Tungkung Langit sa kanyang ginintuang trono at ikinumpas ang kamay sa sarili at ang kanyang anyo'y naging kasinlaki na lamang ng mga engkantado. "Aking ipinagkakaloob ang pagpapala sa inyong tagumpay. Magmadali! Kayo'y humayo!"

"Opo, Panginoon!"

Muling nagliwanag ang palasyo at sa isang iglap, naglaho na ang mga engkantado.

Mabilis na dumaan ang mga araw, linggo, at buwan. Mula sa kaibuturan ng kabundukan na imposibleng maabot ng kahit sinumang mortal, naroon ang mga engkantado at ginagawang katanghaliang-tapat ang kalaliman ng gabi.

"Kahit sino'y maaakit sa ganiyang kaliwanag na buwan, lalo na kung batid mong ito'y pinalulutang upang ikaw ay suyuin. Nawa'y ako na lamang ang kanyang pinag-aalayan," nagniningning ang mga matang wika ni Agwa habang nakatingala sa kalangitan.

Nagpantig ang mga tainga ni Adlaw kaya tinapunan niya ng kaunting kurot ng apoy ang diwata ng tubig. "Agwa! Maaari bang gawin mong kapita-pitagan ang iyong pag-aasal? Lubhang mabigat ang misyong nakaatang sa ating mga balikat."

Nanliit ang mga mata ni Agwa. Sa isang pitik ng mga daliri niya'y sumirit ang tubig sa puno na sinasandalan ni Adlaw kaya umusok ang katawan ng engkanto. "Adlaw! Sa susunod na ako'y iyong silaban, aking pupunuin ng tubig ang iyong hingahan!"

Pinag-alab ni Adlaw nang panandalian ang sarili upang siya'y matuyo. Kasunod nito'y lumapit siya kay Agwa at dinuro ito sa mukha. "Batid mong kinayayamutan ko ang malamig na tubig! Sa susunod na ito'y iyong gawin, titiyakin kong sa iyo'y wala nang iibig! 'Pagkat aking-"

"Magtigil kayong dalawa! Tila kayo'y mga paslit na mortal kung magbangayan!" saway ni Nigna. Naglaho siya mula sa sanga ng higanteng puno at muling nagpakita sa gitna ng nag-aaway na mga engkantado. "Hindi kayo dapat nagtatalo sa ating pagtitipon, manapa'y inyo na lamang ilahad ang mga nagampanan."

FWFC ContestsDonde viven las historias. Descúbrelo ahora