Entry #3

141 13 11
                                    

Pinagmulan Ng Pagtatapos

Ano nga ba ang pinakamagandang likha?

Tanong na madalas lumalaro sa isipan ni Mayumi. Malawak ang kuryusidad niya sa mga bagay-bagay. Na kahit anu mang makita ay pagtutuunan niya iyon ng pansin. Ngunit tila hindi pa rin 'yon sapat para mapuno ang rumaragasa niyang damdamin. Pakiramdam niya tuloy ay may kulang. May nais siya pero hindi niya alam.

Madalas din sa pag-iisip nito ay nauuwi na lang sa buntong hininga at napapadpad sa isang higante at malapad na puno--binabahayan na ng mga lumot kaya't nagkukulay berde na ang kabuuan at ang mga sanga nitong bumababa na sa lupa, nagsisilbing panibagong mga katawan.

'Ikaw. Ikaw ang pinakamagandang likha, Mayumi'

Kung minsan naalala niya ang parating sagot ng ina. Napaangat ng kaunti ang gilid ng labi niya. Si Mamang niya talaga. Kahit saan o kahit sino ang makausap nito, ibinibida siya. Dahil ang kasunod din na rason sa sagot na iyon ay: 'Ikaw ang bumuhay sa pangarap ko. Ikaw lang ang natatangi kong anak na babae at mahal na mahal ka ng mamang.'

Napailing siya pagkatapos. Naiintindihan niya ang ina pero hindi pa rin siya kumbinsido. Mayamaya ay napahiga siya mula sa pagkakaupo sa malaking sanga ng puno. Itinaas ang kamay at hinayaang lumusot sa pagitan ng mga daliri niya ang maliit na sinag.

"Balang araw ay mahahanap ko rin ang sagot sa tanong na 'yon," sambit niya sa isipan.

Umihip ang hangin. Sumayaw ang mga dahon. Payapa. Iyon na lamang ang naririnig niya nang unti-unting tumitiklop ang mga talukap subalit hindi iyon natuloy nang marinig ang malakas na paghuni.

"Mayumi! Mayumi!" Isang pagtawag mula sa itaas. Bumangon agad ang dalaga at nakita niya ang pagbaba ng isang ibon. Sandali'y nag-iba ang anyo nito at naging lalaking may matutulis na mga tainga at berdeng kasuotan na yari sa matitibay na dahon.

"Ku-Kuya Ringo..." Halos mautal ang dalaga. Aminado siyang hindi na naman siya sumunod sa oras ng uwian.

"Gawain mo talaga na pag-alalahanin kami 'no?"

"Pasensya na. Nagliwaliw lang ng kaunti," pagmamakatuwid niya. "Pero nagawa ko na ang mga gawain ko."

"Hindi mo dapat kinakalimutan ang sinabi ni Mamang. Kailangan natin bumalik bago mag dapit-hapon."

Natahimik ng kaunti ang dalaga pero hindi pa rin napigilan ang sarili na itanong ang tingin niya'y kakaibang pagpapaalala sa kanila ng ina.

"Pero bakit? Bakit kailangan nating umuwi agad bago mag dapit-hapon? Anong meron?"

Namilog ang mga mata ni Ringo at matagal na tinitigan ang kapatid.

"Hi-Hindi ko lang kasi maintindihan, kuya."

"Dahil may mga taga-pangalaga sa gabi na hindi nagnanais na makakita ng pakalat-kalat na taga-pangalaga sa umaga. Mahigpit sila. Alam mo 'yan."

"Pero—"

"'Wag munang subukang makipagtalo, Mayumi. Ang paniniwalang ito ang nagbibigay sa atin ng proteksyon kaya sumunod ka na lang."

Pinilit ni Mayumi na manahimik na lang. Hinding-hindi siya mananalo sa kuya Ringo niya.

"Halika na," pag-aayaya ni Ringo sa kapatid. Tumango lang din ang dalaga. Nang mag-aanyo na sa ibon ang kapatid ay saka naman pumanhik ang atensyon ni Mayumi sa may ilog. Lantad ang paglaki ng balintataw niya.

Nasaksihan niya ang sabay-sabay na pagtayo ng mga puting bulaklak na akala niya noon ay tuyo't namatay na. Namukadkad ang mga ito at napalibutan ng mga kumikinang na alikabok. At ang higit na ikinagulat niya ay tila may pinanggagalingan ang mga ito—isang nilalang mula sa liwanag ang umulwa.

FWFC ContestsDonde viven las historias. Descúbrelo ahora