***
NAGKALAT ang mga dugo. Sa sala, sa hagdanan ng bahay—paakyat sa itaas hanggang sa loob ng isang silid na nakabukas. Sa dulo ng bakas ng mga dugo ay naroon ang isang wala ng buhay na katawan. Naliligo ito sa sariling dugo't walang ulo.
Naroong nakatayo ang isang payat na babae. Mahaba ang kulay itim nitong maalong buhok. Tama lamang ang taas para sa isang Haponesa. Nakatayo ito sa harapan ng bangkay ng lalaki, habang hawak ang pugot na ulo.
"Takashi... Hinayaan mo lang ako. Wala kang ginawa..." Ito lamang ang mga salitang lumabas sa bibig nang tulalang babae. Walang bakas nang pagsisisi ang masasalamin sa mga mata nito, at blangko rin ang ekspresyon sa mukha. Tila natural na lamang para sa babae ang kumitil ng buhay.***
"Rara... Rara, gising..."
"Rara, oras na..."
Isang nakangiting mukha ng lalaki ang unang-unang nasilayan ni Rara nang magmulat siya ng mga mata. Ang guwapo at maamong mukha ng kanyang kasintahan. Hindi alintana ang mainit na sikat ng araw na nagbibigay hapdi sa kanyang mga mata, upang bigyan niya ito ng matamis na mga ngiti sa pagsisimula ng araw.
"Halika, may ipapakita ako sa 'yo!" Magiliw nitong hinawakan ang kanyang mga kamay at inalalayang tumayo.
"Saan ba tayo pupunta?" kunot-noo niyang tanong dito. Puno siya nang pagtataka ngunit gusto rin niyang masorpresa.
"Secret!" Isang kindat lamang at matamis na ngiti ang kalakip ng sagot nito. Pagkuwa'y takbo-lakad ang ginawa ng kanyang nobyo papasok sa gitna ng masukal na kagubatan, at mahigpit pa ring hawak ang kanyang mga kamay.
Hindi maalis ang mga ngiti nang pagkasabik sa kanyang mga labi, habang pinagmamasdan ang napakagandang kagubatan. Isa ngang tunay na kahanga-hanga ang Aokigahara Forest. Naglalakihan ang mga puno, berdeng-berde't makakapal ang mga damo sa paligid, maging ang preskong simoy ng hangin ay may kalakip na kakaibang lamig at halimuon ng mga lumot na nagmumula sa matatandang puno.
Isa nga itong perpektong lugar para sa mga taong nawawala sa sarili't nais nang tapusin ang kanilang mga buhay. Malayo sa kabihasnan, napakalawak, malaya, at walang sinuman ang maaaring pumigil sa balak na pagpapakamatay. Nakalulungkot lamang isipin na naging kasangkapan na ang kagubatang ito sa pagpapatiwakal ng mga taong nawawalan na ng pag-asa sa sarili, kaya ngayo'y kinatatakutan na ng nakararami.
Maya-maya pa'y tila lumulutang si Rara habang naglalakad. Hindi niya maramdaman ang kanyang mga paa na nakatapak sa lupa. Napansin din niyang unti-unting nagbabago ang lugar. Ang kaninang mga berdeng halaman at mga puno ay biglang naging kulay abo na pinapanawan na ng buhay.
Nagsimula na siyang maalarma. Makailang ulit din niyang ibinukas-sara ang mga mata, ngunit sa tuwing magmumulat siya'y wala pa ring pagbabago. Ang nakapangingilabot na tagpo pa rin ang nasasaksihan ng kanyang mga mata.
"Takashi!"
Hindi ito sumagot. Patuloy pa rin ito sa paglalakad na tila walang narinig.
"Takashi? Takashi!" muli niyang tawag sa nobyo. Ngunit nanatili itong walang sagot.
Inis siyang huminto't pilit itong pinihit paharap sa kanya. Laking gulat na lamang niya nang mapagtantong isang halimaw ang kasama niya't hindi ang nobyo. Sumigaw ito nang sobrang lakas na naging dahilan nang pagkapunit ng duguang bibig nito. Napasabay siya sa pagsigaw nito dahil sa sobrang pagkagulat at takot. Mariin din niyang ipinikit ang mga mata. Hindi siya tumigil hanggat nararamdaman pa niya ang malakas nitong mga kamay na humihila sa kanya.
Umalingawngaw ang kanilang mga sigaw sa bawat sulok ng kagubatan. Sa bawat segundong lumilipas ay unti-unti nang tinatangay ng hangin ang mga tinig na iyon, hanggang sa tuluyang katahimikan muli ang namayani. Nakabibinging katahimikan na ngayo'y gumagawa naman ng matinis na alingawngaw sa kanyang tainga, dahilan upang mapasigaw siyang muli.
"Ahhhhhh!"
SUMISIGAW na biglang napabalikwas nang bangon si Rara. Sandali niyang pinag-aralan ang kanyang paligid. Tila nanlalabo pa ang kanyang paningin ngunit natitiyak niyang madilim sa buong paligid.
"Haaay... Panaginip lang pala! Tsk!" Naipinid niya ang ulo at muling napapikit nang makaramdam nang pananakit ng ulo.
Hindi na rin niya nais pang bumalik sa pagtulog dahil natatakot siyang manumbalik ang napanaginipan niya.
"Takashi, gising—" Bigla siyang napahinto sa pagtatakang lupa na lang ang nahagip ng kanyang kamay. Wala na siya sa kanilang tent. Wala rin ang kanyang nobyo. "Panaginip pa rin ba 'to?" naiiling niyang maktol.
Muli na naman siyang binalot ng takot at kaba. Nangangatog man ang mga tuhod ay pilit siyang tumayo upang siyasatin ang paligid. Wala pa rin siyang maaninag na kahit ano. Kakaiba ang dilim na bumabalot sa kanyang kinaroroonan, at may masangsang siyang naaamoy. Tila may nabubulok na hayop sa 'di kalayuan.
Patuloy siyang nangangapa sa dilim. Sinusuyod niya ang lupa't naglalakad nang hindi inaangat ang mga paa. Matapos ang ilang sandaling pakikipagpatentero sa dilim ay sa wakas may nahawakan din siyang pader. Magaspang at matigas. Kung tama ang hula niya'y tila katawan iyon ng isang malaking puno ng pine tree.
Ipinagpatuloy niya ang pangangapa at sinundan ang pader. Nakakailang ikot na siya ngunit tila walang hangganan iyon. Nagsimula na siyang magtaka. Hindi kaya hugis pabilog na kulungan ang kinaroroonan niya?
Agad niyang iwinaksi ang isiping iyon. Ayaw niyang isipin at hindi niya maaaring paniwalaan.
Maya-maya pa'y bigla siyang natisod at bumulagta na lang sa lupa. May ilang mga baging siyang nahawakan, dahilan upang malaglag sa kanya ang mga namuong lupa at alikabok sa itaas niyon. Gumawa rin iyon ng ilang maliliit na butas—sapat na upang may pumasok na mumunting liwanag sa loob. Mariin siyang napapikit hanggang sa maubos lahat ang duming bumuhos sa kanya.
"Aw! Shit!" palatak niya matapos iyon. Hirap siyang igalaw ang braso dahil ito ang unang naihampas nang malakas sa kanyang pagbagsak.
Ngunit muli siyang binulaga nang mabungaran ang isang bungo ng tao sa kanyang harapan. Halos mahalikan na niya iyon sa pagkakalapit nila, kaya dali-dali siyang napabalikwas nang bangon at walang tigil na nagsisisigaw.
Nagsumiksik siya sa kabilang dako. Nanginginig ang buong katawan, habang yakap ang kanyang mga tuhod upang itago ang kanyang mukha. Halos maduwal siya sa paulit-ulit na pagrehistro ng kalansay sa kanyang isipan.
BINABASA MO ANG
WW1 Short Story Contest Entries
Short StoryKoleksyon ng maiikling kuwentong nagtatagisan para sa Writing War One Short Story Contest.