(12) Gunitap

326 9 30
                                    

***

Pikit. Mulat. Pikit. Mulat.

Tumingala ako upang makita nang huling beses ang kalangitan, ngunit naalala ko na nakapirmi pala ako sa isang madilim na silid. Nakagapos ang isa kong pulsuhan sa kinakalawang na bakal na nakatali sa pader. Natuyo na ang mga sugat ko sa loob ng pulsuhan dahil ilang araw na rin akong tumigil sa tangkang pagtakas mula sa posas.

Tumawa ako nang mapait. Parang sinabi ko na rin pala na sumusuko na 'ko sa mundo. Parang sinabi ko na rin pala na walang saysay ang buhay ko dahil nawala na ang pinaglalaban ko. Wala. Tanging isang kinakalawang na posas lang pala ang makakapagpatigil kay Edward Villaflores.

Walang kalaman-laman ang silid maliban sa 'kin, isang maliit na arinola sa sulok at ang pintuan na direktang kaharap ko. Basa ang buong katawan ko noong binuhusan ako ng isang Martial ng malamig na tubig. Iyon na raw ang paligo ko. Mabuti nga't malamig. Isang beses ay binuhusan nila ako ng kumukulong tubig noong unang araw ko sa selda.

Gumalaw ang pinto. Nang bumukas ito, isang babae ang humarap sa 'kin. Kilalang-kilala ko ang mukhang iyon. Lumambot nang kaunti ang nararamdaman ko. Mas mabuti ang itsura niya ngayon. Mukha siyang pinapakain nang maayos. Pero, may kakaiba sa kinang ng mga mata nito—hindi na ito tulad ng dati na tuwing nakikita niya, naalala niya ang buwan at mga bituin sa langit. Kahit na nakasuot ito ng magagarang damit, hindi nito matatakpan ang mga pasa at sugat na natamo.

Itinulak siya ng isang Martial at nawalan ng balanse. Sinubukan ko siyang saluhin, ngunit napigilan ako ng posas. Muling tumulo ang dugo sa pulsuhan ko.

"E-Ed!" taranta niyang saad nang nakita ang tumutulong dugo. "A-Anong nangyari d'yan?"

"Wala 'to," pagtanggi ko. Itinago ko sa likuran ang aking kamay. Lumapit siya sa 'kin at kinulong ako sa kaniyang mga braso.

"Patawad, Ed," tapat niyang sinabi. Tumingin siya nang diretso sa aking mga mata.

Nakahinga ako nang maluwag nang malapit ang kaniyang mukha sa akin. Pinigilan ko ang sarili ko na idampi ang aking labi sa kaniya. "Ngayon na lang ulit tayo nagkita, tapos 'yan pa ang sasabihin mo sa 'kin?"

Hindi na niya napigilan ang mga luha na umagos sa kaniyang pisngi. "Ed, k-kasalanan ko ang lahat," nauutal niyang sinabi. "K-Kasalanan ko. Sisihin mo 'ko, para mo nang awa."

"Bakit kita sisisihin?" Hinaplos ko ang kaniyang mukha. "Clary, ikaw ang pinakamagandang nangyari sa buhay ko."

Pagkasabi ko noon, ipinikit ko ang mga mata ko at hinayaan ang sarili na makaramdam muli. Muling tumibok nang mabilis ang aking puso. Ngumiti ako. Matagal na rin noong huli ko itong naranasan. Pagkamulat ko ng aking mga mata, lumiwanag ang silid. Nilibot ko ang aking mga mata sa mga maliliit na mga hayop na lumilipad.

Alitaptap. Wala pa rin akong dahilan na nahahanap kung bakit sa ilang pagkakataon ng buhay ko, biglang sumusulpot ang mga ito.

Pero, mas maliwanag pa rin ang mukha ni Clary sa aking harap. "Kokonti na lang ang oras natin, Ed. Tatakas tayo."

"Tanggap ko na, Clary." Sinubukan kong ngumiti, ngunit gumigilid ang mga luha ko. "Tanggap ko na ang lahat na hindi ako para sa mundong ito. O ang mamuhay sa mundong ito. Tanggap ko na, sa wakas."

"May pag-asa pa!" aniya. Pero, narinig ko ang sarili kong boses. Umikot ang mga alitaptap sa katawan ni Clary. Nag-iiba ang suot niya, mula sa una ko siyang nakita, hanggang sa huling pagkakataon ko siyang nakita bago ako ikinulong.

Napasapo ako ng noo. Ni hindi ko alam kung ano ang totoo at hindi.

"Wala na," pagkontra ko. "Bakit ba hindi mo matanggap 'yon?"

WW1 Short Story Contest EntriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon