***
Tititig si Lira sa salamin. Hindi kukurap ang kanyang mga mata kahit isang saglit. Magdadalawang oras din niya itong gagawain para mapatunayan ang kanyang hinuha na may iba pang deminsyon maliban pa sa tinitirahan niya. Ang dimensyong ito ay ang nasa kabilang bahagi ng mga repleksyon natin. Papatunayan niya ang kanyang hinuha sapagkat hindi siya pinapatulog nito, na hindi lamang isang panaginip ang nangyari sa kanya. Hindi niya masasabi kung totoo nga ba o likha lamang ito ng kanyang imahinasyon habang siya'y tulog. Ang matatandaan lamang niya ay pumasok siya sa salamin.
Titingin siya sa kanyang repleksyon habang unti-unti siyang lalapit sa salamin. Babaliwalain niya ang pakiramdam na parang may nakatingin sa kanya. Tatama ang ulo niya sa salamin. Hahawakan niya ang kanyang noo dahil sa sakit ng pagkakauntog niya rito. Gusto niyang paniwalaan na panaginip lamang iyon ngunit sasalungat rito ang kanyang sarili. Alam niya sa kanyang sarili na may mali talaga rito, may nakaligtaan siyang napakaimportanteng bagay na parte nito.
Uupo siya sa sopa. Magtatanong sa kanyang sarili kung ano ang dapat niyang gawin. Normal na sa kanya ang miging mausisa sa mga bagay-bagay ngunit ito ang unang beses na hindi siya agad napapalagay. Mararamdaman niyang may bumubulong sa kanyang tainga na magsasabing maraming bagay ang nakatago rito na hindi pa natutuklasan kahit ninuman.
Sasampalin niya ang noo niya na tila may naisip na magandang ideya. Mabilis siyang tatayo. Kukunin niya ang laptop at susi ng kanyang kotse.
***
Mabilis na papasok si Lira sa silid-aklatan. Magtatanong siya sa katiwala ng aklatan kung saan nakalagay ang mga libro na kinakailangan niya. Ituturo ng katiwala kung nasaan ang mga ito. Wala siyang sasanayangin na oras. Pupuntahan niya ito. Hindi talaga siya mapapalagay hangga't wala siyang nakikitang kasagutan.
Isa. Dalawa. Tatlo. Kukunin niya ang lahat ng libro na sa palagay niya'y naglalaman ng impormasyong kanyang kinakailangan. Wala siyang papalagpasin ni isang aklat, basta may kinalaman sa dimensyon, kukunin niya. Paunti-unti niya itong dadalhin sa mesa kung saan niya iniwan ang laptop. Magbubukas siya ng blankong document file bago niya sisimulan ang pagbabasa.
***
Marandaman niya na may bumubulong sa kanya. Magigising siya mula sa kanyang mahimbing na tulog. Pupungas-pungas niyang titingnan ang orasan sa laptop. Kukurap siya ng ilang beses at tititigan ang monitor. May makikita siyang imahe sa monitor na ngayo'y nakapatay pa. Hindi siya sigurado kung namamalikmata lang ba siya o ano.Imposible naman na isang repleksyon lamang iyon kasi hindi niya nakita ang sariling repleksyon. Wala ring tao na malapit sa kanya.
Igagalaw niya ang cursor. Titingnan ang oras. "Maggagabi na pala." Hindi niya napansin na nakatulog na pala siya ng mahigit isang oras. Mabuti't hindi siya pinagalitan ng katiwala ng aklatan. Kailangan pa niyang magbasa. Hindi pa sapat ang kanyang nalalaman. Lahat nang nabasa niya ay kapareho sa kanyang instinto.
Bubuklatin niya nang paisa-isa ang mga aklat na nakakalat sa mesa. Isasantabi ang magkakapareha ang laman na nabasa na niya. Mapapasinghap siya nang halos lahat ng libro ay magkakapareha lamang ang nakasulat. Walang bago. Mapapakamot siya sa kanyang buhok habang sinisiyasat ang mga pamagat ng mga aklat na hindi pa niya nabubuksan. Halos wala rin itong pinagkaiba sa mga nauna.
"Wala ata akong makukuha rito." Ibabagsak niya ang kanyang katawan sa mesa. Pagmamasdan niya ang mga librong nakapalibot sa kanya. Mahahagip ng tingin niya ang isang aklat. Aabotin niya ito't babasahin ang pamagat. "Time and Space," mababasa niya. Halata sa balat nito ang kalumaan. Bubuklatin niya ito. Kumukupas na ang mga pahina nito ngunit mababasa pa rin ang sulat kamay na laman nito.
Sa unang pahina ng aklat, may dibuho ng dalawang sanggol na magkabaliktad katulad ng simbolong yin yang. Kakaiba ang pagkakaguhit ng mga sanggol na tila hindi ito ordinaryo. May mga simbolo sa katawan ng mga ito na hindi niya matutukoy kung ano. Sisimangot siya. Maguguluhan siya sa dibuho.
BINABASA MO ANG
WW1 Short Story Contest Entries
Short StoryKoleksyon ng maiikling kuwentong nagtatagisan para sa Writing War One Short Story Contest.