***
Hikbi lamang ang naisagot ng dalagang si Remy sa lahat ng mga sinasabi ng paring bulag na sa kaniyang harapan, si Padre Frank. Sobrang bigat ng nararamdaman ng dalaga ngayon. Hindi niya alam kung saan na siya titira kung hindi man siya kupkupin ng simbahan. Pinagtabuyan na siya sa kanila dahil sa kaniyang kasarian. Tanging ang nasa isip niya lamang sa mga panahong kinakausap siya ng matandang Padre ay kung papaano na siya mabubuhay ng normal. Paano niya maibabalik ang mga bagay na dati niya nang natatamasa. Dahil lamang sa isang desisyon ay mawawala ang lahat ng kaniyang nakasanayan. Dahil lamang nais niyang magpakatotoo ay mawawala ang lahat sa kaniya.
Pinahiran niya nang marahas ang kaniyang mga luha. Pilit niyang pinupunasan ang bawat patak na lalabas sa kaniyang mata na tila ba ay mawawala nito ang lahat ng sakit na kaniyang nararamdaman. Ni hindi niya na nga kayang makita ang mukha ng Padreng kaharap dahil sa mga tubig na nagbabara sa kaniyang mga mata. Pinapakiusapan niya ang kaniyang sariling itigil na ang mga luha ng sagayo'y makapagpahinga na ang kaniyang sarili. Masyado na siyang pagod. Pagod na pagod.
Halos isang oras ang tinakbo ni Remy mula sa kanilang bahay sa kabilang baryo para lamang agarang marating ang kaniyang kinalakihang simbahan. Upang masilayan ang mga mapag-arugang mga mata ng bulag na pare na minahal at tinuring niya nang ama. Alam niya kasing matatanggap siya ng Pare kahit na ano pa man ang magiging siya. Kahit ano mang kademonyohan ang tingin ng tao at mga magulang niya sa kaniya ay matatanggap siya nito.
"Father,"humihikbing tawag niya sa Pare.Natigilan ito sa pagsasalita. Umurong na nang kaunti ang kaniyang mga luha.
Hindi sa kaniya ang tingin ng Pare. Ngunit kahit man hindi siya nakikita ng matanda ay alam niyang nasa kaniya ang lahat ng iba pang panramdam ng Pare.
"Father", ulit niya pa sa pagtawag sa Pare. "Nakakatakot si Papa."
Matamlay na ngiti ang nakita niyang naging tugon ng Pare. Nakikinig lamang ito. Naghihintay ng mga susunod na katagang babanggitin niya.
"Father, tinapon niya ako palabas ng bahay," pagpapatuloy niya.
Mariing ipinikit niya ang kaniyang mga mata at pinilit na huwag matakot sa mga tingin na ginawad kanina sa kaniya ng kaniyang Ama. Hindi niya pa kailanman nakitang magalit ng ganoon ang kaniyang Ama.
"Tapos ay binalikan niya ako sa labas," napatigil siya ulit at nagsimula na namang nagkarerahan ang kaniyang mga luha. Wala siyang nagawa kundi ang pahiran na naman ito. Nanakaw na ng kaniyang mga hikbi ang kaniyang boses. Nawawalan na siya ng at pilit na tapusin ang kwento niya sa pare.
"May kinuha lang siya sa loob, yung baril niya Father. Yung baril niya yung kinuha niya sa loob ng kwarto niya, tapos..."
Hindi na naituloy ng dalaga ang kaniyang sasabihin dahil nagsisibalikan na naman ang takot na naramdaman niya. Halos mamatay na siya sa lalim ng hugot ng kaniyang mga hininga. Hindi niya kayang halihin pa ang mga salitang unti-unti nang nawawala sa kaniyang isipan. Hagulhol na lamang siya ng hagulhol. Hindi niya na kayang buksan ang kaniyang mga mata sa diin ng sakit na nararamdaman niya sa ngayon. Halos mamatay na siya kanina. Hindi niya alam na kayang gawin iyon sa kaniya ng kaniyang sariling Ama. Hindi niya alam na kayang kaya siya nitong patayin. Ang isipin lamang ang mga nangyari kanikanina lamang ay hindi niya na nakikita pa ang kaniyang magiging bukas. Hindi niya na alam. Hindi niya na alam ang magiging bukas niya. Hindi niya na alam kung gugustuhin pa ba niyang mabuhay. Hindi niya alam. Hindi niya na alam.
Hikbi lang siya nang hikbi.
Lumipas ang ilang mga minuto na pinakikinggan lamang ng Pari ang kaniyang mga iyak at mga hinaing. Maraming naging katanungan ang bata. Hinintay niya lamang na kumalma na ito at nagsalita.
BINABASA MO ANG
WW1 Short Story Contest Entries
Short StoryKoleksyon ng maiikling kuwentong nagtatagisan para sa Writing War One Short Story Contest.