***
Gumuhit pababa ang mga luha sa aking magkabilang pisngi, mula sa namumugtong mga mata. Ipinapakita sa akin ng salamin sa harapan ko ang mukha ng isang kaawa-awang bata. Kasing putla ko ang buhay na mayro'n ako.
Nagising na lamang ako sa maliit na kubong ito, isang araw. Suot ang isang itim na bestidang punit-punit habang ako ay sugatan. Walang pagkakakilanlan, maliban sa isang kwintas. Walang nakakakilala. Naging palaisipan kung sino ako.
Kinupkop ako ng isang babae na pinakitaan ako ng kabutihan. Hindi ko lamang maintindihan kung bakit mayroong bahagi sa puso ko na nagsasabing, hindi ako karapatdapat sa gano'ng trato. Kirot naman ang hatid sa aking dibdib ng mga impit na hikbi ni ate Nati. Ilang buwan na umano ang nakalilipas nang walang awang patayin ang kaniyang nag-iisang anak. Sa wari niya ay magkasing-gulang lang kami. Wakwak umano ang katawan nito nang matagpuan sa kubong ito. Mula dibdib hanggang tiyan. Wala nang lamang-loob. Hanggang sa kasalukuyan ay walang kasiguraduhan kung ano ang may gawa -- kung tao ba o isang halimaw. Bago raw kasi ito natagpuang patay, iginigiit niyang may isang halimaw na sumusunod sa kaniya.
Habang sinusuklay ko ang aking mahabang buhok, nagitla ako nang biglang bumukas ang pinto.
"Umiiyak ka na naman," nag-aalalang bungad sa akin ni ate Nati. "H'wag ka nang malungkot. Mahahanap din natin ang sagot sa mga tanong mo."
"Pa'no kung hindi na maibalik ang alaalang ninakaw sa akin ng kapalaran?" tanong ko.
Namilog ang kaniyang mga mata. Humawak siya sa aking magkabilang balikat. "Ikaw talaga. Minsan natatakot ako, parang hindi bata ang kasama ko."
"Patawad po. Hindi ko rin alam kung saan nanggagaling ang mga salitang 'yon."
Ngumiti siya at inayos ang aking damit. "Sukat na sukat sa 'yo ang damit ni Luisa. Halika na, Luna," alok niya bago tinungo ang nakabukas na pinto.
Muli akong napatingin sa salamin bago ako sumunod sa kaniya. Hinawakan ko ang aking kwintas na may palawit na susi, kasama ang hugis bilog na may nakaukit na simbolo. Sa likod nito ay nakaukit ang pangalang, Luna. Ito nga siguro ang aking pangalan.
Sa sulok ng aking mga mata ay napansin ko ang isang lalaking nakaitim. Sa daan pa lamang, nakikita ko na siyang nakasunod. May kung anong bumubulong sa akin na ako ang pakay niya.
Naupo kami malapit sa harapan ng altar. Habang nakaluhod at tahimik na nagdarasal si ate Nati, hindi naman ako mapakali sa aking kinauupuan. Nasa puso ko ang kagustuhang tumakbo palabas. Mayamaya lamang ay nilingon niya ako.
"Magdasal ka."
Hindi ko alam ang gagawin. Gano'n pa man, sinunod ko siya. Lumuhod ako at pinagdaop ang aking mga palad katulad nang ginawa niya. Nabaling ang tingin ko sa rebulto ng isang lalaking nakapako sa krus.
"Hindi ko alam kung sino ka. Kung bakit maraming tao rito na lumuluhod at nagdarasal sa harapan mo. Bakit gano'n? Ang pag-asang nakikita nila sa mga mata mo, sa akin ay hiya at takot. Tama ba ang nararamdaman ko, na hindi ako dapat tumapak sa tahanan mo?" mga salitang hindi ko na isinatinig.
Naramdaman ko ang pamumuo ng likido sa aking noo. Mga gabutil na likido na tanda ng kakaibang takot na nararamdaman ko. Isa-isa itong tumulo at naglandas patungo sa aking mukha. Gano'n din sa aking magkabilang sentido.
"Luna, bakit?" puna sa akin ni ate Nati. Pinunasan niya ang pawis ko.
"Ang init po kasi nitong bestida," pagsisinungaling ko. "P'wede po bang magpahangin muna ako sa labas?"
"Mag-ingat ka," bilin niya.
Nagmamadali akong lumabas. Narinig ko ang pag-uusap ng ilang babae sa may pinto tungkol sa kumakalat na epidemya sa bayan, na dahilan nang sunud-sunod na pagkamatay ng mga bata. Ito umano ay umabot na hanggang sa mga kalapit na bayan. Kaya pala ilan sa mga taong nagdarasal sa loob ay nagluluksa. Ang ilan ay hindi matigil sa pag-iyak.
BINABASA MO ANG
WW1 Short Story Contest Entries
Short StoryKoleksyon ng maiikling kuwentong nagtatagisan para sa Writing War One Short Story Contest.