Part 1

1K 14 0
  • Dedicated kay Raphael Millano Martinez
                                    

Ang sarap magmahal. Napakasarap sa pakiramdam lalo na kung mahal ka rin niya. Yung tipong ayaw niyo nang maghiwalay. Yung ayaw niyo nang pauwiin ang isa't isa. Yung tipong gusto laging nagkikita at magkasama.

Pero kung gaano kasaya ang dulot nito, doble o triple pa rito ang sakit kapag nawala siya sayo.

Biglaan lang ang lahat. Nagulat nalang ako, isang araw, nagising ako na ayaw mo na. Na hindi mo na kaya. Na hindi mo na ako mahal. Sa pang-pitong buwan natin, saka ka pa sumuko. Saka mo pa ako binitawan. Pero sabagay, yun din naman talaga ang usapan natin.

May 02, 2009. Di ko makakalimutan yung unang araw na nakita kita. Hindi ko akalain na lalake rin ang hanap mo. Iba kasi ang tayo mo. Kung paano ka maglakad at kumilos, kung paano ka magsalita at tumawa, lalakeng lalake. Sabagay, noon, mahirap pa talaga malaman kung sino ang tunay na lalake at lalake rin ang hanap.

Pababa pa lang ako sa escalator, nakatingin ka na sa akin. 5'10. Lalakeng lalake ang tikas. Naka-puting t-shirt at maong. Naka-headset. Chinito. Hindi ko rin naman alam kung bakit parang napako na rin ang tingin ko sayo. Para kang anghel na bumaba sa langit. Napakaamo ng mukha, nangungusap ang mga mata, nakakatunaw ang ngiti. Nakakadala. Hanggang sa malaman ko na ikaw pala yung katagpuan namin. Laking gulat ko noon. At natuwa rin dahil hindi lang pala iyon ang pagkakataong makikita kita.

Kahit kasama ko na ang boyfriend ko noon, panakaw pa rin akong sumusulyap sayo. Pero ang nakakatawa doon, iilang beses din kitang nahuhuli na nakatingin sa akin tapos magkukunwari na nagte-text kapag nahuhuli kita. Pero nakangiti. Halatang guilty ka rin.

Medyo sumama ang pakiramdam ko noon. Hindi ko alam kung bakit. Nakaupo lang ako sa tabi habang hinihintay ang iba nating kaibigan. Yung boyfriend ko, nagpunta sa C.R. Nagulat ako sa text mo, "Bunso, okay ka lang? Gusto mo ng ice cream?" Napatingin ako sayo at muli ko na namang nakita ang mga ngiti mo na nakakatunaw. Sayang nga lang at tinanggihan ko yung alok mo. Nakita ko na rin kasing parating na si Elo, ang boyfriend ko.

Natatandaan mo pa ba noong nagyaya na yung ibang kumain, inakbayan mo pa ako noon. Nakasimangot nga si Elo noon eh. Pero wala siyang magawa noong sinabi mo sa kanyang "Pahiram muna sa anak-anakan ko. Lagi nalang kayo ang magkasama eh," sabay ngiti na pang-asar. Ang sarap pala sa pakiramdam na maakbayan mo habang naglalakad. Kwentuhan. Kulitan. Asaran. Gustong gusto kong pinapatawa ka noon kasi lalo kang pumo-pogi kapag tumatawa ka.

Tapos noong gabi na, pumunta tayo sa bahay ng kaibigan natin. Noong papunta palang, gustong gusto kong ikaw ang tumabi sa akin sa bus. Pero hindi na pwede. Galit na si Elo. Nakakaramdam na. Kaya naman nakuntento nalang akong tingnan ka na nag-iisa sa unahan namin. Iniisip ko nga noon, sana kagaya ko, gusto mo rin akong makatabi sa upuan mo.

"Apang" (First true love will never die...)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon