Part 14

177 5 0
                                    

Magpapalit ang taon na para akong wala sa sarili. Kailangan kong ngumiti para ipakita sa pamilya ko na masaya ako. Pero ramdam nilang hindi. Naglakas ako ng loob na sa unang pagkakataon, aminin sa aking ina na nasasaktan ako. At ang sakit na iyon ay dulot ng iyong pagkawala. Masaya ako dahil naintindihan niya ako ngunit agad din itong napalitan ng masaganang luha dahil huli na ng aminin ko sa kanya.

Sana pala noon ko pa iyon ginawa. Sana pala noon palang ipinaglaban din kita. Sana pala noon palang ipinaglaban na kita sa mga taong nais kang kunin sa akin. Sana hindi ako pumayag na lumayo ka. Sana lalo kong ipinaramdam na may taong handa kang tanggapin kahit ano pa man ang maging kasalanan o pagkukulang mo. Sana noon pa lang, tinibayan ko na ang sarili ko at lalong pinagtibay ang pagmamahalan natin. Napakaraming sana na hindi ko man lang nagawa. Sana pala noon pa ako gumawa ng paraan para makita at makausap ka. Sana pala noon palang hindi ko na hinayaang tuluyang maagaw ng iba. Sana, noong nabigyan ako ng pagkakataong makita ka, pinuntahan kita.

Nalaman ko sa kaibigan mo na matagal mo nang iniinda ang sakit mo. Hindi ko maiwasang isipin na kaya ka siguro pumayag na makipagkita sa akin ay para malaman ko ang totoo mong kalagayan. Kung pumunta lang sana ako, nalaman ko na agad. Kaya ba tinatanong mo ako kung gwapo ka parin? Alam mo namang kahit ano pa man ang maging hitsura mo, kahit may sakit ka, ikaw parin ang pinaka-gwapo sa paningin ko.

Hindi man ako nakatulong, naalagaan man lang sana kita. Hindi man natin magpbago ang kapalaran na mawawala ka rin, sana man lang nakasama pa kita bago maging huli ang lahat. Sana, kahit sa maikling sandali, muli nating nabalikan ang masaya nating kwento, ang masaya nating pagmamahalan. Sana naiparamdam ko ulit sa iyo kung gaano kita kamahal. Sana ako naman ang sumusubo ng pagkain sa iyo, ang nag-aalaga sa iyo, ang nagpupunas ng pawis mo, ang nagpapalit ng damit mo. Napakarami siguro nating nagawa kung itinuloy ko lang sana ang pakikipagkita sa iyo.

"Apang" (First true love will never die...)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon