Part 4

282 5 0
                                    

Hindi ako mapakali noong unang araw na magkikita tayo na tayo na. Yung tipong hindi na kita kailangan tingnan ng palihim kasi baka kung anong isipin mo kapag nahuli mo ako. Ngayon, kahit titigan kita ng titigan, ayos lang. Akin ka naman na eh. At iyo na rin ako.

Sa unang gabi na magkasama tayo, sobra mo na akong pinasaya. Sabay pa nga tayong kumain at sa iisang pinggan tayo nagsalo. Tinuruan mo pa nga akong magkamay. Pero dahil halos di ako makakain ng maayos at maraming natatapon, sinubuan mo nalang ako na kamay mo ang gamit mo. Yun ang unang pagkakataon na may sinubuan ako ng taong pinakamahahal ko. Yun ang unang pagkakataon na naramdaman kong napaka-espesyal ko. Tawanan. Kulitan. Kwentuhan. Ngiti. Tawa. Pagmamahal. Kakaibang sigla. Kakaibang saya. Yun ang unang gabi na sana hindi na natapos.

Habang naghuhugas ka ng pinggan, sabi mo, yakapin kita. Sabi mo pa nga, pangarap mo yun. Yung habang naghuhugas ka ng pinggan, may nakayap sayo mula sa likod habang hinahalikan ang batok mo. Kaso hindi ko magawa kasi mas matangkad ka sakin eh. Kaya sa likod at braso nalang ako nakakahalik. Pero nariyan yung maya't maya mong paglingon sa akin at hahalikan ako sa noo at sa labi. Umuulan noon ng salitang "I love you" mula sa atin.

Pagkatapos noon, nakaupo lang tayo. Nakakandong ako sayo. Nakayakap. Para akong bata na inaalagaan mo, nilalambing, minamahal. Tapos ay dahandahan mo akong binuhat para humiga na. Pakiramdam ko noon, para akong babasagin na bagay na sobra mong iniingatan na hindi mabagsak. Pakiramdam ko noon, safe na safe ako sa piling mo.

Tinanong mo ako kung nasaan yung album ko ni Christian Bautista. Pinatugtog mo yun. Alam na alam mo na kasi na paborito ko siya at kung ano ang pinaka-paborito kong kanta niya. Habang naka-play sa background ang kanta, nakatingin ka lang sa akin. Nangungusap ang iyong mga mata. Ramdam na ramdam ko na hindi lang ako ang masaya noong gabing iyon. Ikaw rin. Habang dinadama ko ang bawat salita ng kanta, dinadama ko rin ang bawat sandali na kasama kita.

"I love the way you smile when I look in your eyes...

I love the way you laugh when I try to be funny..."

Patuloy ang kanta. Patuloy ang titigan nating dalawa. Patuloy ang pagbilis ng tibok ng aking puso. Patuloy din ang pag-agos ng luha sa aking mga mata dahil sa nag-uumapaw na saya na nararamdaman ko habang kasama ka. Dahandahan mong pinahid ang mga luha ko. Sabi mo, ayaw na ayaw mo na akong makikitang umiiyak. Dumating ka para pasayahin ako kaya dapat masaya ako lalo na kapag kasama ka. Pero hindi naman ako noon umiiyak dahil sa lungkot. Luha iyon ng labis na kaligayahan; kaligayahang sa iyo ko lang naramdaman.

Unti-unti, sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang malambot at matamis mong labi. Sa unang pagkakataon, hinalikan mo ako. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang sinasabi nilang "magical kiss". Nakahalik na ako noon. Hindi lang kay Elo kundi pati na rin sa mga naging kasintahan kong babae. Pero iba ang naramdaman ko sayo.

"Apang" (First true love will never die...)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon