Part 11

180 5 0
                                    

July 30, 2013. Hindi ko alam pero naglakas na ako ng loob na hanapin ka. Sa isang sikat na social site, nagbakasakali akong makita ka, makausap. Napakarami kong gustong sabihin sa iyo. Gusto ko ring magpaalam ng personal. Gusto kong payagan ang sarili ko na palayain ka na ng tuluyan at tanggapin na hindi na muling maitutuloy ang ating pag-iibigan. Ang nais ko lang naman na noong mga panahong iyon, pormal na makausap ka at masabi ang mga salitang hindi ko nagawang sabihin noon sa iyo. Gusto ko lang din marinig mula sa iyo ang mga dahilan kung bakit kinailangan mo akong iwan ng biglaan. Gusto ko lang ng kapaliwanagan. Gusto ko lang mabigyan ng mga sagot ang mga tanong na ilang taon ng gumugulo sa akin.

Salamat sa Diyos at muli akong nabigyan ng pagkakataon na makausap ka kahit sa chat lamang. Ang gwapo mo parin. Kitang kita ko sa bagong larawan mo na masaya ka na. Tinanong mo pa ako kung pumangit ka na. Naisip ko pa noon na ang yabang mo parin talaga. Wala naman kasing ipinagbago ang mukha mo. Gwapong gwapo parin. May mas iga-gwapo ka pa ba? Baka lalo na kitang ikamatay kapag nagkataon.

Nagkasundo tayong magkita. Napakasaya ko noon dahil muli na kitang makikita. Masasabi ko na ang mga dapat kong sabihin. Maririnig ko na ang mga sagot sa mga tanong na noon ko pa gustong malaman. At kung pagbibigyan, mayayakap muli kita. Kahit man lamang sa huling pagkakataon.

Ang kaso, nauwi na naman sa pagtatalo ang ating pag-uusap. Hanggang sa nag-desisyon nalang akong i-block ka. Ang sakit sakit. Hindi mo man lang ako binigyan ng pagkakataon na makita ka muna bago mo ako awayin at pagsabihan ng masasakit na salita. Wala naman akong balak na habulin ka pa o makipag-balikan. Ang gusto ko lamang ay matapos nang lahat ng hirap na dinadala ko sa dibdib ko, na masabi ko lahat sa iyo ang mga hindi ko nasabi noon. Tumupad lang ako sa usapan. Pero ilang taon na akong nagdusa. Hindi pa ba sapat iyon upang kahit man lang isa o dalawang oras na makasama ka?

Lumipas muli ang mga araw. Galit na ang nararamdaman ko sa aking puso. Madamot ka talaga. Walang ibang iniisip kundi ang iyong sarili. Ni hindi mo man lang iniisip ang maaaring maramdaman ng iba. Pero agad din kitang pinatawad. Ayokong kasuklaman ka. Ayokong magalit sa iyo. Ayokong sirain ng poot ang masasayang mga alaala noong kapiling pa kita.

Nalalapit na naman ang Kapaskuhan. Ayokong matapos ang taon na hindi ka nakakausap. Ayokong harapin ang isa na namang panibagong taon na hindi tayo naaayos. Maging magkaibigan man lamang tayo ay isa ng napakalaking bagay sa akin. Ngunit hindi ko akalain na hindi pa pala tapos ang pagdating ng unos sa akin. Hindi ko akalaing panibagong dagok na naman ang aking kakaharapin dahil sa iyo.

"Apang" (First true love will never die...)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon