Part 5

252 5 0
                                    

Ngunit di kagaya ng inaasahan ko dahil sa iyon naman ang katotohanan, hanggang halik lamang ang ibinigay mo. Hindi naman ako nainis bagkus natuwa pa ako dahil ramdam ko ang respeto mo para sa akin at sa relasyon natin. Dahil doon, lalo kitang minahal. Hindi ka kagaya ng iba na tawag lang ng laman ang habol sa iba kaya nakikipag-relasyon.

Halos pumutok na ang araw, gising na gising parin ako noon dahil pinagmamasdan kitang matulog. Ang gwapo mo parin kahit natutulog. Pinagmamasdan ko lang ang mukha mo. Tinatandaan ko ang bawat marka, nunal, at detalye ng mukha mo. Inuukit ko sa aking puso't isipan ang mukha ng lalaking pinakamamahal ko at alam kong mahal na mahal din ako.

Nang ako naman ang magising, isang napakagandang umaga ang sumalubong sa akin dahil ngiti mo agad ang nasilayan ko at masayang pagbati ng "good morning". Sino ba naman ang hindi sasaya ang umaga kung ganyan kagwapo ang agad mong makikita?

Sabay ulit tayong kumain. Pero hindi na kasing saya noong nagdaang gabi dahil kaharap na natin sa mesa ang pamilya ko. Hindi naman tayo pwedeng magsubuan dahil hindi naman nila alam kung ano ba talaga tayo at kung ano ang estado natin. Ang alam lang nila, magkaibigan tayo. May kaunting lungkot na rin dahil nga ilang minuto na lang, uuwi ka na. Kung maaari lang sanang pabalikin o pahinguin man lang ang oras para mas matagal pa kitang makasama.

Iniwan mo sa akin ang t-shirt na isinuot mo nung nagdaang gabi. Ang sabi mo pa, ibalot ko sa unan at isiping ikaw iyon para naman hindi ako umiyak. Alam mo kasing iyakin ako eh. At iyon na nga ang ginawa ko. Ipinikit ko nalang ang akong mga mata at inisip na kayakap parin kita habang sinasamyo ko ang bakas ng pabango mo sa damit na iniwan mo sakin. Mayamaya pa'y nakatulog na ako.

Paggising ko, agad kong kinuha ang cellphone ko para i-text ka pero nagulat ako na mas nauna ka palang nag-text. Higit pa sa isa ang ipinasa mong mensahe. At kahit sa text, ramdam na ramdam ko parin ang pagmamahal mo na parang kaharap lang kita. Napakasaya ko noon. Napakasaya pa nating dalawa noon.

Ilang linggo ang lumipas, masaya parin tayong gumagawa ng paraan upang magkita at magkasama. Bawat sandali, nais natingg masulit. Walang segundo ang lumilipas na hindi mo ipinaparamdam sakin kung gaano ako ka-espesyal para sayo. Walang sandali ang dumadaan na hindi mo sinasabi sa akin kung gaano mo ako kamahal. Napakasaya nating dalawa noon. Mainit pa ang pagmamahal. Pero kagaya ng mga telenovela at fairytales, may mga pagsubok na kailangang harapin ang dalawang taong nagmamahalan. May mga taong susubok kung gaano kayo katibay. May mga pagkakataong darating na susubukin kung hanggang saan at kailan ang inyong istorya.

"Apang" (First true love will never die...)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon