LESSON 05- Gay Ghost

5.3K 255 15
                                    

BELLE’S POV

KRIIINNNGGG!!!

Papungas-pungas at napipilitan akong bumangon nang magsimula nang tumunog ang alarm clock ko. Inabot ko iyon at saka pinatay. Ang bigat ng mata ko at talagang antok na antok pa ako ngunit kailangan ko nang bumangon dahil may pasok pa ako sa school.

Anong oras na ba ako nakauwi kagabi mula sa Wellington High? Sa pagkakatanda ko ay alas onse na iyon ng gabi. Hindi pa ako nakatulog agad dahil ginawa ko pa iyong assignment ko sa English. Tapos gising na ako ngayong ala-singko ng umaga.

Babangon na sana ako nang tila may humilang pwersa sa akin para bumalik sa pagkakahiga. Gusto ko pang matulog kahit five sconds lang. Kung pwede lang.

“Aaahhh!!!” Napasigaw ako nang malakas nang makita ko sa katapat ko si Prince na parang butiki na nakadikit sa kisame. Pero nakaharap ito sa akin.

“Good morning!” Nakangiting bati niya sa akin.

“Belle! Okay ka lang ba diyan?” boses iyon ni Mama na panay ang katok sa pinto ng silid ko.

“Y-yes po! O-okay lang ako!” Nanlalaki ang mga mata na sagot ko. Hindi ko maialis ang tingin ko kay Prince.

Sino ba naman kasi ang hindi matatakot kapag nakakita ka ng multo na parang butiki sa kisame?

“Bakit ka sumigaw?”

“M-may ipis po! P-pero napatay ko na, 'ma!” Pagsisinungaling ko.

“Okay. Lumabas ka na diyan at maligo ka na. Baka ma-late ka sa school.”

“S-sige po!” Nang marinig ko ang papalayong yabag ng paa ni mama ay saka lang ako kumalma. Bumaba ako ng kama at tumingala kay Prince. “Hoy! Anong ginagawa mo dito? Akala ko ba hindi ka nakakaalis ng Wellington High? Saka, bumaba ka nga diyan! Para kang butiki!”

Mabilis na bumaba si Prince at tumayo sa harapan nko. “Sa totoo lang, hindi ko rin alam kung bakit ako nakalabas ng school. Siguro dahil connected na tayo kaya kahit nasaan ka ay makakasunod ako sa iyo. Iyon nga lang, hindi ako makakapunta sa kabilang buhay hangga’t hindi mo--”

“Oo na. Oo na! Hanggang hindi kita natutulungan. Pero bakit kailangan mo pang sumunod sa akin dito?”

Kumibit-balikat siya. “Sinubukan ko lang naman na sumunod. Bakit? Ayaw mo ba akong makita? Pogi naman ako, 'di ba?” Nag-pogi sign pa ito sabay kindat sa akin.

Namula nang husto ang mukha ko. Sa hindi malamang dahilan ay tila may kung ano akong naramdaman sa ginawa niyang pagkindat. Parang na-cute-an ako sa kanya nang husto sa ginawa niya.

“Akala mo cute ka sa pagkindat mo? Hindi, uy!” sabi ko sabay irap.

“Wow! Wala naman akong sinabi na cute ako. Ikaw ang…” Huminto siya sa pagsasalita at nanunuksong ngumiti. “Teka, iniisip mo ba na cute ako kapag kumikindat? Hey! Namumula ka!” Itinuro pa niya ang cheeks ko at sinundot-sundot iyon. Lumalampas lang naman sa pisngi ko ang daliri niya.

“Ano ba?! Nakakainis ka!” ani ko sabay tabig sa kamay ni Prince ngunit hindi ko naman iyon natabig dahil nga sa multo siya. Tumalikod na lang ako habang pigil ang pagngiti. “Basta, ayokong palagi kang nakasunod sa akin. Saka isa pa, nakausap mo na ba ang mga multo sa school na huwag nila akong tatakutin o gagambalain?”

“Oo, kagabi ko pa iyong ginawa. Tinatanong din nila kung kailan mo sila iinterview-hin. Nagmamadali sila lalo na’t marami sa kanila ang kailangan ng tulong. Sinabi ko rin sa kanila na anim lang ang matutulungan natin kaya kailangan natin silang makausap para malaman natin kung sino ang karapat-dapat.”

“Very good. 'Wag muna ngayon kasi busy pa ako sa school. Kakasimula pa lang ng pasukan kaya ayokong ma-stress.”

“Pero gusto kong simulan na natin ito!” Lumipat si Prince sa harapan ko.

“Nagmamadali? Taeng-tae?”

“Mahigit sampung taon na akong naghihintay na makapunta sa kabilang buhay, Belle. Nagmamadali pa ba ako sa lagay na iyon?”

“Bakit kasi nagpakamatay ka pa?”

Biglang natigilan si Prince sa sinabi kong iyon. Tumahimik siya at unti-unti siyang nawala sa paningin ko. Pinakiramdaman ko siya pero hindi ko na naramdaman ang presensiya niya. Nagalit kaya siya sa sinabi ko o ayaw lang niyang pag-usapan ang bagay na iyon?

Ah, saka ko na nga lang iisipin iyon. Ang kailangan kong gawin ay ang mag-asikaso na dahil baka ma-late na ako sa pagpasok sa school.

-----***-----

“BELLE? Tama? Belle ang pangalan mo?”

Oras ng klase pero kanina pa ako ginugulo ng isang multong bakla. Nakasuot ito ng pang-drag queen at sa tantiya ko ay nasa thirties ito. Panay ang discuss ng teacher namin sa unahan ngunit hindi ako makapag-concentrate dahil sa multong bakla. Malamang, alam na ng lahat ng multo sa school ang tungkol sa akin at sa kakayahan ko. At sa pagkakaalam ko ay kinausap na ang mga ito ni Prince na huwag akong gagambalain. Ngunit ano ang ginagawa ng isang ito?

Kalma, Belle. 'Wag mo siyang papansinin… sabi ko sa aking sarili.

“Baka naman pwedeng isa ako sa anim na tutulungan niyo ni Prince. Sige na, Belle…” Nagpalipat-lipat ang multong bakla sa kaliwa’t kanan ko. Hindi ito mapakali. Para bang hindi niya ako titigilan hangga’t hindi ako pumapayag sa gusto niya.

Mas mabuti siguro na malaman nito na hindi ito ang tamang oras para guluhin ako kaya naman bumulong na lang ako. “'Wag ngayon, okay? Hindi ka ba kinausap ni Prince na may tamang oras para diyan?”

Nagtatakang tumingin sa akin si Monica na narinig yata ang pagbulong ko. “May sinasabi ka?” tanong niya.

“Ha? W-wala…”

“Para kasing narinig kitang--”

“Ano ka ba? Baka may naririnig ka lang na kung ano diyan. Makinig na lang tayo kay teacher at baka isipin niya na nagdadaldalan tayo dito.”

Pumunta ang multo sa may ulunan ko at talagang umupo pa ito sa balikat ko. May naramdaman akong tila pwersa doon. “Hay! Basta ipangako mo na pipiliin mo ako!” anito.

Huminga ako nang malalim. Sobrang kulit ng multong ito at parang anumang sandali ay hindi ko na kakayanin at maloloka na ako. “Umalis ka diyan…” bulong ko.

Mariing umiling ang multo. “No! No! No! Hindi ako aalis dito. Magpromise ka muna sa akin na isa ako sa mga multo na tutulungan niyo ni Prince. Raise your right hand and say it!” pamimilit niya. Demanding din, ha.

“Sinabi nang umalis ka…” Sumasakit na ang ulo ko. Anumang oras ay sasabog na ako sa sobrang inis.

“Hay naku! Kapag narinig mo ang kwento ko sigurado ako na--”

“Umalis ka sabi sa balikat ko. Huwag mo akong inisin…” Muli akong tinignan ni Monica. May pagkabahala na sa mukha nito. Kanina pa siguro nito napapansin ang pagbulong ko. Hinayaan ko na lang si Monica.

“Alam mo, Belle, ikaw ang makulit! Magpromise ka lang--”

“Alis sabi… Gigil mo ako…”

Mahaba naman ang pasensiya ko pero nasagad na ako ng multong bakla na ito.

“Magpromise ka muna!”

“May tamang oras para diyan--”

“Hindi na ako makakapaghintay sa tamang oras na sinasabi mo! Magpromise ka! Magpromise ka!!!”

At hindi na nga ako nakapagpigil pa! Napatayo na ako at malakas na sumigaw. “Ano ba?! Hindi ka ba marunong makaintindi?! Kanina ka pa salita nang salita, ha! Umalis ka na! Umalis ka naaa!!!” At pagkatapos kong mailabas ang inis sa multong bakla ay nakita ko ang lahat ng naroon sa room na iyon na nakatingin sa akin.

TO BE CONTINUED…

Horror HighTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon