Part 2- The Guy In A Killer Mode

110 8 9
                                    

Sumisigid ang sakit ng ngipin ni Cass nang umuwi. Parang gusto niyang manuntok o masuntok. Kung bakit naman kasi hindi siya nagpabunot ng sirang ngipin noong may pera pa siyang naitabi para dito. Katangahan nga sigurong bumili ng t-shirt na panlakad gayong itinabi niya ang pera para sa emergency.

Sapo-sapo ang pisngi, tahimik siyang pumasok ng bahay. Sana, makuha ang sakit pag-inom niya ng mefenamic acid mamaya.

"Hoy babae! Alas-sais na! Saan ka naman nagsuot? Kailangan mo pang magluto! Parating na si Claudia at siguradong magrereklamo iyon pag wala pang pagkain pagdating niya...!"

Isang advertising executive sa isang sikat na kompanya ang pinsan.

"Sandali ho, Tiyang... iinom ho muna ako ng gamot. Ang sakit ng ngipin ko..."

"Mamaya na iyan. Magluto ka muna!"

Napakamot sa batok ang dalaga. Susunod na lang siya para walang gulo. "OO na ho... magluluto na po..."

Inilapag lang niya sa sofa ang gamit at pumunta ng kusina.

"Iyung damit ni Claudia, huwag mong kalimutan!"

Hindi na siya sumagot. Ayaw na niyang magratatat pa ang bunganga ng tiyahin. Palihim siyang kumuha ng gamot sa medicine kit at ininom iyon.

Gumawa siya ng vegetable salad at garlic pasta para sa hapunan ni Claudia. Hindi ito kumakain ng kanin at mga karne dahil natatakot tumaba. Lihim siyang napatawa. Tabain ang lahi ng tiyahin niya at siguradong pag hindi nakontrol ni Claudia ang diet, magagaya ito sa ina.

Pero bilib siya sa pinsan. Name-maintain nito ang pigurang parang hourglass. Mas prominente ang porma nito lalo pa't mahilig itong magsusuot ng mga sexy at skimpy na mga damit.

Inayos niya ang mesa at inilapag ang nilutong adobong manok para sa tiyahin. Iyon na rin ang ulam niya at ni Peter na libre ang pagkain sa kanila.

"Kakain na po..."

Nandidilat ang mga matang pumasok ng kumedor ang tiyahin. Tiningnan muna siya ng masakit bago naupo at nagsimulang kumain.

"Hala, labhan mo na ang damit ng ate mo," sabi nito sa pagitan ng pagnguya. "at ayusin mo. Pag nasira iyun, kakalbuhin kita..."

Hay, buhay.

===
Nagpapahinga na siya sa sariling silid ng marinig naman ang matinis na boses ni Claudia. Bahagya niyang inilapat ang teynga sa dingding. Magkadikit lang ang room nila ng pinsan kaya hindi miminsang narinig niya ang mga pag-uusap at pag-aaway ng mag-ina.

"I hate you, mom! Sabi ko na sa 'yong ayaw kong siniset-up mo ako sa kung sino-sino lang?!"

"Hindi siya kung sino lang, Claudia! Anak siya ng kaibigan ng kasamahan ko sa mah-jong! Malawak ang kanilang pataniman ng pinya sa probinsiya. May factory sila ng mga pineapple products... malawak ang rancho... ano pa ba ang hahanapin mo?"

Alam ni Cass na nakapameywang ang pinsan at pilit na nilalabanan ang inang walang balak na magback down sa usaping iyon.

"Hindi lang siya ang may-ari noon mom. Malay mo kung marami silang maghahati ng properties na iyun. Ayokong makihati sa kayamanan ng kung sino mang damuhong iyon!"

May narinig siyang nabasag.

"Cassandra!!!"

Muntik nang mangudngod sa dingding ang nguso ni Cass nang marinig ang pangalan. Agaran niyang binuksan ang pintuan at sumugod sa silid ng pinsan.

Bumuglaw sa kanyang paningin ang basag na vase sa sahig. Nakaupo ang tiyahin sa kama at ang pinsan ay nakatayo sa harapan ng ina at nakapameywang.

"Linisin mo ang nabasag na iyan... siguraduhin mong walang natirang anumang piraso at baka maapakan ng Ate Claudia mo..."

Dalidali siyang kumuha ng dustpan at walis at walang kibong nagwalis. Nakasunod naman ang mga mata ng dalawa sa ginagawa niya.

Bahagyang naasiwa si Cass. Unang beses na hindi siya napagsabihan ng kahit ano ng dalawa habang magkasama sila sa iisang silid.

Ikinibit-balikat niya iyon.

===
Mula nang pumunta sa blind date, palagi na lang wala sa bahay si Claudia. At palagi ring galit si Tiya Mary. At si Cass ang palagi nitong napagbubuntunan ng galit at iyon ang hindi maintindihan ng dalaga. Sinunod naman ni Claudia ang gusto nito at sa pagkakaalam niya wala siyang ginawang maaaring magpakulo ng dugo nito ukol sa kanya.  

"Ang sabi ko sa 'yo, maaga kang umuwi dahil marami ka pang gagawin dito sa bahay! Ang mga silid namin ng Ate mo, ilang araw mo nang di nalilinis! Absent iyong isang tindera, kailangan kita para isalansan ang mga bagong dating na delata..."

"Di ho ba, andiyan naman si Peter?"

"Driver si Peter, hindi tindera..."

'E ako din ho, hindi nyo tindera...' bulong niya sa sarili.

"Anong sabi mo..?"

"La po... sige po. Gagawin ko na po matapos kong maghapunan..."

Binatukan siya ng tiyahin bago ito pumasok ng sariling silid. Nakamot na lang ni Cass ang ulo bago tumuloy sa kusina upang kumain.

===
Matapos ang ilang araw, umuwi din si Claudia na ikinatuwa ng ina. Inutusan nito si Cass na iluto ang lahat ng paborito nito. Lihim na napaismid ang dalaga. Siguradong may ginawa na naman ang tiyahin na hindi magugustuhan ng pinsan.

Kumakain na silang tatlo nang magsalita si Tiya Mary.

"Ah, Claudia, mahal kong anak, sana naman mapagbigyan mo na ako this time..."

Nagdududang napatingin si Claudia sa ina. "Don't tell me anything na magpapainit ng ulo ko, Mom."

"Hin-hindi naman talaga kailangang magalit ka. Just this time lang---''

"Puwede mo bang diretsahin, Mom? Nakakawala na ng gana eh..."

"Puwede bang i-meet mo na uli 'yung anak ng kaibigan ng kaibigan ko? Kinukulit na kasi ako ng kumareng Trinnie... sabi, nagustuhan ka raw noong tao, bakit di mo sinasagot ang mga tawag niya...?"

"Ah, iyong kaibigan mong social climber? Bakit, namomorsiyento ba siya doon?"

Ngumiti ng mapakla si Aling Mary. "Hindi naman. Kaya lang minamadali na daw ng kaibigan niya na makapag-asawa ang anak na masyadong workaholic. E, kilala ka ni Mareng Trinnie kaya ikaw iyong naisip niya na ireto doon. Claudia, pumayag ka na... isang beses na  lang naman ang meeting. Pag hindi mo na talaga magustuhan, di hindi..."

Napabuntunghininga si Claudia. "Mom, ayaw ko talaga sa kanya. kaya nga hindi ako sumasagot sa mga tawag, di ba? bakit mo ba ipinagpipilitan sa akin ang taong iyon?"

"Imposibleng hindi mo siya nagustuhan. Guwapo daw iyon sabi ni Mare. Mayaman. Kilala ang pamilya..."

Mom, i'm telling you now, ayaw ko na. I don't want to repeat myself..."

"Please anak. huwag mo namang ipahiya ang Mommy..."

"Okey! This is the last time Mom. pag pinilit mo pa uli ako, lalayas na lang ako dito."

"Oo na, oo na. Sige kumain ka na. Tatawagan ko si Kumareng Trinnie mamaya. Sasabihin ko na lang sa 'yo kung kelan kayo uli magkikita..."

Pasulyap-sulyap lang si Cass sa dalawa. nakangiti na ang tiyahin. Napangiti na rin siya. Mabuti na nga sigurong mag-asawa na lang ang pinsan para mabawas-bawasan ang mga trabahong bahay niya.

==
As usual, maagang umalis ng bahay si Cass para magtrabaho. Di naman masyadong siksikan ang pila sa jeepney dahil kukunti pa lang ang mga pasahero. Sa bandang likuran siya ng driver pumuwesto. Tumatakbo na ang sasakyan ng mapansin niyang may dinukot sa beywang ang katabi ng driver. Namilog ang kanyang mga mata nang makita kung ano iyon.

Kutsilyo!

Bigla siyang nagpanic at napasigaw.

Nabaling sa kanya ang atensiyon ng lahat ng pasahero.

"May kutsilyo siya!!!" sabay turo sa katabi ng driver. Napalingon ito at nagkatinginan sila.

Nagsigawan ang mga pasahero at mabilis na nagsibabaan ng jeepney. Napasunod na rin siya at napatigil sa pagbaba nang masalubong ng mga mata ang galit na mukha ng nakatabi ng driver kanina. Saglit lang iyon ngunit dama niya ang galit sa talim ng pagkakatingin nito sa kanya. Tapos tumakbo na ito palayo.
===========================
Enjoy your day!

Wanted: Replacement BrideWhere stories live. Discover now